Part 21

7.9K 292 6
                                    


KINABUKASAN ay pumutok ang balita tungkol sa affair ng model turned actress na si Coleen Almeda sa isang businessman na eleven years ang tanda sa dalaga. Hindi ibinigay ang pangalan ng lalaki pero sa tingin ni Alice ay sinadya iyon ng mga reporter para lalong maging interesado ang mga tao. Ang mas matindi ay hindi nakalampas sa pang-amoy ng mga reporter na nakakuha ng larawan ng dalawa na papalabas ng hotel ang impormasyong may asawa ang nasabing businessman. Estranged nga lang daw ang lalaki sa asawang isang abogada pero ni wala raw nakasampang annulment case ang dalawa. Ibig sabihin, sa mata ng batas ay legal pa ring kasal ang dalawa.

Na-high blood si Tita Bebs dahil sa balitang iyon. Nasabon ng husto si Coleen na kinailangan ikansela ang taping schedule at iba pang appointment sa loob ng ilang araw dahil ayaw itong tigilan ng mga reporters. Kahit sa location ng taping ng teleserye ni Alice kung saan kasama si Coleen ay ang tungkol sa eksandalong iyon ang usapan. At dahil alam ng lahat na malapit sila ng nakababatang babae ay marami ring reporter at iba pa ang nagtatanong ng opinyon niya tungkol sa balitang iyon. Pero no comment si Alice.

May iba kasing kumukutkot sa isip niya sa tuwing tinitingan niya ang kumalat na larawan ni Coleen at ng boyfriend nito. Malabo ang kuha at halos hindi naman makita ang mukha ng lalaki dahil sa angulo ay mas halata ang mukha ni Coleen. Pero parang... pamilyar sa kaniya ang lalaking kasama nito. Pilit lang na nagdadasal si Alice na sana ay mali siya ng hinala.

MAAGA natapos ang taping ni Alice nang gabing iyon. Sinundo siya ni Tita Bebs. "Kumain tayo sa labas. Libre ko," sabi nito sa kaniya. Pero alam niya na kailangan lang ng manager niya maglabas ng sama ng loob at frustration sa nangyayari kay Coleen na malamang ay nagkukulong ngayon sa apartment nito alinsunod sa mahigpit na ring bilin ni Tita Bebs. Kaya pinaunlakan niya ang imbitasyon ng manager niya.

Labis ang tuwa ni Alice nang humimpil ang mga sasakyan nila sa parking lot ng music bar kung saan tumutugtog si Aki sa gabi. Mabuti na lang ay kaibigan ng manager niya ang may-ari niyon. Gusto niya uli mapanood tumutgtog ng piano ang binata. No, ang totoo makita lang niya si Aki masaya na si Alice. Ilang araw na naman kasi silang hindi nagkikita dahil sa busy schedule niya. Pero siyempre hindi niya pinahalata kay Tita Bebs na natutuwa siyang sa music bar sila nagpunta. Matapos nang nangyari kay Coleen ay siguradong mas matalas na ang pakiramdam ng manager nila.

Malapit sa bar counter at malayo sa iba ang lamesa na inokupa nila ni Tita Bebs. May tumutugtog ng saxophone sa stage. Pero sumulyap pa rin siya doon, nagbabakasakali na makita si Aki. Subalit wala roon ang binata.

"Sumasakit talaga ang ulo ko sa mga balita tungkol kay Coleen. Kahit pa sabihan natin na hiwalayan niya ang lalaking iyon kalat na sa tabloids at entertainment shows ang tungkol sa pagkaka-involve niya sa isang lalaking may asawa," litanya ni Tita Bebs pagkalapag ng isang waiter sa mga pagkain at inumin nila. Pagkatapos ay sumulyap ito sa kaniya. "Sa loob ng dalawang dekada hindi mo ako binigyan ng sakit ng ulo na katulad nito. Masuwerte talaga ako sa iyo, Alice."

Bahagya lang siya ngumiti dahil medyo may guilt siyang naramdaman. Kung alam lang ng manager niya na nahuhulog na ang loob niya sa isang lalaking mas bata sa kaniya baka dakdakan din siya nito at madismaya sa kaniya. Naiinis din siya sa boyfriend ni Coleen pero hindi niya tuloy maiwasang makaramdam ng simpatya para sa babae.

"Sa tingin ko ho ang tanging paraan para malinis ang isyu na ito ay kung magsasalita ang lalaking iyon para ipagtanggol si Coleen," sabi ni Alice.

"Hindi ako sigurado kung epektibo iyon pero sana nga ay ganoon ang gawin niya. Oo nga pala. Nabanggit na ba ni Coleen sa iyo ang pangalan ng lalaking iyon?" biglang seryosong tanong ni Tita Bebs.

Medyo kinabahan tuloy si Alice. "Hindi pa niya nasabi sa akin. Bakit ho?"

Napabuga ng hangin ang manager niya. "Dahil gusto kong makausap ng personal ang lalaking iyon pero ayaw sabihin ni Coleen ang pangalan kaya hindi ko mahanap. Ayaw sabihin sa akin ng mga kakilala kong reporter. Hintayin ko na lang daw lumabas sa balita. Sa susunod mo ngang off kausapin mo ang batang iyon. Alamin mo kung sino ang lalaking iyon."

"Sige ho," alanganing sagot ni Alice.

Mukhang nakuntento naman si Tita Bebs at inabala na ang sarili sa pagkain. Siya naman ay may hindi pa rin magandang pakiramdam sa kasintahan ni Coleen kaya hindi siya mapakali. Hanggang marinig niya ang tiklada ng piano. Napaderetso ng upo si Alice at bago pa makontrol ang sarili ay napalingon kaagad sa stage. Sumikdo ang puso niya dahil kahit malayo ang puwesto nila ay nakita kaagad niya ang mukha ni Aki na nagsimula nang tumugtog. She was mesmerized. Ginupo siya ng labis na pangungulila na hindi niya naisip na mararamdaman niya para sa isang tao. Kasunod niyon ay nakaramdam siya ng relief. Na para bang napawi na parang bula ang lahat ng pagod at alalahanin niya nakita lang niya si Aki.

"Ang aga pa ah," takang bulalas ni Tita Bebs dahilan kaya napakurap si Alice at napatingin sa may-edad na babae. Nakatingin ito sa stage. "Ang sabi ni Victor pang huling set tumutugtog ang lalaking iyon. Alas nuwebe pa lang ng gabi."

Oo nga no.

"Noong isang araw pa siya nagdesisyong tumugtog ng mas maaga kaysa dati," biglang sabi ni Victor na nakalapit na pala sa kanila at may dalang dalawang cocktail. Ngumisi ang matandang lalaki at sandaling sumulyap sa kaniya. "Nahihirapan daw kasi siya makipagkita sa isang tao kung gabing gabi ang trabaho niya. Hindi daw niya matiyempuhan."

Sumikdo ang puso ni Alice dahil napagtanto niya na alam ni Victor ang tungkol sa kanila ni Aki.

"Anong ibig mong sabihin diyan?" dudang tanong ni Tita Bebs. Sa manager na niya humarap si Victor at iniba ang usapan. Lihim siyang nagpasalamat sa matandang lalaki.

Muling napasulyap si Alice sa stage at pinanood ang pagtugtog ni Aki. Binago niya ang schedule niya para sa akin... May init na humaplos sa puso niya. Bakit ba pakiramdam niya palaging si Aki ang may ginagawa para sa kaniya? Palagi siya ang nababagbag ang damdamin at napapasaya ng binata? Pagkatapos ay hindi nito pinapangalandakan ang mga ginagawa nito para sa kaniya na katulad ng mga lalaking sumuyo sa kaniya noon na para bang kailangan niya suklian ang mga iyon. Kahit kailan ay hindi umakto si Aki na para bang may hinihintay itong kapalit sa lahat ng ginagawa nito para sa kaniya. Subalit sa mga sandaling iyon ay ginugupo si Alice ng matinding kagustuhang may gawin para sa binata. Kahit hindi sobrang malaking bagay. Kahit simple lang.

Iyon ang nasa isip niya habang nakatingin kay Aki nang biglang mag-angat ng tingin ang lalaki na para bang naramdaman nitong nakatingin siya. Saglit na para itong nagulat nang marahil ay makita siya. Kaya lang ay ni hindi niya magawang ngitian ang binata dahil baka mahalata ni Tita Bebs. Nakuyom na lang tuloy ni Alice ang mga kamay sa kandungan niya kahit pa gustong gusto niyang ngitian si Aki.

"Alice," untag ng manager niya.

Napakurap siya at kahit labag sa loob ay binawi ang tingin at bumaling kay Tita Bebs. Wala na pala sa lamesa nila si Victor at kunot noo nang nakatingin sa kaniya ang manager niya. "Bakit ho?"

"Hindi ka nakikinig sa akin. Ang sabi ko, susubukan kong ayusin ang schedule mo para malibre ka sa isang araw. Kausapin mo si Coleen. Mas nakikinig iyon sa iyo kaysa sa akin."

Natigilan si Alice at narealize kung ano ang puwede niyang gawin. "Tita Bebs, aayusin mo na rin lang ang schedule ko, puwede bang magkaroon ako ng off every week kahit isang araw lang?" aniya na pigil ang pagkasabik.

Halatang nagulat ang matandang babae. "Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?"

Huminga siya ng malalim at kahit may kumudlit na guilt ay gumawa pa rin ng kuwento. Sorry, Tita Bebs. "Hindi naman sa ganoon. Kaya lang, alam niyo naman, hindi na ako kasing bata na tulad noon na kaya kong magtrabaho ng walang pahinga maliban sa panakaw na idlip. Natatakot ako na kapag nagpatuloy pa ako sa ganitong lifestyle baka talagang bumigay ang katawan ko. Naisip ko lang na baka, alam mo na, oras na para magdahan-dahan muna ako sa pagtatrabaho. Please, Tita," pakiusap pa niya.

Mabuti na lang magaling siyang artista. Dahil sandali lang nag-alangan si Tita Bebs bago bumuga ng hangin. "Sige na nga. Pipiliin ko na lang ang projects na tatanggapin mo mula ngayon para magkaroon ka ng libreng araw. Anyway, nasa posisyon ka naman na ngayon na puwede ka na mamili lang ng trabaho."

Napangiti na si Alice. "Salamat Tita Bebs," masayang bulalas niya.

"Walang problema. Hindi mo naman ako binibigyan ng sakit ng ulo kaya ayos lang."

Medyo tumabingi ang ngiti niya pero hindi na lang nagkomento. Ang mahalaga ay mas magkakaroon siya ng libreng araw. Mapapadalas ang sandaling maaari niyang makasama si Aki.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now