12

18 5 1
                                    

THE DARK SIDE OF HIS PAST

HABANG palayo nang palayo ang aming nilalakbay ay mas lalo kong nararamdam ang pagkainip at pagkasabik na makarating sa aming destinasyon. Seryoso sa pagmamaneho si Jiovanni habang tulog na tulog naman si Allestair kaya isinandal ko na lang ang ulo ko sa bintana ng sasakyan at sinubukang matulog.

Sampung minuto na ang lumipas pero nagmukha lang akong tanga na nakapikit sa loob ng ilang minuto habang iniisip na nakatulog talaga ako. Paiba-iba ako ng puwesto dahil hindi mapakali sa sobrang pagkainip. Para akong inaatake ng insomnia.

Nag-umpisa nang magtaka si Jiovanni sa sobrang kalikutan ko. "Daig mo pa ang naasinang uod." Saglit niya akong nilingon.

Napahinto ako sa isang puwesto, paharap sa kanan at nakatalikod sa kaniya. Hindi siya kumibo at bigla na lang nagpatugtog.

Sa hindi ko malamang dahilan, bigla akong dinapuan ng antok. Mabilis kong naramdaman ang pagbigat ng talukap ng aking mga mata dahilan upang mas maging mahirap pigilan ang pagpikit.

Nasa isang simpleng bahay ako at isang eksena ang bumungad sa akin: isang batang umiiyak na tila inapi at inabuso. Naantig ang aking damdamin kaya't marahan akong umupo sa kaniyang tabi habang nakasalampak siya sa sahig. "Okay ka lang ba?" malumanay kong tanong sa kaniya.

Tumingin siya sa akin at nakita ko ang labis na kalungkutan niya. "Ayos lang po ako," matipid niyang sagot sa akin sabay punas sa kaniyang luha.

Agad kong kinuha mula sa bulsa ng aking hoodie ang panyo. "Heto, punasan mo ang luha mo." Iniabot ko sa kaniya ang panyo ko. "'Wag ka nang malungkot."

Bigla na lamang akong natahimik nang mapansin ko ang kalendaryong nakasabit sa likurang bahagi ng aparador. October 02, 2008-hindi ito bago. Sa dami ng mga naging imahinasyon ko, hindi ito ang unang beses na napunta ako sa nakaraan. Pero ang iniisip ko, hindi ito isang imagination, alam kong panaginip ito. Alam kong nasa biyahe kami at alam ko rin na tulog ako, kaya sigurado akong panaginip ito-lucid dreaming. So, multiskilled pala ako? Maladaptive daydreaming at lucid dreaming, kaya ko? May nais itong ipahiwatig sa akin at kailangan ko itong malaman bago pa ako magising dahil hindi pa akong nakabuo ng imagination na napanaginipan ko na.

Hinawakan ko ang kaniyang braso saka ko siya tinulungang tumayo. Inilibot ko ang aking tingin sa loob ng kanilang bahay. Maganda ito at gawa sa matibay na mga kahoy samantalang bato naman ang haligi, pader at kisame nito. Agad kong naalala ang Vigan, Ilocos Sur, lalo na nang makita kong nasa ikalawang palapag kami ng kanilang bahay. Dumungaw ako mula sa bintana at nakita ko ang iba pang mga bahay na naging patunay upang masiguro ko na nasa Vigan, Ilocos Sur ako, taong 2008.

Masaya kong tinatanaw ang paligid mula sa malaking bintana ng kanilang bahay nang bigla niya akong hilahin papunta sa malaking cabinet at agad niya akong pinagtago sa loob nito. "Kuya, magtago ka po rito sa loob ng cabinet," kinakabahan at nagmamadali niyang sabi sa akin, at ilang sandali lang ay may sumigaw na mga tao mula sa ibaba.

"Allestair!" malakas nilang sigaw mula sa ibaba at alam kong paakyat na sila ng bahay.

Malalakas na yabag ng kanilang mga paa ang aking narinig habang sila'y nasa hagdan. Bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa kutob ko na may gagawin silang masama sa bata.

"Allestair!" mas malakas nilang sigaw mula sa labas ng kuwarto kung saan kami naroroon. Sa puntong ito, alam kong ang batang kasama ko ay si Allestair. Nasa past ako ni Allestair?

Sumilip ako mula sa maliit na butas ng cabinet at nakita ko ang nunal malapit sa kaliwa niyang mata-kapareho ng kay Allestair at ng bata sa picture frame. Bukod sa kaniyang nunal, nakita ko rin ang takot sa kaniyang mukha. Nasa sulok na siya ng kuwarto at inaantay ang pagdating ng kaniyang mga magulang. Mga tatlong segundo matapos akong sumilip ay kumalabog ang pinto na tila tumama sa pader sa sobrang lakas ng pagkakabukas o pagkakasipa.

The Night We Met in IntramurosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon