Part 7

9.4K 336 13
                                    

HINDI alam ni Aki kung matatawa o mapapailing nang sa wakas ay malaman na niya kung sino ang may-ari ng unit na katabi ng sa kaniya. Hindi siya makapaniwala na ang kapitbahay na madalas magmartilyo at magbarena sa pader at nagpapatugtog ng ubod lakas ay walang iba kung hindi ang babaeng naka-engkuwentro niya kaninang madaling araw. Kahit anong titig ang gawin niya ay wala sa hitsura nito ang humahawak ng martilyo at barena. Mukha itong sopistikada at elegante para sa mga ganoong bagay.

Lalo na kagabi na ang suot ng babae ay dress na mababa ang neckline at hanggang kalahati lang ng hita ang haba at humahakab sa katawan nito na pinaresan ng sapatos na mataas ang mga takong. Makapal din ang make-up ng babae kagabi at ang buhok ay nakaayos na para bang kagagaling lamang nito sa kama. Last night, she looks like the type of woman who does a different kind of wallbanging. Kagabi, mukha itong ang tipo ng babae na pinakaayaw ni Aki.

Kaya nga hindi niya naintindihan ang sarili kung bakit nilapitan pa niya ang babae para pasukubin sa payong na ipinahiram sa kaniya ng isang waitress sa music bar kung saan siya tumutugtog ng piano tuwing gabi. Ang kaibigan ng kaniyang ama na siyang may-ari ng music bar na iyon ang nagbigay sa kaniya ng trabaho doon. Kilala siya ng kaibigan ng ama niya at inalok siyang tumugtog doon. Dahil wala naman ibang pagkakaabalahan si Aki at sa pagbabakasakaling bumalik ang drive niyang gumawa ng mga awitin ay pumayag na siya.

"Hindi ako makapaniwala," bulalas uli ng babae habang nakatingin sa kaniya.

Yeah. Hindi rin ako makapaniwala. Hindi makapaniwala si Aki na malaki ang pagbabago sa hitsura ng babae kapag walang bahid ng make-up ang mukha nito at hindi nakaayos ang buhok. Mas mukha itong bata at fresh ngayon kaysa sa mapang-akit at magandang babae kagabi. At sa tuwing naiisip niya kung ano ang ginagawa nito sa unit nito sa nakaraang dalawang linggo ay hindi niya napigilan ang pag-angat ng gilid ng mga labi niya. "At ikaw ang kapitbahay ko na sa loob ng dalawang linggo ay tatlong beses na nag-re-decorate ng bahay."

Bumakas ang pagkagulat sa mukha ng babae. "Paano mo nalaman ang ginagawa ko?" hilakbot na tanong nito.

Napailing si Aki. "Naririnig ko mula sa unit ko ang pagpupukpok at pagbabarena mo ng pader. I assume you were redecorating."

Namula ang mukha ng babae at mabilis na nag-iwas ng tingin. "Hindi ko alam na naririnig sa kabilang unit ang ginagawa ko."

"Okay lang," mabilis na sagot ni Aki. Pagkatapos ay natigilan siya. Hindi iyon okay. Kaninang umaga nga lang ay naiinis siyang nag-iingay ito hindi ba? Bakit biglang nagbago ang isip niya ngayon alam na niya kung sino ang kapitbahay niya?

Tumikhim ang babae at itinaas ang noo. "Fine." Pagkatapos ay tuluyan na nitong binuksan ang pinto ng unit nito at binuhat ang mga pinamili. Sumulyap muli sa kaniya ang babae at pilit na ngumiti. "Then see you, neighbor." Iyon lang at tuluyan na pumasok sa unit nito ang babae.

Ilang segundo ang nakalilipas nang marealize ni Aki na ni hindi niya tinanong ang pangalan ng babae. Pagkatapos ay natigilan na naman siya nang mapagtanto na iyon ang unang beses na naging interesado siyang malaman ang pangalan ng isang babaeng noon lang niya nakilala. Not since he first met Veronica.

Nang sumagi sa isip niya ang dating kasintahan ay tumiim ang mga bagang niya at nawala ang kanina lamang ay magandang pakiramdam sa dibdib niya. Umiling siya upang hamigin ang sarili. Not good. Muntik na naman siya madala ng kuryosidad niya. Nagulat lang siya na iba ang hitsura ng babae sa ayos nito kagabi. Subalit ang katotohanang kagabi ay nakaayos ang babae ng ganoon ay patunay na katulad din ito ni Veronica at ng iba pang mga babaeng sinubukan mapalapit sa kaniya sa nakaraang mga taon – isang babaeng mahilig sa nightlife. Ayaw na ni Aki magkaroon ng koneksiyon sa ganoong klase ng babae kahit kailan. Napailing siya at saka tuluyang pumasok sa sarili niyang unit.

SCANDAL MAKERSМесто, где живут истории. Откройте их для себя