Part 17

8.2K 294 3
                                    


NAGDESISYON si Alice na tanggapin ang offer ng FHM para sa isang photo collection. Maganda naman kasi ang proposal at hindi naman masyadong daring ang mga isusuot. Bukod doon ay gusto lang talaga niyang dagdagan ang trabaho niya. Mukhang hindi kasi sapat ang sunod-sunod na taping para sa teleserye niya para hindi niya maalala si Aki. Bukod sa kusang sumusulpot sa utak niya ang binata kapag naka-break siya ay walang inatupag si Coleen kung hindi ang ipaalala ito sa kaniya.

"Hindi mo ba naitanong kung ilang taon na siya? Tingin ko nasa twenties pa lang siya eh," sabi ng babae nang pareho silang hindi kasama sa eksenang kinukunan. Silang dalawa lang ang nasa silid habang nasa labas ang lahat ng crew at ibang cast.

"Bakit ko naman itatanong kung ilang taon na siya?" kunot noong tanong ni Alice na sandaling inalis ang tingin sa binabasa niyang script.

"Para lang malaman mo. Pero sabagay, age doesn't matter naman. Kami nga ng boyfriend ko malaki ang age gap hindi ba?" kindat ni Coleen.

Naitirik ni Alice ang mga mata. "Wala kaming relasyon ni Aki," mariing sagot niya.

Mukhang may sasabihin pa ang babae nang mapaigtad silang pareho dahil nag-vibrate ang cellphone niya na nakapatong sa lamesa. Sumikdo ang puso niya nang makitang numero lang ang nasa screen. Sinagot niya ang tawag.

"Hey. It's me."

Humigpit ang hawak niya sa cellphone nang marinig ang boses ni Aki. Napasulyap siya kay Coleen na ngising ngisi na. Patunay na mukhang alam nito kung sino ang nasa kabilang linya base sa naging reaksiyon niya.

"Hi. Napatawag ka?" sa wakas ay nasabi ni Alice.

"I was wondering kung kailan ang susunod mong break."

"Bakit?" takang tanong niya. Muli siyang sumulyap kay Coleen at iwinasiwas ang kamay upang sana paalisin ang babae pero himbis na tumayo ay ngumisi pa ito. Balak yata talagang makinig sa pag-uusap nila ni Aki.

"Dumating na ang mga binili natin online. Ipinasok ko lahat sa unit ko kaya magulo ngayon dito," sabi ni Aki.

Biglang napangiti si Alice sa pagkasabik. "Talaga? That's great! Huwag mong gagalawin ha? Ako ang bahala diyan. Tatawagan kita kapag alam ko na kung kailan ang next off ko."

Tumawa sa kabilang linya si Aki. Nagdulot iyon ng kiliti sa tainga niya dahil kahit sa personal ay bihira niya marinig ang tawa nito. "Then, hihintayin ko ang tawag mo. See you soon, Alice."

Pasimpleng napahinga siya ng malalim sa init na humaplos sa puso niya nang banggitin nito ang pangalan niya. "See you soon," nakangiti nang sagot niya. Nang matapos ang tawag ay ilang segundo pang napatitig lang siya sa cellphone niya at nakikinita ang mukha ni Aki.

"Wala kayong relasyon ha? Sabihin mo uli iyan sa akin few weeks from now," biglang basag ni Coleen sa katahimikan.

Marahas na napabaling si Alice sa babae at magpoprotesta pa sana pero may dumating ng staff para sabihing magsisimula na ang rehearsal ng eksena niya. Pabuntong hiningang tumayo na siya at saka bumaling kay Coleen. "Ikaw ha, baka mamaya kung kani-kanino mo sinasabi ang tungkol kay Aki. Baka bigyan nila ng ibang kahulugan ang sitwasyon namin."

Ngumisi ang nakababatang babae. "Huwag kang mag-alala, wala akong sinasabihan. Alam ko na kapag nabanggit ko lang kay Tita Bebs na may kapitbahay kang kasing guwapo at bata ni Aki ay matataranta na iyon."

"Sinabi mo pa," nasabi na lang ni Alice bago tuluyang naglakad palabas ng silid at sumunod sa staff na sumundo sa kaniya.

TATLONG araw ang lumipas nang sa wakas ay nagkaroon din ng break si Alice. Alas dose ng gabi natapos ang taping niya kaya madaling araw na nang ihimpil niya sa lower ground parking lot ng condominium building ang sasakyan niya. Tahimik na ang paligid at walang katao-tao habang naglalakad siya patungo sa elevator nang marinig niya ang tunog ng paparating na sasakyan. Napahinto siya sa paglalakad at napalingon.

Napaderetso siya ng tayo at tuluyang humarap sa direksiyon ng sasakyan nang humimpil iyon sa isang espasyo at mapagtanto niyang sasakyan iyon ni Aki. Bigla siyang nakaramdam ng antisipasyon na makita muli ang binata matapos ang halos isang linggo.

Bumaba si Aki sa kotse nito na mukhang kanina pa rin siya nakita dahil deretso ang tingin nito sa kaniya. Magkahalong pagkagulat, tuwa at iba pang emosyon na hindi niya mabigyan ng pangalan ang nasa mukha ng lalaki. "Alice."

Hindi niya alam kung bakit, pero sumikip ang dibdib niya nang tawagin nito ang pangalan niya. Bigla parang ginupo ng kakaibang emosyon ang puso ni Alice na kinailangan niyang lumunok dahil tila may bumikig sa lalamunan niya. Na para bang... na-miss niya ito.

Naglakad palapit sa kaniya si Aki at hinuli ng tingin ang mga mata niya. Noon niya nabasa sa mga mata ng binata ang kaparehong emosyon na naglalaro sa dibdib niya. Posible kaya na na-miss din siya nito? Higit sa lahat ay posible bang maramdaman nila iyon para sa isa't isa kahit kung tutuusin ay ilang beses pa lang naman sila nagkakasama?

May gumuhit na munting ngiti sa mga labi ni Aki. "Ngayon ka lang nakauwi?"

Tumango si Alice at hinamig ang sarili. "Oo. Off ko bukas. Ikaw rin, galing ka sa music bar?"

"Oo," sagot ni Aki na inilapat ang isang palad sa lower back niya at pinihit siya paharap sa elevator. Parang naging livewire ang buong katawan ni Alice pero pinigilan niyang mapaigtad o lumayo. Nagkunwa siyang walang anuman sa kaniya ang pagkakalapat ng palad ng binata sa likod niya dahil sa tingin niya ay nagpapaka-gentleman lang naman ito habang inaakay siya papasok ng elevator.

Tulad ng inaasahan ni Alice ay silang dalawa lamang ni Aki ang naging sakay ng elevator. Ang binata pa ang pumindot ng floor number nila at nanatili sa tabi niya. Nakailang floor na ang inakyat ng elevator nang magsalita si Aki. "Pakiramdam ko maraming taon na mula nang huli nating makita ang isa't isa."

Bahagyang natawa si Alice dahil sa totoo lang ay iyon din ang nararamdaman niya. Nakangiting tiningala niya ang binata. "Ang weird pero tama ka. Pero libre na ako bukas. Kaya maaayos ko na ang living room mo."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Aki. "Mabuti naman." Nagtama ang kanilang mga mata. Bigla ay naalala ni Alice ang huling beses na nasa ganoon silang sitwasyon. Nauwi sila sa makapugto-hiningang halikan. Kumislap ang mga mata ni Aki, patunay na pareho sila ng iniisip.

Nag-init ang mukha niya at binawi ang tingin. Itinutok niya ang mga mata sa nagpapalit-palit na ilaw ng floor numbers. Ilang palapag pa bago ang tenth floor. Tumikhim siya dahil hindi niya kaya ang nakakailang na katahimikan, "So, kamusta ang pagko-compose mo ng kanta?"

"May natapos akong isa kagabi."

Muli siyang napalingon kay Aki. "Talaga? Ang galing naman!" masayang bulalas niya.

Napatitig sa kaniya ang binata at naging masuyo ang ngiti. "Yes. Gusto mong marinig?"

"Ngayon na?" namimilog ang mga matang tanong niya.

"Depende sa iyo," sagot ni Aki. Pero nakikita ni Alice sa tiim ng pagkakatitig nito sa kaniya kung ano ang gusto nitong isagot niya.

Bumilis ang tibok ng puso niya. Nagrereklamo ang lohikal na bahagi ng utak niya. Subalit may mas matinding udyok sa isip niya – ang udyok na mapatagal pa kahit papaano ang sandaling magkasama sila at makausap pa ito ng ganoon. Napagtanto ni Alice na iyon ang unang beses na naging ganito siya kainteresado sa isang lalaki sa loob ng maraming taon. At kahit anong pagtanggi ang gawin niya, kahit anong paalala niya sa sarili niya na dumistansya kay Aki ay hindi niya magawa.

Napakatagal na mula nang maramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso dahil sa isang tao. Napakatagal na mula nang maramdaman niya ang kuryenteng kumakalat sa katawan niya madampian lamang ng balat ng isang lalaki. It has been so long since she last felt so giddy and alive. Akala niya hindi na niya mararanasan pa uli ang mga pakiramdam na binubuhay ni Aki sa kaniya. Naisip niya na masyado na siyang matanda para doon. Ngayon ay nagpapasalamat siyang nararamdaman pa rin niya ang mga iyon. Dahil sa totoo lang ay napakasarap niyon sa pakiramdam na hindi niya maiwasang hilingin na sana ay manatili ang pakiramdam na iyon habambuhay.

SCANDAL MAKERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon