Chapter XXIII

11.2K 743 22
                                    

Chapter XXIII: Deep Hatred(First Part)

"Bakit tutok na tutok ang mga Faction Master at Elders sa huling laban na 'to?" bulong ng isang binata sa katabi niyang binata.

Ang mga batang adventurers na ito ay nagmula sa Burning Heaven Sect. Nagtataka sila kung bakit ganito na lamang ang atensyong ibinibigay ng nakakatandang adventurers sa laban nina Finn Doria at Ashe Vermillion ng Soaring Seven laban kina Tiffanya Frois at Hyon Pierceval ng Ice Seven.

"Hindi ko rin alam. Nagtataka nga ako, isa lang naman itong laban sa pagitan ng mga batang adventurers pero iba ang kanilang atensyon na ibinibigay sa labang ito, sa totoo nga niyan mas malaki pa ang atensyong ibinibigay nila sa labang ito kaysa sa laban nina Gerould at Azur." Pabulong naman na tugon ng kausap niyang binata.

"Hmph. Pabulong-bulong pa kayong dalawa diyan. Anong tingin niyo sa akin bingi?" inis namang wika ng babaeng Elder mula sa Burning Heaven Sect. Sinamaan niya ng tingin ang dalawa at nagwika, "Lahat ng nakatatandang Adventurer ay interesado sa binatang 'yon. Ang kaniyang totoong lakas ay misteryo para sa amin kaya naman interesadong-interesado kami sa labang ito dahil sa kaniya."

Tumingin naman ang dalawang binata sa binatang tinutukoy ng babaeng Elder at napatango. Mas lalo silang naguluhan kaya naman naglakas loob ang isa sa kanila na magtanong, "Misteryo? Pero Elder, hindi ba't isa kang 8th Level Profound Rank? Dapat madali lang sa'yo na alamin ang totoong lakas ni Finn Doria. Isa pa, batang adventurer lang siya tulad namin kaya naman sigurado ako na hindi siya isang Profound Rank Adventurer."

Nainis naman lalo ang babaeng Elder kaya naman binigyan niya ng tig-isang batok ang dalawang binata, "Ano bang alam niyong dalawa?! Ang henerasyong ito ang pinakamakasaysayan sa ating kaharian dahil sa paglitaw ng mga talentadong adventurer na gaya niyo. At anong imposible para sa isang batang adventurer ang maging isang Profound Rank?!"

Hindi pinakinggan ng dalawa ang sermon ng babaeng Elder, bagkus, naluluha nilang hinawakan ang kaniya-kaniya nilang bukol. Hindi nila alam kung bakit sila nakatanggap ng ganitong kaparusahan kaya naman pakiramdam nila ay biktima sila ng karahasan.

"Hahaha. Elder Silvia, masyadong mainit ang ulo mo sa mga batang 'yan. Kailangan mo silang intindihan dahil mga bata pa sila at wala pa silang gaanong kaalaman sa mga bagay-bagay. Bilang nakakatanda, dapat magbigay ka ng mahabang pasensya sa kanila." Natatawang wika ni Sect Master Netero.

"Ipagpaumanhin niyo po ang aking pag-uugali, Sect Master Netero." Nahihiyang tugon naman ni Elder Silvia.

"Hohoho. Nakababa na ang apat na maglalaban. Ngayon natin malalaman kung ano pa ba ang kayang gawin ng binatang 'yon." Nakangiting wika ni Sect Master Netero.

--

Sa baba ng istadyum, hinarap nina Finn at Ashe sina Tiffanya at Hyon. Tanging si Finn lamang ang misteryosong nakangiti habang si Tiffanya naman ay nakabusangot habang hinaharap ang binatilyo.

"Muli tayong nagharap, Tiffanya." Nakangiting saad ni Finn Doria.

Napangiwi naman si Tiffanya at inis na nagwika, "Isang malaking pagkakamali ang binuhay pa kita noong una nating pagkikita, Finn Doria. Pero ngayong muli tayong nagkaharap, hindi man kita kayang patayin, sisiguraduhin kong makakapaghiganti ako sa pamamahiyang ginawa mo sa akin noong mga panahong 'yon!"

Hindi naman ikinagalit ni Finn ang sinabi ni Tiffanya, sa halip, ngumiti pa ito ng nakakaloko sa dalaga, "Sa tingin mo kakayanin mo ako ng ikaw lang?"

Natigilan naman si Tiffanya, wala pang isang araw mula nang tumaas ang kaniyang antas ng lakas kaya naman alam niyang hindi pa siya maikukumpara sa lakas na tinataglay ni Finn Doria.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]Where stories live. Discover now