▫ Kabanata 5

9.1K 480 13
                                    

"Ina! Nandito na po kami!" masayang bati ni Aki sa kanyang ina noong nakarating na kami sa kanilang tahanan.

"Mabuti naman at kayo'y nakauwi na. Halina't kumain." aya sa amin ni Ate Agna kaya naman ay umupo na kami upang kumain ng hapunan.

Ipinagdaop ni Aki ang kaniyang mga palad at ipinikit ang kaniyang mga mata. Napangiti naman kami ni Ate Agna at pumikit na rin.

"Lubos po kaming nagpapasalamat sa pagkain na nakahain sa aming harapan. Kami'y naghihirap man ngunit kami'y nakakakain pa rin ng tatlong beses sa isang araw. Nagpapasalamat po kami sa lahat ng biyaya na inyong binigay sa aming tahanan.

Nagpapasalamat rin po ako na dumating si Ate Zai sa amin."

Napadilat ako sa pagkabigla ngunit lumambot rin ang aking mga mata at ngumiti. Pumikit akong muli at pinakinggan ang mga salita na lumalabas sa bibig ng munting batang si Aki.

"Isa po siyang patunay na hindi niyo po kami pinapabayaan. Isa po siyang biyaya at pawang regalo na dumating sa amin. Tinulungan niya kami at hindi hinayaang malipasan ng gutom. Nagpapasalamat po ako sa ibinigay niyong biyaya na katulad niya. Nakakapagtaka dahil nagmula rin talaga siya sa langit. Tunay nga bang siya'y nagmula sa inyo bilang aming bagong kapamilya? Kung anuman po ang inyong dahilan, kami po'y nagpapasalamat.

Lubos rin po kaming humihingi ng tawad sa lahat ng hindi tama na aming nagagawa. Lubos kaming humihingi ng tawad kung minsan ay kami'y nagdududa sa inyo. Nawa'y hindi niyo po sukuan ang lahat ng mamamayang nakatira sa mundong inyong nilikha, ang Archodonia"

Dumilat na kami at ngumiti kay Aki. Sinuklian niya ang aming mga ngiti at nagsimula na kaming kumain.

Masasabi ko rin na sinuwerte rin ako sa kanila. Tinanggap nila ako kahit na wala silang kaalam-alam sa buo kong pagkatao. Pinatuloy nila ako sa kanilang tirahan at pinakain. Naisip man nila na ako'y isang pabigat, hindi nila ako pinaalis. Nakakatuwang malaman na sa lahat ng hirap na dinanas nila ay nanatili ang kanilang mabuting kalooban at hindi nagpaubaya sa desperasyon.

"Oh Aki kumain ka ng kumain ah! Marami pa 'to. Ikaw rin Zai." anyaya ni Ate Agna sa amin habang sinasandukan pa kami ng panibago.

"Ina, hindi ko na kaya." tila masusukang saad ni Aki habang nakatingin sa tumpok ng pagkain sa kaniyang lamesa. Kanina pa kami nagsimulang kumain at napansin ko rin na naparami nga ang nakain niya. Bahagya na lang kaming tumawa ni Ate Agna.

Excelium [Editing]Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz