Chapter XV

12K 798 119
                                    

Chapter XV: Finn Revealing His Might

Ramdam na ramdam ni Finn Doria ang mga mga matang nakatitig sa kaniya. Kahit ang mga nasa kabilang panig ay nakatingin sa kaniya na para bang interesadong-interesado sila sa labang ito.

"Akala ko ba nakaayos at magiging patas ang labang ito? Isa lamang na 1st Level Scarlet Gold Rank si Finn Doria habang sa pagkakaalam ko, si Jacobus Rid ay isang 4th Level Scarlet Gold Rank at hindi lang 'yon, siya na ang pinakamahinang miyembro ng Sword Seven!" wika ng isang adventurer mula sa Alchemist Association.

"Siya lang ang nag-iisang 1st Level Scarlet Gold Rank sa atin kaya naman kahit kanino pa siya ilaban, siguradong matatalo pa rin siya. Maaaring isa siyang talentadong Alchemist ngunit isa naman siyang basurang Adventurer." Tugon naman ng kausap niya.

Lahat ng batang Alchemist na naroroon ay naiinggit kay Finn Doria dahil sa tinataglay nitong Alchemy Flame kaya naman tanging panghahamak at pangmamaliit na lang ang kanilang magagawa sa binatilyo.

Habang patuloy nilang minamaliit ang binatilyo, napatigil sila nang makarinig sila ng isang nakakatakot na tinig ng matanda, "Kung mayroon kayong kahit isang porsyento ng talento ni Finn Doria, maaari niyo siyang maliitin kahit kailan niyo gustuhin. Mahigit dalawampung taong gulang na kayo ngunit makakaya niyo bang bumuo ng Tier 5 Pill?! Kung hindi niyo kaya, tumahimik na lang kayo sa kinauupuan niyo!"

Natigilan at natahimik ang dalawang nag-uusap na batang Alchemist. Hindi nila inaasahang si Association Master Morris pa mismo ang magtaganggol kay Finn Doria mula sa kanilang pangmamaliit sa binatilyo. Totoong wala silang kakayahang makabuo ng Advance Scarlet Pill dahil kung mayroon silang kakayahan, hindi lang sana Scarlet Gold Rank ang antas ng kanilang lakas.

--

Lumabas na si Finn Doria sa tarangkahan ng istadyum at nakarating na siya sa pinakababa nito. Tahimik na ang buong paligid at tanging mga hakbang at ihip lang ng malamig na hangin ang kaniyang naririnig.

Ilang sandali pang paglalakad ay nakarating na rin siya sa kaniyang puwesto at napansin niyang mabagal na naglalakad naman si Jacobus. Tumigil din ito at tumingin kay Finn Doria. Ngumiti ang binatilyo sa kaniya at marahang nagwika, "Nakakahiya talaga dahil sa isang mahinang katulad mo pa ako itinapat. Pero..., isa pa ring karangalan na talunin ang isang maalamat na Alchemist sa hinaharap."

"Dahil mas mahina ka sa akin ng hindi hamak, hahayaan kitang unang umatake." Pagpapatuloy ni Jacobus.

Wala namang emosyon na tiningnan ni Finn Doria si Jacobus. Umupo siya at bigla na lang ngumiti, "Ikaw ang unang umatake dahil baka hindi ka na magkaroon pa ng pagkakataon."

Napanganga at natigilan ang lahat sa kanilang nasaksihan at narinig. Dahil mga adventurers sila, malinaw at mas malakas ang kanilang pandama at pandinig. At nang marinig nila ang sinabi ng binatilyo, hindi nila maiwasang matigilan dahil hindi nila inaasahang ganito kayabang ang binatilyong ito na kahit na malinaw naman na mas malakas sa kaniya ang kaniyang katunggali, siya pa ang humahamak dito.

"HAHAHAHA." Parang baliw na tumawa si Jacobus at matalim na tiningnan ang kinauupuan ni Finn Doria, "Hindi ko inaakalang magaling ka pa lang magbiro, Finn Doria. Gayunpaman, hindi magandang biro ang mga salitang lumalabas sa bibig mo."

"Hindi ako nagbibiro. Sugod o hindi ka na magkakaroon nang pagkakataon pa." malumanay na wika ni Finn Doria.

Nagdilim ang hitsura ni Jacobus. Nabalutan ng puting aura ang kaniyang kabuuan at matalim niyang tiningnan si Finn Doria, "Ngayon hindi na talaga ako natutuwa."

--

Sa lugar na kinaroroonan ng grupong Cloud Soaring Sect, mapait na napangiti si Sect Master Noah habang pinagmamasdan ang mga kaganapan sa baba. Tumingin siya kay Elder Marcus at malumanay na nagwika, "Marcus, napansin mo ba na talento rin ni Finn Doria ang mang-inis ng kapuwa niya Adventurer?"

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now