Part 31

7.3K 263 7
                                    

Mariing pumikit si Alice. Sa totoo lang ay ayaw niyang sa kaniya manggaling ang tungkol sa sitwasyon ni Coleen. Gusto sana niya ay ang babae ang magsabi sa manager nila. Pero alam din niya na hindi siya titigilan ni Tita Bebs hangga't hindi naririnig ang totoo. Kaya sinabi niya rito ang tungkol sa naabutan niya nang magpunta siya sa apartment ni Coleen hanggang sa pakiusap ni Larry na tulungan niya itong makausap ang nakababatang babae.

Mahabang sandali ang lumipas bago nagsalita si Tita Bebs. "Marami kang hindi sinabi sa akin. Nararamdaman ko. Hindi mo binanggit ang tungkol sa isa pang lalaki na kasama mo sa larawan. Kilala ko ang lalaking iyon, Alice. Siya iyong tumutugtog ng piano sa music bar ni Victor hindi ba? At bakit alam ng boyfriend ni Coleen kung saan ka nakatira?"

Nakagat ni Alice ang ibabang labi. "Tita..."

"Alice De Dios. Hindi ko kayo matutulungan ni Coleen na maalis sa eskandalo ang mga pangalan ninyo kung hindi niyo sasabihin sa akin ang totoo. Lalo ka na. Sa loob ng dalawang dekada ay malinis ang pangalan mo. Alam mo ba na isa iyon sa dahilan kaya tinagurian ka nilang Timeless Beauty? Hindi lang dahil sa pisikal mong hitsura iyon kung hindi pati sa attitude at manners na mayroon ka na wala sa iba. Mataas ang respeto ng mga tao sa iyo. Ang mga lalaki ay tanggap na hanggang pangarap ka lang nila. Isa kang pure Goddess para sa kanila. Kaya nga sigurado kami na papatok ang limited edition photo collection mo kapag lumabas na. Pero kung lolobo pa ang isyu na ito... hindi ko alam kung ano ang posibleng mangyari. Nakakahiya sa mga taong involve sa production ng photo book mo," sermon ng manager niya.

Nanghihinang napasandal si Alice sa sofa. "I'm sorry." Dahil ano pa ba ang puwede niyang sabihin? Alam niya na lohikal ang mga sinabi ng manager niya. Alam naman niya umpisa pa lang na mas mataas ang nararating niya sa industriya na iyon, mas matindi ang restrictions at mas nawawala ang privacy. Na dahil sikat siya, kailangan kahit wala siya sa harap ng camera ay dapat pa rin niyang bantayan ang imahe niya. Alam niya iyon kaya lang... Ayokong putulin ang mayroon kami ni Aki. Ayokong bitawan ang kaligayahan na nararamdaman ko kapag kasama ko siya.

Marahas na bumuga ng hangin si Tita Bebs sa kabilang linya. "Anyway. Aayusin ko ang schedule ninyo ni Coleen para wala kayong gagawin bukas ng umaga. Gusto kong magpunta kayo sa opisina. Mag-uusap tayo. Mas maganda kung masabihan mo rin ang dalawang lalaki sa larawan na magpakita sa akin. Gusto ko silang makausap ng personal bukas. Aayusin natin ang problemang ito bago mahuli ang lahat."

"Okay," alanganing sagot niya at wala sa loob na napalingon sa bahagi ng unit niya kung saan alam niyang nasa kabilang unit lang si Aki. "Pero kailangan ba talaga pati sila magpunta bukas ng umaga? Wala silang alam sa showbiz."

"Dapat naisip na nila iyan bago pa sila nakipagmabutihan sa inyo ni Coleen. Basta, papuntahin mo sila. Kung hindi ay baka maunahan tayo ng mga reporters na lumapit sa kanila. Naiintindihan mo ba?"

"Fine," suko ni Alice.

Nagbilin pa uli si Tita Bebs bago natapos ang tawag. Napabuga siya ng hangin at binuksan ang internet browser ng cellphone niya upang tingnan ang sinasabi nitong larawan niya kasama sina Larry at Aki. Napailing siya nang makita iyon. Huli sa camera ang pag-agaw ni Aki sa braso niyang hawak ni Larry.

Bigla niyang naalala ang pabor na hinihingi ng dati niyang kasintahan. "Bigyan mo ako ng pagkakataong makita at makausap si Coleen. Kapag nakapag-usap na kami, gagawin ko na ang lahat ng gusto niya. Kahit humarap sa press."

"Kung ganoon ay baka pabor pa kay Larry kung papupuntahin ko siya sa opisina bukas ng umaga para makausap si Tita Bebs." Sa naisip ay tinawagan niya ang numero na ginamit ni Larry na pantawag sa kaniya kahapon.

"Alice?" mabilis na sagot ni Larry hindi pa man nakakatatlong ring ang cellphone nito.

Umangat tuloy ang kilay niya. "Hinihintay mo talaga ang tawag ko?"

Napabuga ng hangin ang lalaki sa kabilang linya. "Hindi ako natulog. Tinatawagan ko si Coleen magdamag pero ayaw talaga niya sagutin."

Noon narealize ni Alice na wala na siyang nakakapang kahit anong emosyon para kay Larry maliban sa amusement. Para bang biglang naglaho ang lahat kagabi. "Talagang mahal mo siya? Hindi lang dahil maganda at bata siya?" paniniyak muna niya.

"Of course. Coleen, she... she makes me happy okay? Nakukuha ko sa kaniya ang contentment na hindi ko nakuha sa past marriage ko. Masaya siyang kasama pero alam ko rin na mas mahina siya kaysa sa pinapalabas niya. Gusto ko siyang protektahan. Gusto ko siyang alagaan at mahalin hanggang sa maisip niya na hindi na siya nag-iisa," sabi ni Larry.

Napangiti si Alice. Mukhang talagang kinilala ni Larry si Coleen. "Sorry sa sinabi ko dati na hindi mo siya kilala."

"It's okay. Tapos na iyon."

Tumango siya kahit hindi naman siya nakikita ni Larry. "Okay. Kung gusto mong makita at makausap si Coleen, makinig ka sa sasabihin ko."

"Makikinig ako," sabik na sagot ni Larry.

TUMINGIN si Alice sa wristwatch niya. Nang makitang oras na nang pagpunta ni Aki sa music bar ay mabilis siyang lumabas ng unit niya upang salubungin ang binata. Kanina, pagkatapos niyang makausap si Larry ay matagal niyang pinag-isipan kung sasabihin ba kay Aki o hindi ang gusto ni Tita Bebs na makausap ito. Ayaw niyang mababad sa eskandalo ang binata lalo na at aspiring song writer and composer pa lamang ito. Baka sabihin ng media ay nakikisakay lamang sa kasikatan niya si Aki kapag nalaman ng mga ito kung ano ang pangarap ng binata. Ayaw niyang mangyari iyon dahil talaga naman kasing magaganda ang mga nagagawang kanta nito. Katunayan ay mas magaganda pa nga iyon sa mga paborito niyang pop songs na gawa ng katukayo nitong taga-amerika.

Subalit naisip din ni Alice na unfair naman kung itatago niya ang tungkol doon kay Aki. Base sa personalidad ng binata ay tiyak hindi nito magugustuhan kung haharapin niya ang problemang iyon nang mag-isa. Nagdesisyon siyang sabihin dito ang tungkol doon.

Kakabukas pa lamang niya sa pinto ay bumukas na rin ang pinto ng unit ni Aki. Agad na ngumiti ang binata nang makita siya. "Hey. Kakatukin ko pa lang sana ang pinto mo bago ako umalis."

Napahugot ng hangin si Alice dahil parang nilamutak ang puso niya nang makita ang ngiting iyon. Pero ang naramdaman niya ay iyong masarap na kirot na nararamdaman ng isang tao kapag nakikita niya ang isang taong gustong gusto niya. Gumanti siya ng ngiti at tuluyang lumabas ng unit niya. "Hi."

Lumapit sa kaniya si Aki at agad inabot ang kamay niya. Umangat ang mga kilay nito. "May gusto ka bang sabihin sa akin?"

Napakurap si Alice. "Paano mo nalaman?"

Hinaplos nito ang pisngi niya. "Kaya kong basahin ang ekspresyon sa mukha mo. Ano ba iyon?"

Bumuntong hininga siya. "Well, you see, mayroon tayong kaunting problema," umpisa ni Alice. Tahimik na nakinig si Aki habang sinasabi niya rito ang tungkol sa larawan at sa kagustuhan ni Tita Bebs na makausap silang apat bukas ng umaga. Sinabi rin niya rito ang napag-usapan nila ni Larry. Habang nagsasalita siya ay marahan na humahaplos ang hinlalaki nito sa gilid ng kamay niyang hawak pa rin nito.

"Naiintindihan ko. Pupunta ako bukas," sabi ni Aki pagkatapos niyang magsalita.

"Sigurado ka? Feeling ko kasi ikaw ang tipo na ayaw nabibigyan ng sobrang atensiyon kaya alam ko na hindi ka magiging kumportable na harapin si Tita Bebs. At maraming tao sa talent agency namin na makakakita at makakakilala sa iyo bilang ang lalaki sa larawan," nag-aalala pa ring sabi ni Alice.

Pinisil ni Aki ang baba niya at bahagyang ngumiti. "I can handle it. Huwag ka mag-alala." Pagkatapos ay yumuko ang binata at ginawaran siya ng masuyong halik sa mga labi. "See you tomorrow," bulong nito sa mga labi niya.

Napahigit na lamang siya ng hangin at tumango. "Okay. See you tomorrow."

Muling ngumiti si Aki at pinisil ang kamay niya bago iyon bantulot na pinakawalan. "Kailangan ko nang umalis." Dahan-dahang lumayo sa kaniya ang lalaki hanggang tumalikod na at naglakad patungo sa elevator. Nanatiling nakatayo roon si Alice hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin niya ang binata.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now