Part 32

7.7K 335 20
                                    


NAPANGIWI si Alice nang ipaparada pa lamang niya ang kotse niya sa tapat ng gusali kung nasaan ang talent agency ni Tita Bebs ay nakita na niya ang mga nagkalat na media sa labas. Kanina ay tumawag na sa kaniya ang manager niya para sabihin na naroon na si Coleen. Sana lang maisip ni Larry at Aki na mag-ingat sa pagpasok sa gusali para hindi mapansin ng mga reporter.

Pagkaparada niya sa kotse niya ay napansin na siya agad ng media. Naglapitan sa kaniya. Pero hindi lumabas si Alice hanggang dumating ang assistant niyang si Nikki na may kasamang mga security guard.

Really, bakit ba ginagawa nila itong malaking isyu? Pabuntong hininga na naisip ni Alice bago naka-dark shades na lumabas ng sasakyan. Agad na binato siya ng maraming katanungan mula sa iba't ibang reporter. Kung hindi siya inalalayan ng security at ni Nikki ay baka naiduldol na sa mukha niya ang mga recorder at mikropono. Ngumiti lang siya pero hindi kumikibo. Maglalakad pa lamang sana siya patungo sa entrada ng gusali nang mapasulyap siya sa kararating lamang na kotse. Nanlaki ang mga mata niya at nawala ang ngiti dahil sasakyan iyon ni Aki. Pumarada iyon sa kabilang panig ng parking lot pero abot tanaw pa rin ng mga reporter.

Nataranta si Alice nang umibis mula sa kotse si Aki at mapatingin ang binata sa direksyon niya. Binawi niya ang tingin at muling ngumiti sa mga reporter para hindi mawala sa kaniya ang atensiyon ng mga ito. "Walang ibang malalim na kahulugan ang larawan na iyon. I assure all of you na magbibigay kami ng statement tungkol doon soon," sabi ni Alice.

"Ah, ayun ang isa sa mga lalaki sa larawan!" bulalas ng isang reporter na nakalingon na kay Aki na himbis na mag-isang pumasok sa gusali ay naglakad pa palapit sa kanila. Nahati ang atensiyon ng mga reporter kina Alice at Aki. Katulad niya ay inulin din ng mga katanungan ang binata pero seryoso lamang ang ekspresyon sa mukha nito at deretso ang tingin sa kaniya. Hindi nito pinapansin ang mga reporter. Na para bang sanay itong hindi namamansin ng reporters.

Napasinghap si Alice nang hawakan ni Aki ang kamay niya pagkalapit nito sa kaniya. Kasabay niyon ang kislapan ng mga camera. Subalit ni hindi kumurap ang binata. "Let's go," tipid na sabi nito bago siya hinatak palapit sa katawan nito at inakay papasok ng gusali. Sumunod sa kanila ang security at si Nikki.

"Pamilyar ang mukha mo, are you also an artist?" sigaw ng isang reporter mula sa likuran nila.

"Oo nga 'no? Parang nakita ko na siya dati," bulalas ng iba pa.

Nagtaka si Alice kung bakit pamilyar daw ang mukha ni Aki. Pero malabo namang lumingon siya at tanungin ang mga reporter tungkol doon kaya binalewala na lang niya. Tumahimik lang nang makapasok sila sa gusali. Napabuga siya ng hangin at napalingon sa binata na hawak pa rin ang kamay niya.

"Bakit mo iyon ginawa? Dapat dumeretso ka na lang ng pasok habang nasa akin ang atensiyon nila. Nakuhaan ka tuloy nila ng picture," bulalas ni Alice.

Kumunot ang noo ni Aki. "Hindi kita kayang pabayaan mag-isa. May kasalanan din ako kung bakit ka nila ginugulo."

Napabuga siya ng hangin at napailing. "Pwede bang hayaan mo na lang akong protektahan ka?"

Tumigas ang anyo ng binata. "Gusto ko na ako ang po-protekta sa iyo," pagdidiin nito. Nagkatitigan silang dalawa, walang gustong sumuko.

"Anong ginagawa ninyong dalawa diyan? Huwag kayong gumawa ng eksena sa harap ng mga empleyado dito," malakas na bulalas ni Tita Bebs mula sa kung saan.

Sabay pa silang napalingon ni Aki. Nang makita ang manager ay bumitaw si Alice sa kamay ng binata. Mukhang mainit na kasi ang uli ng matandang babae at iiwasan muna niyang dagdagan ang galit nito.

"Miss Alice, tara na," bulong ni Nikki sa kaniya.

Napabuntong hininga siya at napasulyap kay Aki. Nakatingin sa kaniya ang binata at may kakaibang kislap sa mga mata nito na nagdulot ng kirot sa puso niya. Sa kung anong dahilan ay mukhang nasaktan ang binata.

SCANDAL MAKERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon