Part 44

7.7K 299 34
                                    

MATAGAL na hindi nakahuma si Alice. Pakiramdam niya ay nabingi siya at lumobo ang ulo niya. Humigpit ang mga palad ni Aki sa magkabilang pisngi niya at kumislap ang mga mata sa emosyong nagpasikip sa puso niya. "Say something," mahinang pakiusap nito.

Napakurap siya at tumikhim. Iniwas niya ang mukha hanggang nabitawan na siya ni Aki. Pilit niyang hinamig ang sarili kahit pa parang pinipiga ang puso niya. "Kailan?" tanong ni Alice sa mahinang tinig. Dahil kung hindi niya iyon gagawin ay gagaralgal ang boses niya.

Naramdaman niya ang matamang pagtitig ni Aki pero hindi niya ibinalik ang tingin dito. Hindi siya dapat mag-break down. Dapat ay umakto siyang cool, kalmado at risonable dahil siya ang mas matanda sa kanila. Pero hindi niya magagawa iyon kung sasalubungin niya ang tingin nito.

"Mamayang hapon," sagot ni Aki.

Napahinga siya ng malalim. Agad? "Matagal mo na bang plano na umalis mamayang gabi at hindi mo lang sinabi sa akin agad?" tanong ni Alice.

Marahas na bumuga ng hangin ang binata. Pagkatapos ay napasinghap siya nang hawakan nito ang baba niya at pihitin ang mukha niya para magkasalubong ang mga mata nila. "No. Alam ko na kailangan kong bumalik kalaunan pero nitong nakaraan ay hindi ako makapagdesisyon kung kailan ako aalis. Katunayan, habang lumilipas ang mga araw ay parang ayoko na umalis. Pero kailangan. May kailangan akong asikasuhin doon. I have so much unfinished business that I must face. Narealize ko na tumakbo lang ako sa lahat ng problema ko nang magdesisyon akong umalis ng New York. At patuloy akong hahabulin ng mga iyon kahit saan ako magpunta kung hindi ko haharapin ngayon. I want to stop running away," litanya ni Aki.

Nakagat ni Alice ang ibabang labi dahil may bumikig sa lalamunan niya. Pilit niyang kinontrol ang ekspresyon sa mukha niya. After all, artista siya, madali lang iyong gawin para sa kaniya hindi ba? Ang kaso, sa mga sandaling iyon ay hindi niya mapagana ang talent niya sa pag-arte. So right now, she must look awful. "Alam ko naman, Aki. Alam ko na nagbabakasyon ka lang sa pilipinas. Alam ko na darating ang oras na kakailanganin mong iwan ako. Pero sana naman, binigyan mo naman ako ng oras para maghanda sa pag-alis mo. Para makondisyon ko ang sarili ko na sa mga susunod na araw ay hindi na kita makikita," garalgal na usal ni Alice.

"I'm sorry," usal ni Aki na may kumislap na guilt sa mga mata. Pagkatapos ay tinawid nito ang pagitan ng mga labi nila at magaan siyang hinalikan. "I'm sorry for making you feel like this." Napapikit si Alice dahil nag-init ang mga mata niya. Lumapat ang mga labi ni Aki sa magkabilang gilid ng mga mata niya na para bang alam nitong maiiyak siya anumang sandali. "Patawad na kailangan kong umalis," puno ng paghihirap na usal nito.

Nang dahan-dahan na imulat ni Alice ang mga mata ay tuluyang tumulo ang luha niya.

"Babalik ako. Pangako. Hindi ko lang masabi kung kailan dahil hindi ko alam kung gaano katagal bago ko maaayos ang lahat ng naiwan ko sa amerika. Pero babalik ako, Alice. Kaya huwag ka umiyak," alo ni Aki.

Babalik ka, tapos aalis ka uli. Paulit-ulit ko bang mararamdaman ito sa tuwing aalis ka? frustrated na naisip ni Alice. Huminga siya ng malalim at nagpakatatag na sinalubong ang tingin ng binata. "Okay." Pilit siyang ngumiti. "Mag-iingat ka sa biyahe. Hindi kita maihahatid sa airport dahil may trabaho ako."

Gumanti ng pilit ding ngiti si Aki. "I know. Tatawagan kita kapag nandoon na ako. Alam ko naman ang landline number mo."

Tumango siya at tumayo na. "Kakain ka pa ba? Kung hindi ililigpit ko na muna ang mga ito. Kailangan ko na mag-ayos at maaga ang shoot ng TV guesting ko ngayong umaga." Kailangan na niyang mapag-isa upang makapag-internalize siya at maibalik na sa normal ang emosyon niya.

Tumayo rin si Aki at hinawakan ang kamay niya. "Alice. Ayokong umalis na ganito ang huling namagitan sa ating dalawa. Please tumingin ka sa akin," pakiusap nito. Dahan-dahan siyang pumihit paharap sa binata at tiningala ang mukha nito. Pinisil nito ang kamay niya. "Babalik naman ako," sabi pa nito na may munting ngiti sa mga labi.

Huminga siya ng malalim at bahagya na ring ngumiti. "Okay."

"And here, keep this," sabi ni Aki na binuka ang kamay niyang hawak nito at ipinatong doon ang keycard ng unit nito. " Valid pa ang leasing contract ko sa unit ko kaya hindi ko aalisin ang mga gamit ko doon. Pwede mong bisitahin ang unit ko, mag re-decorate ka kahit ilang beses mo pa gusto. Ito ang patunay ko na babalik ako sa iyo."

Sa kabila ng lungkot ni Alice na aalis na si Aki ay na-touch pa rin siya na ipinagkatiwala nito sa kaniya ang unit nito. Tama ang binata, ang kaalamang sinisiguro nito na may babalikan itong bahay sa pilipinas ay sapat na assurance para sa kaniya na babalik talaga ito. Hindi siya dapat nag-o-over react ng ganoon. Huminga siya ng malalim at sa pagkakataong iyon ay tunay na ang ngiting iginawad niya kay Aki. "Okay. I'll keep this."

Gumanti ng masuyong ngiti ang binata. Pagkatapos ay marahan siya nitong niyakap. Umangat ang mga braso ni Alice at ipinaikot sa katawan ni Aki. Humigpit ang mga braso nito sa katawan niya. "Ma-mi-miss kita," usal nito sa tainga niya.

Pumikit siya at kumuyom ang mga kamao sa t-shirt nito. "Ako rin," pag-amin niya. Matagal sila sa ganoong posisyon na para bang wala sa kanila ang nais lumayo sa isa't isa. Sa huli ay si Alice ang bantulot na kumawala at umatras palayo sa binata. Tiningala niya si Aki at muling ngumiti. "Bumalik ka agad."

"I will," nakangiting sagot ni Aki.

KAHIT papaano ay mas maayos na ang pakiramdam ni Alice nang umibis siya mula sa elevator patungo sa lower ground parking lot ng condominium building. Paulit-ulit niyang inaalo ang sarili niya na babalik naman si Aki. He's not going to leave her for good. Dahil kung iyon ang balak ng binata ay siguradong sasabihin nito sa kaniya iyon ng harapan. Maliban na lang kung may matindi itong rason para maglihim sa kaniya.

Habang naglalakad patungo sa direksiyon kung saan naka-park ang kotse niya ay niyuko niya ang cellphone niya upang tingnan ang oras. Hindi pa dumarating si Nikki kahit dapat ay bumibiyahe na sila patungo sa tv station. May narinig siyang tunog ng binuksang pinto ng kotse sa hindi kalayuan, kasunod ng lagatok ng takong ng sapatos na palapit sa direksiyon niya. Umalingasaw sa paligid ang matapang na amoy ng pambabaeng pabango. Naalis tuloy sa cellphone niya ang atensiyon niya at nag-angat ng tingin. Nakita niya ang pasalubong sa kaniyang babae na nakasuot ng shades sa mga mata, jeans at tight spaghetti strapped top na nag-emphasize ng makurbang katawan nito. Ang dark blonde nitong buhok ay nakalugay at sumasayaw sa bawat indayog ng balakang ng babae.

Napahinto si Alice at napako sa kinatatayuan dahil agad niyang nakilala ang babae. Si Veronica. Worldwide Diva. Nasa parking lot ng condominium building nila. Tila may asidong humagod sa sikmura niya dahil sigurado siyang hindi coincidence kung bakit naroon ang babae. Isang tao lang ang alam niyang kilala nitong nakatira doon. Si Aki.

Napasulyap sa kaniya si Veronica at napahinto rin sa paglalakad ilang metro sa harapan niya. Inalis nito ang shades at pinakatitigan siya. May kumislap na rekognisyon sa mga mata nito. "You... you are that woman who has been all over the internet with Aki. What are you doing here?" mataray na tanong nito.

Tumiim ang mga labi ni Alice at naningkit ang mga mata. "I live here. What are you doing here?" balik tanong niya.

Umangat ang kilay ni Veronica. "I think you know why I'm here. I am claiming back what is mine. You are going to get out of the picture in Aki's life starting today because he's coming back to the States with me. He told me so when we met last night at my hotel room." Mapagmalaking ngumiti ang babae at may kumislap pang malisya sa mga mata nito bago naging mabalasik uli ang tingin. "So get lost." Iyon lang at naglakad na itong muli.

Parang may tumarak na punyal sa puso ni Alice at hindi siya nakahuma. Anong ibig niyang sabihin na sasama sa kaniya si Aki? Siya ba ang dahilan kung bakit biglang nagdesisyon si Aki na bumalik ng States?At nang sabihin niya sa akin na may kinailangan siyang asikasuhin kagabi, iyon ay para makipagkita kay Veronica? Kaninang umaga lang umuwi si Aki. Magdamag nitong kasama ang babae sa isang hotel room?

Nakaramdam ng pagkahilo si Alice. Marahil dahil sa dami ng mga katanungan sa isip niya. O marahil dala ng stress na unti-unting nagpapasakit sa ulo niya dahil sa dami ng rebelasyong nalaman niya sa umagang iyon.

Nakalampas na ang babae nang mahamig ni Alice ang sarili mula sa pagkabigla. Nilingon niya ito. "Wait! He told me you are already through. Why would he go back with you?" pahabol na tanong niya. Nakalimutan na niya ang pride. Mas importante sa kaniya ang malaman ang sagot sa tanong niyang iyon.

Nakasakay na si Veronica sa elevator at tiningan siya. Bago tuluyang magsara ang pinto ng elevator ay nagsalita ang babae, "Because I'm pregnant."

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now