Part 11

8.6K 325 12
                                    


"HINDI ko alam na magkakilala pala kayo ni Alice De Dios. Tama si Timothy nang sabihin niya sa akin na tahimik ka lang daw pero para kang magnet ng mga babae. Akala ko nakumpirma ko na iyon nang dumami ang mga babaeng customer ko mula nang tumugtog ka dito. Pero ngayon alam ko na iba ka talaga, Aki. Maging si Alice ay kilala mo."

Iyon ang unang sinabi ni Victor, ang matandang lalaki na may-ari ng music bar at kaibigan ng ama ni Aki, nang pumasok ito sa loob ng opisina nito sa loob ng bar kung saan siya dumeretso pagkatapos ng second set niya. Paano ay nagsimulang lumapit sa kaniya ang ilang mga babaeng customer sa bar na napansin na niyang palaging naroon kapag may tugtog siya. Dahil gusto niyang umiwas sa atensiyon hangga't maaari habang nasa pilipinas siya ay tumalilis siya patungo sa opisina upang umiwas sa mga babaeng iyon. "Kilala mo si Alice?" tanong ni Aki sa matandang lalaki.

"Lahat naman ng tao kilala si Alice." Bahagyang kumunot ang noo niya. Mukhang napansin ni Victor ang reaksiyon niya at may bumakas na reyalisasyon sa mukha nito. "Oo nga pala. Mag-i-isang buwan ka pa lang sa pilipinas. Kaya hindi mo alam. Kung ganoon paano kayo nagkakilala ni Alice? Pati si Baby napansin nang lumapit ka sa lamesa ng alaga niya. Ginisa pa niya ako sa kakatanong tungkol sa iyo. Wala akong maisagot dahil nangako ako sa papa mo na wala akong sasabihing kahit anong tungkol sa iyo sa kung sino man."

"Nakatira si Alice sa unit na katabi ng unit ko. Wait, bakit kilala siya ng lahat? Huwag mong sabihing isa siyang sikat na tao dito?" manghang bulalas ni Aki.

Tumango si Victor. "Sobrang sikat. Isa siyang award winning actress at endorser. Dahil ba sanay ka nang nakikisalamuha sa mga celebrity sa amerika kaya hindi mo napansin na hindi siya mukhang pangkaraniwang tao samantalang may kakaiba siyang aura? Nang pumasok nga siya kanina sa bar parang tumigil sa ginagawa ang lahat ng tao at tumingin lang sa kaniya."

Of course he noticed that she was different from normal people. Mula pa noong una silang nagkita alam na niyang may kakaibang appeal si Alice. Kapag nakikita niya ito wala siyang gusto gawin kung hindi titigan ng husto ang maganda nitong mukha at may mga gabi na bigla dumadaan sa alaala niya ang magandang hubog ng katawan nito. Kahit kanina, nakaupo pa lang siya sa harap ng piano at nakita ito ay nag react na agad ang katawan niya. Para itong may magnet kasi hindi niya napigilan lumapit sa lamesa nito. She can just sit quietly there and his whole attention gravitates towards her. Pero hindi naisip ni Aki na celebrity pala sa Pilipinas ang babae. Siguro kasi hindi ito katulad ng mga kilala niya sa Amerika na kaunting atensiyon lang, maiksing article sa celebrity websites o kaya makisalamuha lang sa mga sikat, lumalaki na ang mga ulo.

"She looks different at home. More... domesticated," nausal niya bago niya napigilan ang sarili.

Tumawa si Victor. "Si Alice? Domesticated? Subukan mo tumingala sa mga billboards, tumingin sa magazines at magbukas ng telebisyon. Makikita mo na mali ka."

Hindi ang hitsura ng babae ang tinutukoy ni Aki. Ang kilos at pananalita nito ay iba kumpara sa impresyon niyang attitude ng isang celebrity. Isa pa ay mahilig si Alice mag-redecorate ng unit nito. At magluto. Napailing siya at tumayo na. "Uuwi na ako."

"Don't get too involved with Alice, Aki. Malilintikan ako sa manager niya kapag na-involve sa kung anong chismis ang alaga niya dahil sa iyo. Masyado kang bata para sa kaniya," seryoso nang sabi ni Victor.

Nakalapit na siya sa pinto at nakahawak na siya sa seradura niyon nang muli siyang lumingon. "More than anyone else, I am the one who knows better than to get involve with an entertainer."

Narealize ni Aki na hindi tulad noon ay nabawasan na ang pait sa dibdib niya nang sabihin iyon. Mukhang kahit papaano ay epektibo ang paglayo niya. Subalit kahit ganoon ay wala siyang balak ulitin ang pagkakamali niya nang makipagrelasyon siya kay Veronica. Even if a hot and sexy temptation lives right next door to his unit.

Napabuga ng hangin si Victor. "Hindi nila katulad si Alice."

Nagkibit balikat na lang si Aki at saka tuluyang lumabas ng opisina at naglakad palabas naman ng music bar. Imbes na dumeretso sa parking lot ay sumulyap siya sa direksiyon ng katabing club. Palaging may nag-uudyok sa kaniyang gawin iyon sa nakaraang isang linggo. Kahit pa palagi niya pinapagalitan ang sarili kapag napapalingon siya roon. Palagi kasing hinahanap ng kanyang mga mata ang pamilyar na bulto ng isang babae na isang maulang gabi ay natagpuan niyang nakatayo roon. Nagbabakasakaling makita itong muli roon kasi lampas isang linggo na siyang walang naririnig na ingay mula sa loob ng unit nito.

Pero palagi, ang nakikita lang niya sa harap ng club na iyon ay ang naiwang alaala ng maulan na gabing iyon, noong nakatayo ang dalaga roon at nakatitig sa pagbuhos ng ulan. Pagkatapos napapalitan iyon ng alaala noong nasa loob sila ng elevator. Noong madilim at narinig ni Aki ang takot sa boses ng babae. When, on impulse, he reached for her. At habang lumilipas ang araw na hindi niya nakikita ang babae ay nadadagdagan ang mga naalala niya. Ang pakiramdam ng balikat nito nang ipaikot niya ang braso niya roon, ang init na mula rito nang tumayo siya sa tabi ng babae para kahit papaano mabawasan ang takot nito...

"Don't get too involved with Alice."

Binawi ni Aki ang tingin at napailing para palinawin ang isip. Nagsimula na siyang maglakad patungo sa kotse na gamit niya habang nasa Pilipinas siya nang bigla siyang matigilan. Namilog ang mga mata niya at pinatalas ang pandinig sa biglang pagsulpot ng maiksing melodiya sa utak niya. Napahawak pa siya sa tainga niya dahil iyon ang unang beses sa loob ng maraming buwan na may sumaging nota sa isip niya. Pero bago pa niya mamemorya ang melody ay nawala na iyon.

Frustrated na nagulo ni Aki ang buhok. Nang nasa loob na siya ng kotse niya at bumibiyahe pauwi ay unti-unti siyang nakaramdam ng pag-asa. Oo at sandali lang iyon, pero nakarinig na uli siya ng musika. At may hinala siya kung ano ang naging dahilan ng notang sumagi sa isip niya kanina.

"Subukan mo tumingala sa mga billboards... Makikita mo." Iyon ang sinabi ni Victor.

Sandali lang nagdalawang isip si Aki bago kumambiyo. Nagdesisyon siyang tahakin ang mas malayong daan pauwi. Para makadaan siya sa kung saan alam niyang maraming naglalakihang billboards. Ilang minuto nga lang nakarating na siya roon dahil wala nang traffic. Inangat niya ang tingin sa isang bahagi kung saan may higanteng billboard. Napapreno siya at hindi naalis ang tingin doon. Isang babae na nakatitig sa kung sino mang kumuha ng larawan ang nakita niya. Isang puting kumot ang tanging nakatakip sa katawan. Kita ang mga balikat at isang binti ng babae na patagilid na nakahiga sa kama.

Alice De Dios, a timeless beauty. Only Belo touches her skin. Iyon ang nakasulat sa malaking billboard sa ilalim ng larawan ni Alice. Makamandag na kombinasyon ng innocence, maturity at sensuality ang ekspresyon sa mukha nito. Napakalayo sa babaeng napagbuksan niya ng pinto niya at binigyan siya ng lasagna. O iyong nakasabay niya sa elevator. O iyong babae na nakatitig sa malakas na buhos ng ulan sa labas ng isang club.

"A woman with a thousand faces," nausal ni Aki sa sarili habang nakatitig sa billboard. At sa pagkamangha niya may narinig na naman siyang melodiya. Mabilis na dinukot niya ang bago niyang bili na cellphone at hinanap ang voice record application. Pagkatapos mahina niyang inawit ang mga notang sumagi sa isip niya.

Pagkatapos ay muli niyang tiningala ang billboard. Nakumpirma ang hinala niya. Alice brings out the music inside him. Ayaw niyang bigyan iyon ng mas malalim na kahulugan. Pero may pakiramdam si Aki na ang babae ang paraan para makalikha siyang muli ng kanta. Kaya kahit binalaan na siya ni Victor, kahit na binabalaan na siya ng sarili niyang isip, handa siyang suwayin ang mga iyon. Hahayaan niya ang sariling mapalapit kay Alice. Iyong tama lang para maibalik niya ang musika sa sistema niya, pero hindi sobra na makakalimutan na naman niya ang kaniyang sarili.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now