Part 34

7.6K 304 9
                                    


"TOTOO ba na ang boyfriend mo ngayon ay higit na mas bata sa iyo, Alice?"

Natahimik ang lahat ng tao sa location set nang prangkang itanong iyon ng batikang artista at komediyante na si Tina Gil. Kasama ni Alice sa teleseryeng pinagbibidahan niya ang babae. Alas onse na ng gabi at isang eksena na lang ang kukunan kaya nag-break sila sandali. Walang sinabi ang mga tao sa set kanina nang dumating siya kaya akala niya ay makakaligtas siya sa interogasyon. Pero mali siya. Katunayan, mukhang hinihintay lang ng lahat na may isang magtanong niyon.

"So?" halatang nang-iintriga na tanong pa ng kapwa niya artista.

Kung noon siguro iyon nangyari ay baka ngumiti ng peke si Alice at itatanggi ang tungkol doon. Subalit bigla niyang naalala ang sinabi ni Aki kay Tita Bebs kaninang umaga. "Hindi pa ba sapat ang dalawang dekada na uminog ang buong buhay ni Alice just to please other people? Hindi ba puwedeng for once, maging totoo siya sa sarili niya?"

Narealize niya na tama si Aki. For twenty years she's always on her toes. Palagi siyang conscious sa iisipin ng iba. Pero kung tutuusin masyado naman na siyang maraming napatunayan sa industriya kaya bakit hindi niya hayaan ang sarili niyang maging tapat at mas malaya? Bakit hindi siya magpakatotoo? Kung hindi matatanggap agad ng mga tao ang pagbabagong iyon ay gagayahin niya si Coleen. Papatunayan niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng talento niya. Nakakatawa lang na sa edad niyang iyon sa dalawang mas bata pa sa kaniya niya natutunan ang dapat ay noon pa niya narealize.

Sa naging desisyon ay taos sa pusong ngumiti ng matamis si Alice. "Oo. Mas bata siya sa akin. Pero gusto namin ang isa't isa kaya wala naman sa amin ang age gap namin."

Nagkaingay ang lahat, naging mapanudyo. Natawa siya dahil hindi niya inaasahan na ganoon ang magiging reaksiyon ng mga tao roon sa pag-amin niya.

"Sa wakas, may love life ka na rin. About time no?" ngisi pa ni Tina Gil. "Sigurado na may mga taong masama ang magiging reaksiyon. Some netizens might even bash you. Siguradong aakusahan ka nila ng kung anu-ano. Natatandaan mo si Ai-ai at ang dati niyang asawa na mas bata sa kaniya? Natatandaan mo sila Kris Aquino at James Yap? Ang daming sinabi ng ibang tao. Pero huwag mo na lang pansinin. You cannot please everybody and there are people who loves to feed on other's misery. Huwag ka magpapatalo sa kanila. Okay?"

Napangiwi si Alice. "Tina, ang mga hinalimbawa mo naman, hindi naging successful ang relationship eh," reklamo niya.

Tumawa si Tina. "Sinadya ko iyon. Para malaman mo kung ano ang pinapasok mo. Iispin mo kung ano ang maaaring mangyari kung maging successful ang pagmamahalan ninyo ng boyfriend mo? Mapapahiya ang mga basher at baka mas maging open na ang masa sa May-December love affair na ang mas matanda ay babae. Dito kasi sa atin, kapag babae ang higit na mas matanda sa lalaki ang dami-daming nakikitang mali at ang daming reklamo. Kahit ang totoo, ang mga older women ay young women at heart pa rin. Kailangan pa rin nila ng taong magpapalipad ng mga paru-paro sa kanilang sikmura at magpapabilis ng tibok ng kanilang mga puso. Higit sa lahat ay may karapatan pa rin sila ma-in love kahit na ano pa ang edad nila," litanya ng actress-comedienne.

Naantig ang damdamin ni Alice kahit pa paulit-ulit nitong binabanggit ang "older women" na para bang sobrang tanda na ng thirty five. Pero sabagay, kumpara kay Aki na nasa late twenties pa lang ay matanda na nga iyon. Malaki ang agwat ng mga edad nila. Pero kasi, kapag magkasama sila ni Aki ay hindi niya iyon nararamdaman. Minsan pa nga, pakiramdam niya ay mas matanda sa kaniya ang binata. Patunay na talagang ang maturity ay wala sa edad.

"Salamat sa mga payo mo, Tina. Tatandaan ko ang mga sinabi mo," ngiti ni Alice.

"Okay, rehearsal na for the last scene tonight!" sigaw ng assistant director. Naalis sa kaniya ang atensiyon ng lahat at nagsipagkilos na upang gawin ang kani-kanilang trabaho. Maging si Tina ay tinapik siya sa braso bago lumayo sa kaniya.

Huminga ng malalim si Alice upang ibalik ang atensiyon sa karakter niya sa teleserye na iyon nang mabilis namang lumapit sa kaniya ang assistant niyang si Nikki. Kumikislap ang mga mata ng babae at ngiting ngiti. Hindi pa man tuloy nagsasalita ang assistant niya ay sumikdo na ang puso ni Alice. "Dumating na ang sundo mo Miss Alice. Naghihintay siya sa parking lot. Tawagan mo daw siya kapag tapos na ang trabaho mo rito," bulong ng assistant niya.

Napahugot ng hangin si Alice sa antisipasyon at hindi na itinago ang matamis na ngiting sumilay sa kaniyang mga labi. "Salamat sa paghahatid ng mensahe niya, Nikki."

Umangat ang mga kilay ng babae at ngumisi. "Hindi ka na nag-de-deny ngayon Miss Alice."

Nagkibit balikat siya at nagsimula na maglakad patungo sa set kung saan kukunan ang huling eksena para sa gabing iyon. "Na-realize ko lang na walang dahilan para itanggi ko siya. Wala kaming ginagawang nakakahiya."

"Tama ka diyan." Nag-thumbs up pa si Nikki. Natawa si Alice at tumango. Pagkatapos ay inalis na niya ang tingin sa assistant niya at huminga ng malalim. Mas magaan na ang pakiramdam niya. Katunayan mas naging madali para sa kaniya ang mag-internalize sa role niya. Natapos niya ang eksena sa isang take lang.

MATAPOS magpaalam sa director at iba pang crew at cast ay nagtungo na si Alice kasama si Nikki sa kung saan daw nakaparada at naghihintay si Aki. Agad na natanaw niya ang kotse ng binata sa dulong bahagi ng parking lot. At tila ba napansin kaagad nito ang presensiya niya na ilang metro pa lamang ang nalalakad nila ni Nikki ay bumukas na ang pinto sa driver's seat at umibis mula roon si Aki.

Tila may pakpak ang mga paa ni Alice na sa isang iglap ay nakalapit na siya agad sa binata na malawak namang ngumiti. "Hand aka nang umuwi?" bati ni Aki nang nasa mismong harap na siya nito.

"Oo. Kotse mo pala ang dala mo," sabi ni Alice.

"Yep. Nasa parking lot na ng condo ang sa iyo." Pagkatapos ay binuksan ni Aki ang backdoor at sumulyap kay Nikki. "Get in. Ihahatid ka na namin."

Halatang nagulat ang assistant niya at napatingin sa kaniya. Ngumiti si Alice. "Bakit ganiyan ang hitsura mo? On the way naman ang bahay mo kaya sumabay ka na sa amin," sabi rin niya sa babae.

"Pero... paano ang lovey dovey time ninyo?" tanong ni Nikki.

Nagkatinginan sila ni Aki at sabay na napangisi. "Huwag mo na alalahanin iyon," sabi na lang ni Alice. Akala siguro ni Nikki ay bihira sila magkita ni Aki. Naalala niya na si Coleen nga lang pala ang nakakaalam na magkatabi ang unit nila ng binata. At silang dalawa lang ni Aki ang nakakaalam na madalas silang tumambay sa unit ng isa't isa.

Mukhang natuwa naman ang assistant niya at nagpasalamat bago sumakay sa kotse. Sunod siyang pinagbuksan ng passenger's seat ni Aki bago umikot ang binata sa driver's seat. Nabuhay na nito ang makina ng kotse nang dumating ang ilang cast at crew sa parking lot. Napansin ni Alice na nakatingin ang mga ito sa kanila mula sa front window ng kotse. Ngumiti siya at kumaway bilang paalam dahil ayaw niyang isipin ng mga tao na nahihiya siyang makita na kasama si Aki.

"Naku, siguradong kakalat ang tungkol sa pagsundo sa iyo ni Aki bukas na bukas, Miss Alice. Magaling magpakalat ng tsismis ang mga crew, akala mo ba?" sabi ni Nikki nang nasa kalsada na sila.

"Hayaan mo sila," sabi na lang ni Alice. Pagkatapos ay sumulyap siya kay Aki na may munting ngiti sa mga labi at sumulyap rin sa kaniya. Nang magtama ang kanilang mga mata ay pakiramdam ni Alice ang gaan ng pakiramdam niya at ang tapang niya. Na para bang basta nasa tabi niya si Aki ay kaya niyang harapin ang kahit ano na nakataas ang noo. And then she was hit with a realization that has been brewing deep inside her heart na noon lang niya nagawang aminin sa sarili. She's really in love with Aki.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now