Part 43

6.7K 271 7
                                    


"MISS Alice, wala pa rin po sa parking lot si Aki," sabi ng assistant ni Alice na si Nikki nang lumapit ito sa kaniya pagkaanunsyo ng director na tapos na ang eksena niya para sa taping day na iyon.

"Talaga? Bakit kaya?" takang nausal ni Alice. Kinuha niya ang cellphone sa bag niya at nakita ang isang text message galing kay Aki.

I'm sorry. May kailangan ako asikasuhin at hindi kita masusundo. I'll see you tomorrow morning.

Kumunot ang noo niya. Ano kaya ang kailangan niyang asikasuhin? Baka nagpunta siya sa music bar.

"Alice, wala pa daw si Aki?" biglang tanong ni Coleen na lumapit sa kaniya. Sa araw na iyon kasi sabay silang natapos sa taping.

"Hindi siya makakapunta ngayon. Something came up," sabi na lang ni Alice.

"Ganoon? Kung ganoon sumabay na lang kayo ni Nikki sa akin. Wala kang dalang kotse hindi ba?"

Ngumiti siya at tumango. "Salamat Coleen."

Subalit kahit habang nasa biyahe na sila pauwi ay hindi niya maiwasang mag-alala para kay Aki. Sinubukan niyang tawagan ang cellphone ng binata pero out of coverage area iyon. Nang makarating siya sa unit niya ay napatitig pa siya ng matagal sa pinto ng unit ni Aki.

"Bakit ba hindi ako mapakali?" nausal ni Alice habang nakatingin pa rin sa pinto. Ipinilig niya ang ulo bago tuluyang pumasok sa sarili niyang unit.

KINABUKASAN ay nagising si Alice sa tunog ng doorbell niya. Mabilis siyang napabangon dahil sa totoo lang ay mababaw lang naman ang naging tulog niya magdamag. Agad na nagtungo siya sa pinto at sinilip kung sino ang nasa labas. Sumikdo ang puso niya at nakaramdam ng tuwa nang makita ang bulto ni Aki mula sa screen na nasa gilid ng pinto niya. Binuksan niya ang pinto.

"Magandang umaga," nakangiting bati ni Aki nang magtama ang kanilang mga mata.

Gumanti ng bati at ngiti si Alice pero natigilan din siya agad nang mapansin na kahit nakangiti si Aki ay tila pagod at haggard ang binata. Kahit ang suot nitong damit ay lukot. Patunay na hindi ito umuwi magdamag at mukhang kararating lang. Napalitan ng pag-aalala ang ngiti niya. "Okay ka lang ba?"

Sandaling tila natigilan si Aki sa tanong niya bago ipinilig ang ulo at itinaas ang kamay na may bitbit palang take-out food mula sa isang restaurant. "Nagdala ako ng almusal.Sabay na tayo kumain."

Nilakihan ni Alice ang bukas ng pinto upang makapasok ang binata. Nagpatiuna itong maglakad patungo sa kusina at napasunod na lang siya ng tingin. Sa kabila ng ngiti at kaswal na tinig ay sigurado siya na may hindi tama kay Aki. Kailangan niyang malaman kaagad ang dahilan kung bakit ito nagkakaganoon bago siya umalis para sa tv guesting niya sa umagang iyon. Sumunod siya sa kusina at handa na sanang magtanong sa binata pero na-distract siya ng amoy ng pancake at honey. Iyon pala ang almusal na dala nito.

Malakas na kumalam ang sikmura niya. Napatingin sa kaniya si Aki na mukhang narinig iyon. Medyo napahiya siya pero napalis iyon nang ngumiti ang binata at humatak ng silya. "Upo ka. Magtitimpla ako ng kape."

Tumalima siya at kusa nang inayos ang mga inilabas na take-out ni Aki sa dalawang placemats. Ang binata naman ay mabilis na nagsalang ng kape sa percolator niya. Sanay na sanay na ito sa kusina niya dahil halos araw-araw naman silang nagpupunta sa unit ng isa't isa. Nang makapagsalin ng kape sa dalawang tasa ay umupo sa tabi niya si Aki.

"Hindi pa ako kumakain mula kagabi," sabi pa nito.

Tiningnan niya ang mukha nitong mukha talagang pagod. "Mukhang wala ka pang tulog."

Ngumiti si Aki pero halatang pilit. "Yeah. Go on, kumain ka na."

Alanganing tumalima na lang si Alice dahil nararamdaman niya na tila ba humahanap ng tiyempo si Aki. Nararamdaman niya na may gusto itong sabihin sa kaniya. Pasimple siyang huminga ng malalim at nagdesisyon na hintayin na lamang si Aki na magsalita. Itinuon na lang niya ang atensiyon sa paglalagay ng butter at pagbuhos ng honey syrup sa pancake niya. Tapos na ang photo shoot niya kaya puwede na siya kumain ng matamis at mag-gain ng ilang inches sa waistline.

Sumubo siya at napapikit sa sarap. "I missed eating something with butter and honey syrup," ungol niya. Pagkatapos ay muling tumusok ng piraso ng pancake na maraming butter at honey syrup at isinubo iyon. Sa sobrang tagal na mula ng makakain siya niyon ay takam na takam siya. Katunayan ay may palagay siyang parang kulang ang binili ni Aki sa kaniya.

"Masarap?" tanong ni Aki sa mainit na tinig.

Bumaling siya sa binata at natigilan nang makita ang pamilyar na kislap sa mga mata nito habang titig na titig sa kaniyang kumain. Nakatukod sa lamesa ang siko nito at nakapangalumbaba habang pinagmamasdan siya. Parang may mga paru-parong nagliparan sa sikmura ni Alice at nanginig ang kamay na may hawak ng kubyertos.

"Bakit ka ganiyan?" halos hindi humihingang tanong niya.

"Ano?" hindi pa rin tumitinag na tanong ni Aki.

"Napansin ko noong una ka pa lang kumain sa bahay, palagi kang nakatingin sa akin kapag kumakain ako."

May gumuhit na mapang-akit na ngiti sa mga labi ni Aki. "It's because you look sexy when you eat." Pagkatapos ay namilog ang mga mata ni Alice nang umangat ang isang kamay nito at lumapat ang hinlalaki nito sa gilid ng mga labi niya na hindi niya napansing may honey syrup pala. Pagkatapos ay may ginawa itong hindi niya inaasahan. Pakiramdam niya ay huminto sa pagtibok ang puso niya nang dilaan nito ang honey syrup mula sa hinlalaki nito habang matiim na nakatitig sa kaniya.

Pakiramdam ni Alice ay may kumalat na maliliit na boltahe ng kuryente sa buong katawan niya. Hindi niya maialis ang pagkakatitig sa mga mata nito. "Aki," nausal niya.

Ngumiti si Aki. Bigla parang iisa ang nasa isip nila na sabay silang kumilos. Sa isang iglap ay magkalapat na ang kanilang mga labi. Napapikit si Alice dahil hindi tulad dati ay mariin at malalim kaagad ang halik ni Aki. Ang kamay nito ay humawak sa batok niya at lalo pang inangulo ang ulo niya para mahalikan siya ng husto. Hinahalikan siya nito na para bang uhaw na uhaw ito, na para bang hinahalikan siya nito sa una at huling pagkakataon.

Kapwa sila hinihingal nang sa wakas ay pakawalan ni Aki ang mga labi niya. Pinaglapat nito ang kanilang mga noo at ikinulong ang mukha niya sa mga palad nito.

"Alice," bulong ni Aki.

Nag-angat siya ng tingin upang salubungin ang mga mata ng binata dahil may nahimigan siyang paghihirap sa tinig nito. "Yes?"

Ilang segundong nagkatitigan lang sila. Nang makita niya ang emosyon sa mga mata nito ay biglang nakaramdam ng matinding takot si Alice. Bigla ay ayaw niyang marinig ang sasabihin nito. Subalit huli na ang lahat para pigilan si Aki dahil nanulas na sa mga labi nito ang mga salitang kahit ilang beses nang sumagi sa isip niya ay mas masakit pa rin pala kapag personal na niyang narinig.

"Oras na para bumalik ako sa Amerika."

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now