Chapter XL

9.6K 759 136
                                    

Chapter XL: Forced Negotiation

Payapa at tahimik na ang buong paligid. Tanging ihip ng hanging na lang ang maririnig.

Kalmado at malumanay pa ring nakatingin si Finn Doria sa Sixth Grade Winged Golden Lion King. Walang bakas ng takot at pangamba ang makikita sa kaniyang mga mata. Hindi niya kailangang matakot dahil ang kasalukuyang Sixth Grade na leong ito ay malubhang napinsala dahil sa naganap na laban nila ng halimaw na unggoy.

Ubos na ang pisikal na lakas at enerhiya ng leon kaya naman panatag si Finn Doria na hindi siya masasaktan ng halimaw. Nakahandusay ito at hindi na magawang igalaw ang kaniyang buong katawan. Napansin din ng binata ang malalim na paghinga nito at dito pa lang ay malalaman na agad kung gaano ito napagod ng dahil sa naganap na laban.

Nang marinig ng leon ang binitiwang mga salita ng binata at kung saan ito nakaturo, ang dibdib ay bigla na lamang sumikip. Matalim siyang tumingin sa binata at galit na galit na umungol.

Sa loob ng kuweba nakatago ang dalawang pinakamahalagang bagay sa Winged King Golden Lion. Iyon ay ang Dragon-Breath Grass at ang kaniyang bagong silang na dalawang anak.

Kung hindi interesado si Finn Doria sa Dragon-Breath Grass, ibig sabihin...

"Tao! Iniligtas mo ang buhay ko sa kamay ng maduming unggoy na 'yan. Maaari mong kuhanin ang lahat ng Tier 7 Medicine Herbs sa loob ng aking kuweba ngunit hinding-hindi ko ibibigay sa'yo ang alinman sa Dragon-Breath Grass o anak ko!" galit na ungol ng leon.

Kinasusuklaman niya ang mga tao dahil daang taon na ang lumipas at nakasagupa rin siya ng mga adventurer na gaya ng binatang ito. Isa pa lang siyang mahinang Fourth Grade Vicious Beast at mahina pa siya nang mga oras na 'yon. Muntik na siyang mamatay ngunit hindi nagtagumpay ang mga taong sumubok na paslangin siya.

Maraming Third Grade at Fourth Grade Vicious Beast ang namatay sa kamay ng mga adventurer na iyon kaya naman simula noon, kinasuklaman at inayawan na ng Winged Golden Lion King na ito ang mga adventurer. Bawat adventurer na makikita niya ay pinapatay niya ng walang awa. Gusto niya ring gawin iyon sa binatang nakatayo malapit sa kaniya ngunit kahit anong pilit niya, hindi niya man lang magawang maigalaw ang kaniyang katawan.

"Sa tingin mo ba ay mayroon kang pagpipilian sa lagay mong 'yan? Kahit na isa kang Sixth Grade Vicious Beast at ang kalamnan mo ay matigas, pwede kong pagpirapirasuhin ang iyong katawan gamit ang espadang ito." Itinaas ni Finn Doria ang espada at ngumiti sa leon. Seryoso siyang tumingin sa nakahandusay na leon at muling nagpatuloy sa pagsasalita, " Isa pa, kayang-kaya kong kuhanin ang lahat ng gusto kong kuhanin sa loob ng kuweba mo kung gugustuhin ko."

Umupo si Finn at tumabi sa leon. Hinimas at sinuklay nito ang makapal na balahibo ng halimaw at binigyan ito ng bahagyang ngiti.

"Ikaw!" galig na ungol ng leon.

Gustong-gusto niyang pagpira-pirasuhin ang katawan ng binata pero masyado na siyang mahina. Ang kaniyang mata ay punong-puno ng poot at pagkamuhi. Matalim siyang tumingin sa binata at kung nakamamatay lang ang tingin, siguradong libo-libong beses nang namatay ang binata.

Hindi pinansin ng binata ang nakakatakot na tingin ng halinaw. Sa halip, binigyan niya pa ito ng matamis na ngiti at marahang nagwika, "Bakit ba ang damot mo? Dalawa ang anak mo at isa lang naman ang gusto kong hilingin. Isa pa, hindi mo naman kailangan ng asawa para makabuo ng bagong anak, hindi ba? Pwedeng-pwede mong isakripisyo ang sampung porsyento ng iyong blood essence upang makabuo muli ng anak."

Nang marinig ng Winged Golden Lion King ang mga sinabi ni Finn Doria, mas lalong gumuhit ang galit na ekspresyon ng halimaw.

Tama, mayroong ilang Vicious Beast na hindi kailangan ng asawa upang magkaanak. Maaari nilang gamitin ang kanilang blood essence upang bumuo, at ang Winged Flame Golden Lion ay isa na rito.

Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]حيث تعيش القصص. اكتشف الآن