Part 40

7.9K 290 8
                                    

Napasinghap si Alice nang bigla siyang higitin payakap ni Aki. Nasubsob siya sa dibdib nito. "Aki?" usal niya. Lalong humigpit ang yakap ng binata sa kaniya at naramdaman pa niya ang pagdampi ng mga labi nito sa bandang tainga niya.

"May masaya ka nang pamilya, you know," bulong nito sa tainga niya. Natigilan si Alice. "Hindi ba ikaw ang nagsabi sa akin, na minsan ang kailangan mo lang gawin ay mag let go? Nagawa mo sa ex-boyfriend mo iyon, magagawa mo iyon sa tatay mo. Kanina, kahit ganoon siya magsalita nakikita ko sa mukha niya na talagang nag-aalala siya para sa iyo. Sa sarili niyang paraan, sigurado ako na nagsisi na siya sa mga nakaraang taon. Hindi siya makakahingi sa iyo ng tawad kung maglalagay ka ng pader sa pagitan ninyong dalawa. Masuwerte ka na buo ang pamilya mo, Alice. You should treasure it."

Nag-init ang mga mata ni Alice at gumanti ng yakap kay Aki. "Alam ko. Narealize ko rin nang makita ko ang ekspresyon niya kanina," usal niya. Pumikit siya at lalong isinubsob ang mukha sa dibdib ng binata. "Susubukan kong makipag-ayos sa kaniya. Salamat sa mga sinabi mo sa kanila kanina at sa mga sinabi mo sa akin ngayon, Aki. Salamat na sumama ka sa akin ngayon. Kung hindi kita kasama at kung hindi kita nakilala, baka hindi ko narealize na dapat kalimutan ko na talaga ang mga nangyari sa nakaraan ko at baka habambuhay ako magpatalo sa mga trauma at vulnerabilities ko."

Muli ay naramdaman ni Alice ang halik ni Aki sa buhok niya. "Same here. Nagbago rin ako nang makilala kita, Alice. Higit pa sa akala mo."

Humigpit ang yakap niya sa binata. Kung sana sapat na iyon para manatili ka sa tabi ko habambuhay. Subalit pinalis niya ang isiping iyon sa utak niya. Ayaw niyang sirain ang moment nilang iyon sa pag-iisip ng kahit anong negatibo.

Napaigtad silang pareho nang makarinig ng matinis na tili at hagikhikan ng mga bata. Kumalas sa pagkakayakap sina Alice at Aki at napalingon. Nakita niya ang mga pamangkin niya na nakasilip sa kanila at nakangisi. "Tita, siya na ba ang boyfriend mo?" hagikhik na tanong ng panganay na anak ni Helen.

Nagkatinginan sila ni Aki bago natatawang sabay na tumayo. Matamis ang ngiti na lumapit si Alice sa mga bata. "Nasaan ang kiss ni tita?" malambing na tanong niya.

Nilundag siya ng mga pamangkin niya at matunong na hinalikan sa pisngi. Maya-maya ay sumungaw mula sa hagdan si Helen at tinawag na sila dahil nakahangin na daw ang lamesa.

Naglalakad na sila sa living room nang mapahinto si Aki at dinukot ang cellphone. Napahinto din tuloy si Alice at napalingon sa binata. "Si Victor. Sasagutin ko lang ito sandali," sabi sa kaniya ng binata.

"Okay," sagot na lamang niya at sumama na sa mga pamangkin niya patungo sa kusina. Nakabukas pa rin ang telebisyon na may pinapalabas ng flash report. Saglit na napunta doon ang atensiyon ni Alice dahil tungkol ang balita sa biglang pagdating sa NAIA ng international singer na si Veronica. Kumpleto siya ng lahat ng album ng singer kaya napatitig siya sa television screen. Subalit bago pa niya marinig ang sinasabi ng reporter ay pinatay na ng nanay niya ang telebisyon.

"Kakain na tayo, tama na ang nood. Nasaan si Aki, anak?" sabi pa nito.

"Ah, may kausap sa phone." Lumingon si Alice sa may living room. Mukhang tapos na makipag-usap si Aki sa cellphone at naglalakad na palapit sa kaniya. "Anong sabi ni Victor?" takang tanong niya.

"Tumawag daw sa kaniya si papa. Hindi daw ako matawagan ng ama ko kaya nag-aalala siya. Nasira ko ang dati kong cellphone at mula noon hindi ko na ginamit ang international number ko kaya hindi na niya ako matawagan. Tatawagan ko na lang si papa mamaya pag-uwi sa landline," paliwanag ni Aki.

Ngumiti si Alice at tumango. Pagkatapos ay pumuwesto na sila ng binata sa magkatabing silya upang kumain.

Masaya ang naging usapan sa hapag-kainan dahil sa mga pamangkin niya. Iyon lang kapag nagkakatinginan na sila ng tatay niya ay nagkakaroon sila ng kaunting ilangan. Pagkatapos nilang kumain ay nagtungo silang buong pamilya kasama si Aki sa living room para manood ng pelikula. Hindi pa rin sila nag-usap uli ng papa niya. Pero sa tuwing nagtatama ang tingin nina Alice at Aki ay naalala niya ang pinag-usapan nila sa terrace at ang desisyon niyang subukan nang tawirin ang pader sa pagitan nilang mag-ama kahit papaano. Kaya nang paalis na sila ng binata ay lumapit siya sa tatay niya at kahit naiilang pa rin siya ay niyakap niya ito kasabay ng pagpapaalam. Natahimik ang buong pamilya niya at halatang nabigla pero binalewala niya iyon.

Palabas na sila ng pinto nang maisipan ni Alice lingunin ang kaniyang ama. At nang makita niya na nagpupunas ito ng luha sa mga mata ay parang gusto rin niyang maiyak. Nakita niya ang mukha ng tatay niya na itinatago nito sa seryoso at tila palaging nag-uutos at galit na ekspresyon. At that moment, her father looks soft and harmless. Nang alisin niya ang tingin sa ama at nasalubong naman niya ang mga mata ng nanay niya. Nakangiti ito at mukhang naiiyak rin. "Bumisita kayo uli. Dalasan niyo ha?" habol pa ng nanay niya.

"Opo." Gumanti ng ngiti si Alice bago tuluyang tumalikod at naglakad patungo sa garahe. Napaigtad siya nang maramdaman ang pag-akbay ni Aki sa kaniya at bahagyang paghigit sa kaniya na para bang niyayakap siya. Napatingala siya at nakitang nakangiti ang binata habang nakatingin sa kaniya.

"You did great," bulong nito.

May bumikig sa lalamunan ni Alice at muntik pa siyang mapahikbi. Pero ngumiti siya at tumango. Pakiramdam niya ay biglang nawala sa loob ng kaniyang puso ang bigat at pait na kinimkim niya roon ng mahabang panahon. Hindi man agad-agad mababago ang relasyon nilang mag-ama, but at least it's a good start. At lahat ng iyon ay dahil nasa tabi niya si Aki. Nagbago ang lahat dahil nakilala niya ito.

Kung sana lang ay mananatili ito sa tabi niya habambuhay. Kung sana lang hindi lang nagbabakasyon ang binata sa pilipinas. Kung sana lang hindi nakatakdang bumalik si Aki sa bansa kung saan talaga ito nakatira. Higit sa lahat, kung maririnig lamang niya mula rito na mananatili ito sa kaniyang tabi ... Mas makukumpleto siguro ang kaligayahan niya.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now