31

10 2 0
                                    

NIGHT IN INTRAMUROS

PAUWI na kami ngayon ni Railey galing sa school. Ito ang unang beses kong maglalakad pauwi kasama siya. Ang sabi niya ay malapit lang ang subdivision namin sa kanila kaya magsabay na raw kami.

Kanina sa klase ni Prof. Marco ay tuwang-tuwa at kilig na kilig siya nang makumpirmang si Blythe Gonzales ang hinahangaan ko—ang crush ko. Takang-taka pa rin siya kung bakit napakalaki ng ipinagbago ko. Nakipagsiksikan daw ako kanina sa canteen kanina, pero sa isip-isip ko, normal ko lang namang ginagawa 'yon. Napaisip na lang din ako dahil hindi raw ako ganito. Kahapon daw ay halos hindi ko siya kausapin, pero sa pagkakatanda ko ay nakikipagkaibigan naman ako. Magulo, hindi ko siya masyadong maintindihan. Introvert daw ako, pero bigla raw akong nakisalamuha sa ibang tao. Nakipag-fist bump kasi ako sa kaklase namin kanina, at halos mapapalakpak naman siya nang makita 'yon.

'And remember, walang epekto ang lahat ng ito sa takbo ng buhay mo dahil imahinasyon mo lang ito. Pero sa 'yo, sa sarili mo... maraming magbabago.'

Hindi ko rin alam. Nagbago ba ako? Ano'ng nangyari sa akin? Hindi ba ako ganito? Basta para sa akin, ang ikinikilos at ugali ko ngayon ay normal lang para sa akin. Ni katiting na alaala ng pagiging introvert ko ay hindi ko matandaan.

"Sabi ko sa 'yo, eh! Kahit kailan talaga, hindi puwedeng hindi perfect ang grades mo kay Prof. Marco, 'no? Napakahusay mo, lalo na sa arts. Hay, mapapa-wow pati si Vincent Van Gogh!" sabi nitong si Railey habang kumakain ng fishballs. Mayroon kasing nagtitinda nito sa harap ng university na pinapasukan namin kaya nagpalibre siya sa akin, tutal daw ay first walk namin pauwi nang magkasama.

Nang matanaw namin ang 7-Eleven, siya na mismo ang nagyaya sa akin dahil alam naman daw niya na bibili ako ng kape. Hindi naman siya nagkamali.

"Oh, kapag tatawid sa kalsada, bago tumawid, tingin sa kanan, tingin sa kaliwa, okay?" bilin niya, saka hinawakan ang braso ko na para bang tatakbo ako papuntang kalsada at hahayaang masagasaan ng sasakyan ang sarili.

"Hindi ako tanga, hindi lang ako sanay, okay?"

"Okay, fine!" Napasubo na lang siya ng fishball. "Ayan, go, tawid na!" bigla niyang sabi at hinila na ang braso ko.

Nang makatawid kami ay pumasok na kami sa 7-Eleven. Bumili lang ako ng kape at siya naman ay talagang sinamahan lang ako dahil may meryenda na raw siya. Pagkabayad ko sa cashier, napalingon ako sa steamer kung saan naroon ang Big Bite. Hindi ko matukoy kung sino, pero parang may naaalala akong mahilig sa pagkaing iyon. Napailing na lang ako at dumeretso na palabas. Sumunod din naman kaagad si Railey sa akin.

"Mabuti naman at nagbago ka na?" sabi niya habang naglalakad kami malapit sa subdivision namin. "Day, sinasabi ko sa 'yo, hundred percent talaga ang ipinagbago mo—as in." Itinaas pa niya ang kaniyang kamay, tila nanunumpa.

"Ewan ko sa inyo. Normal lang naman ang iniaakto ko ngayon. Kung sino at ano ako, 'yon ako ngayon. At paanong bigla akong nagbago? Ano 'yon, bigla akong nag-travel sa maraming lugar, 'tapos nagbago ang ugali ko noong umuwi ako?" Sinamaan ko siya ng tingin.

"I can't explain! Mauuna pang malanta ang bulaklak na 'yan bago mo maintindihan ang sinasabi ko." Itinuro niya ang bulaklak na halos humiga na sa lupa sa sobrang pagkalanta.

"'Ge, bukas na lang ulit, pangit. Ingat sa pag-uwi. Sana hindi ka madapa o mahulog sa kanal." Kumaway na ako sa kaniya nang maghiwalay na kami. Papasok na kasi ako sa entrance ng subdivision namin.

Binuklat ko kaaagad ang aking sketch pad nang maupo ako rito sa harapan ng study table ko. Pagkatapos ay parang kusang gumuhit ang aking kamay. Isang magandang lugar itong iginuhit ko, pamilyar pero hindi ko masyadong maalala. Sa ibabang bahagi ng pahina ng sketch pad ko ay isinulat ko ang pangalan ng lugar.

The Night We Met in IntramurosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon