Part 48

10K 383 41
                                    

POSITIVE ang naging resulta ng home pregnancy test na ginawa ni Alice dalawang linggo na ang nakararaan. Buntis siya. Hindi pa nga lang siya nakakapunta sa doktor dahil hindi pa niya alam kung sino ang puwede niyang puntahan na hindi lalabas sa media ang tungkol sa pagbubuntis niya. Natatandaan niya na parehong napanganga sina Coleen at Larry nang lumabas siya ng banyo nang araw na iyon sa unit niya at sinabi sa dalawa ang resulta. Pagkatapos ay ang walang katapusang katanungan.

"Anong gagawin mo ngayon? Sasabihin mo ba sa kaniya? Paano kapag nalaman ng media ang tungkol dito? Paano kapag nalaman ng pamilya mo? Sasabihin mo ba kay Tita Bebs? What will you do Alice?"

Ang sinabi na lang ni Alice ay hindi pa niya alam ang sagot sa mga tanong na iyon. Lalo na at hindi niya sinabi kina Coleen at Larry na buntis din si Veronica at mukhang si Aki rin ang ama. Ang isiping iyon ay nagdudulot ng bikig sa lalamunan niya at kirot sa puso niya. Subalit may mas matinding mga emosyon ang nananaig sa loob niya – antisipasyon at malalim na pagmamahal para sa ga-tuldok na buhay sa sinapupunan niya. Nagdesisyon siya nang sandaling makita niya ang dalawang guhit sa pregnancy test kit na itutuloy niya ang kaniyang pagbubuntis kahit na anong mangyari. Trenta'y singko na siya at bago niya makilala si Aki ay sumuko na siyang magkakaanak pa siya. Subalit ngayon ay nasa kaniya na ang isa sa mga pinapangarap niya noon. Pangangalagaan niya iyon kahit anong mangyari.

Kaya naman kahit mainit pa rin ang mata ng mga reporter kay Alice ay taas noo na siyang bumalik sa trabaho. Ngayong magkakaanak na siya ay dapat na siyang magtrabaho habang kaya pa niya. Para kapag malaki na ang tiyan niya ay puwede siyang magpahinga pansamantala sa industriya. Isa pa, kung hindi siya magpapaka-abala ay palagi lang niyang maiisip si Aki at baka umiyak lang siya at malugmok sa depression.

Ang problema nga lang niya ay ang morning sickness at minsan ay pagkahilo sa set pero sinasabi na lang niya kapag may nakakapansin na sinusumpong siya ng migraine. At sa tuwina ay nakikisimpatya sa kaniya ang mga kasama niya sa set na lahat ay napanood at nabasa ang tungkol sa pang-iiwan sa kaniya ni Aki para makipagbalikan sa ex-girlfriend nitong Diva. Hindi sa kailangan niya ng awa.

Subalit katulad nga ng kasabihan, walang sikreto ang hindi nabubunyag.

Sa umagang iyon ay may TV guesting siya para sa isang morning talk show na ang simula ng airing ay alas singko ng umaga. Bago mag-alas singko ay nasa waiting room na sina Alice na katabi lang ng studio. Kausap niya ang director kasama ang dalawang regular host ng show habang ipinapaliwanag sa kanila ang script nang dumating ang catering at inihanda ang pagkain sa isang lamesa. Sa show na iyon ay nag-aalmusal muna ang lahat bago magsimula ang airing.

Natigilan si Alice nang umalingasaw ang pamilyar na amoy ng garlic rice mula sa lamesa. Nataranta siya nang maramdaman ang pagsama ng sikmura niya. Nararamdaman na niya ang unti-unting pag-angat niyon sa lalamunan niya pero pilit niyang kinontrol iyon dahil kasalukuyan siyang kausap ng direktor. Nanlalamig na si Alice at halos hindi na maintindihan ang sinasabi nito. At nang hindi na talaga niya kinaya ay naitakip niya ang kamay sa bibig niya.

Napahinto sa pagsasalita ang direktor at kahit ang dalawang host na kasama sa usapan ay napatitig sa kaniya. She gagged. "Excuse me." Pagkasabi niyon ay tumalikod siya at tumakbo sa direksiyon ng banyo.

Sumunod kaagad sa kaniya si Nikki na mukhang nakita ang nangyari at hinagod ang likod niya habang dumuduwal siya sa toilet. Bukod kina Coleen at Larry ay ang babae pa lamang ang nakakaalam sa kalagayan niya dahil assistant niya ito at malalaman at malalaman din naman nito kalaunan.

"Miss Alice, okay ka lang?" alo nito.

Tumango siya at nang matapos ang pagduwal ay nagmumog at huminga ng malalim. "Ang make-up kit ko." Agad na inabot ni Nikki iyon sa kaniya.

Pagbalik nila sa waiting room ay natahimik ang lahat ng tao. Natigilan si Alice nang makita ang kakaibang tingin na ipinupukol sa kaniya ng lahat. Sa sandaling iyon ay nasiguro niya na alam na ng lahat ng tao roon ang sikreto niya.

"Kailangan ko na yata sabihin kay Tita Bebs," bulong niya kay Nikki.

Napangiwi ang assistant niya habang nakatingin din sa mga tao sa waiting room. "Mukhang kailangan mo na ngang gawin iyon Miss Alice. Magwawala iyon kapag sa iba niya narinig ang balita."

Tumango siya at helpless na napabuntong hininga.

HIMBIS na sumigaw si Tita Bebs nang sabihin ni Alice sa manager ang kondisyon niya ay napanganga lamang ito at napahawak sa dibdib. Nataranta pa sila nina Nikki at Coleen na sinamahan siyang magtapat dahil akala niya ay aatakehin na sa puso ang matandang babae.

"Tita Bebs," garalgal na bulalas ni Alice na lumapit sa manager at inalog ito.

Mukhang nakabawi ang matandang babae sa ginawa niya at napatayo. "Ano ka ba naman Alice! Bakit ba kug kailan ka tumanda saka ka nasusuong sa ganitong eskandalo? Hindi na natuloy ang photo collection mo at bukas na ang press conference ng teleserye mo. Bakit ngayon pa? At ang walanghiyang lalaking iyon pa ang ama niyan, hindi ba?"

Napangiwi siya at umatras. She protectively held her flat stomach. "Tita Bebs, baka naririnig ka ng anak ko," reklamo niya.

Namilog ang mga mata ng manager niya at nagulo ang buhok. "Diyos ko, bata ka. Malalagot ako sa mga magulang mo. Nangako ako sa kanila na hindi ka mapapariwara kapag dinala kita sa showbiz."

Napabuntong hininga si Alice. "Hindi naman ako napariwara."

"Oo nga naman, Tita Bebs. Matanda na si Alice. May karapatan naman siya magka-love life at magkaanak," singit ni Coleen.

Matalim na tinapunan ito ng tingin ng manager nila. "Iyon ay kung nakapag-asawa siya ng matinong lalaki. Puwede siya mabuntis. Pero hindi ganiyan na biglang lumayas ng pilipinas ang nakabuntis sa kaniya. Ano iyon, score and run?" Pagkatapos ay bumaling itong muli kay Alice. "Siguradong makakaapekto ito sa career mo. Malamang hindi na postponed ang photo collection mo, cancelled na. Sayang ang na-trabaho mo na. At paano ang mga susunod mong projects? Paano ang presscon bukas?"

Matatag na sinalubong ni Alice ng tingin ang mga mata ni Tita Bebs. "Nakapagdesisyon na ako, Tita. Pupunta ako sa press conference bukas. Kung magtatanong sila tungkol sa pagbubuntis ko, hindi ko ide-deny. Hinding hindi ko ikakaila ang sarili kong anak kahit pa kailanganin ko magpaalam ng pansamantala sa showbiz."

Nagtagis ang mga mata nilang dalawa. Marahil nakita ng matandang babae sa mga mata niya na talagang determinado siya sa napagdesisyunan niya dahil ito ang unang nagbawi ng tingin. Marahas na napabuntong hininga si Tita Bebs. "Alam na ba ito ng pamilya mo?" pasukong tanong nito.

Nagbaba ng tingin si Alice. "Hindi pa. Wala pa sana akong balak sabihin pero pagkatapos ng nangyari kanina, gusto kong umuwi roon mamayang gabi. Gusto kong sabihin sa kanila bago ang presscon bukas."

Napaupong muli sa swivel chair si Tita Bebs. "Tama, doon ka muna sa mga magulang mo umuwi. Mabilis kumalat ang scoop sa industriya natin. Siguradong may mga reporter nang nag-aabang sa iyo sa condo mo. Hindi ka puwedeng ma-stress kung nagdadalang tao ka."

Napatitig si Alice sa manager at naging pangalawang ina na niya sa nakaraang mga taon. Nag-init ang mga mata niya at bigla siyang naging emosyonal. Lumiyad siya at niyakap si Tita Bebs na ikinabigla nito. "Tita, salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin sa loob ng dalawang dekada. Salamat sa pagiging manager at second mother mo sa akin," naiiyak na usal niya.

Sandaling hindi nakahuma ang matandang babae bago tinapik ang likod niya. "Huwag ka ngang magsalita na para bang magre-retiro ka na. Pagkatapos mong manganak gagawin ko ang lahat para makabalik ka sa showbiz. Kahit pa puro mother role ang makuha kong projects para sa iyo."

Ngumiti si Alice. Magkakahalo ang emosyong nadarama niya nang mga sandaling iyon. "Hindi mo ba alam tita Bebs? Ang pagiging ina ay isa sa mga dream roles ko noon pa. Kaya nga hindi ako takot ngayon. Excited pa nga ako."

"Kahit wala ang ama ng nasa tiyan mo?" maingat na tanong nito.

May kurot siyang naramdaman sa puso niya. Siyempre mas makukumpleto ang lahat kung nandito siya. Pero wala siya at wala na akong magagawa pa tungkol doon. "I'm perfectly fine," sabi na lamang ni Alice.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now