Part 20

8.4K 306 10
                                    


"SO, nahuli kayo ng ilang reporters na lumabas ng hotel na magkaakbay. At ngayon ay natataranta ka dahil siguradong lalabas ang balita tungkol sa iyo at sa boyfriend mo. Worst, hindi mo pa sinabi kay Tita Bebs na may kasintahan ka in the first place," maingat na sabi ni Alice pagkatapos ilahad ni Coleen ang dahilan kung bakit taranta itong sumugod sa unit niya.

Nakaupo na sila sa sofa. Hinatak niya ito roon kanina dahil pakiramdam niya matutumba sa labis na tensiyon ang babae kanina. Pinainom pa niya ng tubig si Coleen para kumalma.

Huminga ng malalim ang nakababatang babae at tumango. "Alam ko kasi na magagalit si Tita Bebs sa akin at sasabihan niya akong putulin ang ugnayan ko sa kaniya. Pero hindi ko iyon kayang gawin. Lalo na ngayon na mas malalim na ang nararamdaman namin para sa isa't isa."

Humalukipkip si Alice at napailing. "Mas lalo siyang magagalit kapag nauna pa niyang malaman sa tabloids at balita ang tungkol sa relasyon mo himbis na sinabi mo sa kaniya ng personal."

Nakagat ni Coleen ang ibabang labi at mukha na namang lost na napatingin sa kaniya. Kapag ganoong nag-aalala ito ay mas nagmumukha itong bata kaysa edad nito. "Anong gagawin ko Alice? Posible bang mapigilan ilabas ang balita tungkol sa akin? Mapapakiusapan kaya ang mga reporter na iyon? Kakasabi pa lang sa akin ni Tita Bebs na may offer sa aking lead role para sa isang teleserye. Magagalit siya sa akin kapag may lumabas na eskandalo tungkol sa akin."

Napabuntong hininga siya. "Well, hindi naman bago sa industriya ang mga babaeng may karelasyong mas matanda sa kanila na businessman. Iyong iba nga, politiko hindi ba? Look at Heart Evangelista and Chiz Escudero. Mas tanggap nila kapag ang lalaki ang mas matanda sa babae kaysa kabaligtaran," litanya ni Alice. Binalewala niya ang pait na kumudlit sa puso niya sa huling pangungusap na sinabi niya.

"Iba si Heart Evangelista. Matagal na siyang sikat. Sanay na rin siya mapag-usapan. Iba ako. I'm just a newbie. Bumubuo pa lang ako ng pangalan."

"Dapat isinaalang-alang mo iyan bago ka nakipagrelasyon sa isang lalaki na eleven years ang tanda sa iyo," hindi mapigilan ni Alice ang magparungit.

Bumakas ang guilt sa mukha ni Coleen. "Hindi ko mapigilan. Maalaga at mapagmahal siya, okay? Hindi ko talaga... kaya na mag-isa. Hindi ako katulad mo na kaya mag-isa dahil may mga kapatid at mga magulang ka pa. Ako... mag-isa lang ako sa mundo. Kaya kapag may nagpapakita sa akin ng kabaitan hindi ko maiwasan hindi mahulog."

Alam ni Alice na ulila si Coleen. Sinabi nito sa kaniya na bago ito madiscover ni Tita Bebs ay sa isang bahay ampunan nakatira ang babae. Pero sa tingin niya mali na masyado itong dependent sa kahit sino na nagpapakita ng kabaitan dito. "Kung ganoon dapat panindigan ka na lang ng boyfriend mo."

"Hindi puwede."

Natigilan siya at naningkit ang mga mata nang iiwas ni Coleen ang tingin sa kaniya. "May hindi ka pa ba sinasabi sa akin?"

Mariing pumikit si Coleen at mukhang nagtalo pa sa isip bago sa wakas ay pabulong na nagsalita. "Kagabi lang niya sinabi sa akin. I swear hindi ko alam. Ang sabi niya he's... married."

"Ano?!" hindi napigilan ni Alice ang mapasigaw sa pagkamangha. Diyos ko, ma ha-high blood yata ako sa batang ito. Bago pa muling makapagsalita si Coleen ay tumunog na ang doorbell. Mukhang naroon na si Aki. Marahas na bumuga siya ng hangin at tumayo. "Baliw ka talaga, Coleen. Bakit hindi mo muna siniguro ang tungkol sa bagay na iyan bago ka nakipagrelasyon sa kaniya?" mataas pa rin ang tinig na bulalas niya. Namasa ang mga mata ng babae at napailing siyang lalo.

Nagpatuloy sa pagtunog ang doorbell kaya tumalikod siya at lumapit sa pinto. Binuksan niya iyon at tumambad ang nag-aalalang mukha ni Aki. May bitbit itong mga take-out dessert sa isang kamay. "Anong problema? Naririnig ko ang boses mo hanggang sa hallway."

Napailing siya uli at nilakihan ang bukas ng pinto. "Malaki ang problema ni Coleen."

Nakaisang hakbang pa lamang sa loob ng unit niya si Aki ay natigilan na ito. "Dapat ba umalis muna ako?"

Umiling si Alice. "Pumasok ka na. Baka masakal ko ang babaeng iyon kapag dalawa lang kami rito at walang pipigil sa akin." Pagkatapos ay bumaling siya kay Coleen na nakaupo pa rin sa sofa. "Okay lang ba kung malaman ni Aki ang tungkol sa problema mo? Dahil sa totoo lang hindi ko alam kung kaya ko makaisip ng solusyon sa problema mo maliban sa hiwalayan mo na ang lalaking iyon," mataray pa ring sermon ni Alice kay Coleen.

Tiningnan ni Coleen si Aki na inilapag ang mga dala sa center table. "Aki, nakikita mo ba iyan? Mukha lang santa si Alice pero nakakatakot siya. Baka nadadaya ka lang ng hitsura niya."

Ngumiti si Aki. "Hindi ako nadadaya. Alam ko na ganiyan siya unang beses pa lang kami nagkasama."

Napabuga ng hangin si Alice at muling sumalampak ng upo sa mahabang sofa kung saan siya nakaupo kanina. Tumabi sa kaniya si Aki. "Hindi ako ang pinag-uusapan natin dito, Coleen."

Napabuntong hininga si Coleen at itinakip ang mga palad sa mukha. "Alam ko. Pero hindi ko alam kung kaya ko siya hiwalayan."

"My God," gigil na bulalas niya. Napaigtad si Alice nang maramdaman ang isang kamay ni Aki na humagod sa likod niya na parang inaalo siya. Sumulyap siya rito.

"Calm down. Lalo siyang natataranta dahil nagagalit ka," malumanay na sabi ni Aki na umangat na sa balikat niya ang kamay at magaan siyang minamasahe. Pagkatapos ay humagod pa iyon patungo sa leeg niya at sa batok niya. Unti-unting nakalma si Alice sa bawat pagdiin ng mga daliri ni Aki sa balat niya. Mukhang tama siya ng desisyon na papasukin ito sa unit niya.

Nang muling tingnan ni Alice si Coleen ay nakita niyang nakatakip pa rin sa mukha nito ang mga kamay pero nakabuka na ang mga daliri ng babae at nakasilip sa kanila ni Aki. "Kailan pa kayo naging ganiyan ka-sweet?"

Uminit ang mukha niya pero hindi gumawa ng paraan na lumayo kay Aki. Bakit niya iyon gagawin kung ang sarap sa pakiramdam ng haplos nito? "Hindi kami ang may problema dito, kung hindi ikaw," paalala niya.

Napaungol si Coleen at napasandal sa couch kung saan ito nakaupo. "Alam ko. My Gosh, anong gagawin ko?" ungol nito.

Sa totoo lang ay hindi rin alam ni Alice ang sagot sa tanong na iyon. Dahil sa loob ng dalawang dekada niya sa showbiz ay hindi naman siya na-involve sa isang eksandalo kahit kailan.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now