Part 41

7K 268 2
                                    


"SINUSUBAYBAYAN talaga ng media ang love life mo, Alice. Nasa balita na naman kayo ni Aki. Paano nakarating sa kanila ang tungkol sa pagbisita ninyo ni Aki sa pamilya mo noong isang araw?" tanong ni Coleen na nagbabasa ng mga showbiz article sa ipad nito.

"Hindi ko alam kung paano nila nalaman pero hindi ko na lang pinapansin dahil wala namang anuman para kay Aki ang mga sinasabi nila tungkol sa amin," sagot ni Alice. Katulad ng dati ay nasa waiting room sila ni Coleen at naghihintay na tawagin para sa eksena nila sa teleserye na eere na dalawang buwan mula ngayon. Puno na nga ang schedule nila next month para sa press conference at kung anu-ano pang publicity stunt na gagawin nila para ipromote ang palabas. Hindi pa man ay alam na ni Alice kung ano ang mga tanong na ibabato sa kaniya ng press sa susunod na buwan.

"At lumabas na ang mga artikulo tungkol sa biglang pagsulpot ni Veronica sa NAIA noong isang araw! Pero wala namang inanunsyo na magko-concert siya ah?" bulalas uli ni Coleen.

"Napanood ko nga sa tv pero hindi ko narinig ang mismong balita dahil pinatay ni mama ang tv bago mag-register sa utak ko ang nasa news," sagot ni Alice na curious ding napatingin sa screen ng tablet ni Coleen.

Nagpatuloy sa pagbabasa ng article ang babae. "Hindi daw concert. Personal reason daw ang dahilan bakit siya nagpunta ng pilipinas."

"Bakasyon? Sayang kung concert manonood sana ako," sabi ni Alice.

Natigilan si Coleen na parang may biglang naisip. Napatingin ito sa kaniya at nanlalaki ang mga mata. "Hindi bakasyon. Oh my God bakit ngayon ko lang naalala. Alam mo ba na last year ay suki ng paparazzi sa Amerika si Veronica? Sumikat siya ng husto hindi lang dahil sa mga kanta niya kung hindi dahil karelasyon daw niya ang Grammy Award hallfamer composer and songwriter na nasa likod ng lahat ng mga patok niyang albums. Alice, girlfriend siya ni Aki!"

Napaderetso ng upo si Alice at napakurap sa pagkabigla. Sandaling nablangko ang utak niya. Nang bahagya siyang makabawi ay naalala niya ang mga sinabi ni Aki sa kaniya. Na ang dati daw nitong kasintahan ay isang singer. At ang halos lahat ng awitin ni Veronica na paborito niya ay si Aki ang may gawa lahat. Na kaya daw nagbakasyon ang binata ay nasasakal ito sa music industry at dahil pinagtaksilan diumano ito ng mga taong pinagkakatiwalaan nito. Si Veronica ang tinutukoy ni Aki?

"Huy, Alice," untag ni Coleen na pumitik pa sa harap niya.

Napakurap siya at hinamig ang sarili. "May nabanggit sa akin si Aki na ex-girlfriend niya pero hindi niya sinabi ang pangalan. So si Veronica pala," ani Alice sa pilit pinakaswal na tinig. Na para bang hindi siya apektado na super diva pala ang dating nobya ng binata.

Lumiyad palapit sa kaniya si Coleen at bumulong na para bang ayaw nitong may ibang makarinig sa sasabihin nito. "Paano kung si Aki pala ang dahilan kung bakit siya nasa pilipinas? Sinabi ba ni Aki sa iyo na nakipaghiwalay talaga siya ng tuluyan kay Veronica? Baka mamaya may unfinished business pa sila sa isa't isa at gusto pa niya makipagbalikan."

Parang may sumipa sa sikmura ni Alice at hindi agad nakahuma. Bumuntong hininga siya at umiling. "I don't think so. Ang sabi sa akin ni Aki niloko daw siya ng ex niya. Nakipag-relasyon sa iba."

Nagkibit balikat si Coleen. "Hindi natin alam. May mga fickle minded na babae, Alice."

Tumiim ang mga labi ni Alice at huminga ng malalim. "Kahit magbago ang isip niya, hindi ibig sabihin niyon magbabago na rin ang isip ni Aki. Besides past is past."

"Okay. Sabi mo eh. Sabagay, hindi ka naman matatalo pagdating sa ganda kay Veronica. Wala kang dapat ipag-alala. Ikaw na ngayon ang mahal ni Aki at hindi siya. Besides, susunduin ka daw niya mamaya hindi ba?" ngiti ni Coleen.

"Oo." Tipid na lang na ngumiti si Alice kahit may nabubuong kaba sa dibdib niya. Pilit na lang niya iyong pinalis. Walang silbi kung aalalahanin niya iyon. Sigurado naman siya na kung sakali mang may mangyari ay sasabihin ni Aki sa kaniya ang tungkol doon. Isa pa, katulad nga ng sinabi ni Coleen ay magkikita naman uli sila ng binata mamaya. Sigurado si Alice na kapag nakita niya ang mukha ni Aki ay mapapawi na ang lahat ng alalahanin niya.

"Mabuti ka pa. Si Larry nasa Singapore para sa isang business summit. Ilang araw kaming hindi magkikita," pabuntong hiningang sabi ni Coleen.

Napasulyap siya sa babae. "Okay ba ang relasyon ninyong dalawa ngayon? Wala ng problema?"

Ngumiti si Coleen. "Hindi naman sa walang problema. Minsan nagtatalo pa rin kami. Lalo na at lately puro sexy at kontrabida projects ang natatanggap ko pagkatapos ng pag-amin ko na involved ako sa isang older guy. Nagagalit siya kasi ayaw niyang masyado akong magpakita ng katawan. Pero sa tingin naman namin ni Tita Bebs magandang oportunidad para sa akin ang mga project offer na iyon."

"Kung ganoon hindi kayo nagkakasundo?" tanong ni Alice.

Nagkibit balikat si Coleen at ngumiti. "Hindi perpekto ang relasyon namin but we are perfectly fine with it."

Bahagyang napangiti si Alice dahil nahawa siya sa ngiti ng babae. Sa totoo lang ay wala siyang balak sabihin kay Coleen ang tungkol sa naging relasyon nila ni Larry noon. Pero ngayon ay sa tingin niya dapat siyang maging tapat sa babae. Just to avoid complications in the future. "Coleen,may kailangan akong sabihin sa iyo," usal ni Alice.

"Ano iyon?"

Huminga siya ng malalim at sinalubong ang tingin ng babae. "Actually, Larry and I... we went out seven years ago." Nawala ang ngiti ni Coleen at napatitig sa kaniya. Nakagat ni Alice ang ibabang labi. "Patawad at hindi ko sinabi agad."

Kumibot ang mga labi ni Coleen at nataranta siya dahil baka biglang umiyak ang babae. Pero nagulat siya nang bigla itong tumawa. "Ano ka ba? Alam ko na naging kayo dati. Sinabi sa akin ni Larry pagkatapos ng press conference namin. Ipinaliwanag niya sa akin ang larawang kumalat na magkasama kayo sa coffee shop."

Umawang ang mga labi ni Alice. "At hindi mo ako kinompronta tungkol doon?"

Nagkibit balikat si Coleen. "Para saan? Wala ka namang balak makipagbalikan sa kaniya at ganoon din siya sa iyo. Isa pa, kahit anong gawin natin hindi naman na mababago ang nakaraan. Kaya nagdesisyon ako na tanggapin ang kaniyang nakaraan."

Napatitig siya sa babae at napangiti. Parang kailan lang nang makipagkita si Larry sa kaniya para humingi ng tulong na makausap si Coleen na naging dahilan kung bakit nasuong ang pangalan niya at ni Aki sa eskandalo dahil nakunan silang tatlo ng larawan noong nasa coffee shop sila. Parang kailan lang nang malaman niyang possessive pagdating sa kaniya si Aki. Parang kailan lang mula nang unang may nangyari sa kanila ng binata. Subalit isang buwan na ang nakararaan mula nang mangyari ang mga iyon. Pero hanggang ngayon mainit pa rin sina Alice at Coleen sa mata ng mga showbiz reporters. Lalo na sila ni Aki.

"Alam mo, mas matapang at mas cool ka kaysa sa iniisip ng lahat. Madalas parang mas matanda ka pa sa akin magsalita," sabi ni Alice habang matamang pinagmamasdan ang babae.

Ngumiti si Coleen. "Ang maturity ay wala sa edad."

"I agree. Si Aki nga madalas pakiramdam ko mas mature kaysa sa akin," usal niyang hindi napigilan ang paglitaw ng imahe ng binata sa isip niya. Naramdaman niya ang pamilyar na kislot ng puso niya maalala lamang si Aki.

Lalong lumawak ang ngiti ni Coleen at kumislap ang mga mata. "Actually, compatible kayong dalawa. Ang lakas ng chemistry ninyo. Kaya kapag may tumangkang umagaw sa kaniya, huwag ka papayag ha? Hindi ka na makakakita ng katulad niya."

Bahagyang ngumiti si Alice sa kabila ng munting kurot sa puso niya. "Actually, may palagay ako na si Aki na ang huling lalaki na makikilala ko at magugustuhan ko ng ganito. Kapag hindi kami nagkatuluyan, talagang magiging single ako habambuhay."

Tinapik siya ni Coleen sa balikat at lalong nagmukhang determinado. "Kaya mas dapat higpitan mo ang kapit sa kaniya."

Ngiti na lang ang isinagot niya. Mabuti na lang tinawag na sila ng isang production assistant, naputol ang usapan nila ni Coleen. Dahil sa totoo lang, mas madaling sabihin kaysa gawin ang payo ni Coleen.

SCANDAL MAKERSWhere stories live. Discover now