Chapter XXV

11.6K 715 57
                                    

Chapter XXV: Silent Night

Nang matapos ang ikalawang parte ng kompetisyon, agad ring inanusyo ni Lord Helbram na kailangan nang magbalik ng Seven Great Faction sa kani-kanilang Faction Houses. Bukod sa anunsyong ito, sinabi niya rin na magaganap ang huling parte ng kompetisyon kinabukasan kaya naman pinapaalalahanan niya ang lahat ng kalahok na maging handa. Hindi niya ipinaalam kung anong kompetisyon ang magaganap kaya naman naguguluhan at nagkakaroon nang kuro-kuro ang mga batang adventurer sa kanilang isipan.

Matapos nito agad na umalis si Lord Helbram, hindi niya na rin tinipon ang mga Faction Masters kaya naman kasama ng mga Elders at kalahok ang kani-kanilang Faction Masters pabalik sa kani-kanilang Faction Houses. Masyadong naging matindi at tensyonado ang paglalaban ni Finn Doria laban kina Tiffanya Frois at Hyon Pierceval kaya naman ito ang naging laman nang usap-usapan ng mga bata adventurers.

Pinag-uusapan din nila ang ginawang pagpapahirap at pamamahiya ni Finn kay Tiffanya. Hindi sila makapaniwalang ang pinakatalentadong miyembro ng Nine Ice Family, na isang Noble Clan ay makakaranas nang malupit na pagpapahirap sa kamay ng isang binatang nagmula lang sa ordinaryong angkan. Sigurado rin sila na sa oras na matapos ang Seven Great Faction Games, kakalat at lalabas ang balitang ito na siguradong ikakagalit ng sobra ng Nine Ice Family.

Ngunit, malinaw sa lahat na malabong makapaghiganti ang Nine Ice Family kay Finn Doria o sa kaniyang ordinaryong angkan na Azure Wood Family. Kung isa lang normal na Adventurer ang binata, hindi man nila magagawang patayin ito, makatatanggap pa rin naman ito ng parusa. Pero hindi lang basta ordinaryong adventurer si Finn Doria kaya naman wala silang magagawa kung hindi ang lunukin na lamang ang kanilang galit.

Isa rin siyang alchemist na nagtataglay nang maalamat na Blue-Green Alchemy Flame at ang kaniyang kakayahan bilang alchemist ay hindi pangkaraniwan.

Malinaw sa lahat na sa oras na magwakas ang kompetisyong ito, gagawin ng Royal Clan ang lahat upang makuha ang loob ni Finn Doria. Poprotektahan nila ito laban sa mga magnanais gumawa ng masama sa kaniya. Gagamitin nila ang kakayahan ng binata bilang alchemist upang mapalakas pa ang buong Sacred Dragon Kingdom. Dahil kung mapapalakas nila ang kabuuang lakas ng mga adventurer na mamamayan ng kahariang ito, siguradong hindi na nila kailangang matakot sa pag-atake ng mga kalapit na kaharian.

Maaaring sila naman ang umatake upang kumamkam ng bagong teritoryo. Sa oras na mangyari ito, hindi lang lalakas ang Sacred Dragon Kingdom, unti-unti rin itong lalaki at lalawak.

Habang iniisip ang mga bagay na ito, hindi maiwasan ng mga batang adventurer na makaramdam nang inggit kay Finn Doria. Naiintindihan nilang sa hinaharap ay magkaibang mundo na ang ginagalawan ng bawat isa sa kanila at ang mundong ginagalawan naman ni Finn ay alam nilang kailanman ay hindi nila maaabot at makakamtan.

Ngunit kahit na anong klaseng inggit pa ang kanilang maramdaman, wala pa ring magbabago. Mananatili pa rin silang adventurer at kakailanganin nilang lumakas pa upang makuha ang pagkilala nang karamihan. Wala silang maalamat na Blue-Green Alchemy Flame kaya naman tanging ang lakas nalang ang kanilang maasahan upang umasenso sa kahariang ito.

--

Karamihan sa pitong faction ay nakabalik na sa kani-kanilang Faction Houses, kabilang na roon ang Cloud Soaring Sect na bawat miyembro ay nasa salas para sa magaganap na pagtitipon.

Walang sinuman ang nangangahas na magsalita o gumawa nang ingay. Apat sa miyembro Soaring Seven ay seryosong nakatingin kay Sect Master Noah at Elder Marcus habang hinihintay nila itong magsalita.

Malalim namang nag-iisip sina Lore Lilytel at Ashe Vermillion. Patuloy pa rin nilang iniisip ang mga nangyari sa huling laban na naganap sa istadyum. Si Finn Doria naman ay nakangiti lamang. Nakaramdam siya ng sobrang gaan sa pakiramdam matapos ang labang 'yon.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon