Prologue

267 21 11
                                    


Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, events, and incidents are the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

***

October 02, 2008

"KIEL, anak, malapit na tayo." Tinapik ng nakangiting ina ang kaniyang anak na kagigising lang. "Look, that's your favorite." Itinuro pa nito ang isang fast-food restaurant na saktong nadaanan nila, kaya naman umusbong ang kasiyahan sa mukha ng batang si Kielvinson nang bumangon siya mula sa pagkakahiga, gulo-gulo pa ang buhok.

"Bukas na bukas, pupunta tayo riyan at kakain ng paborito mo," sabi naman ng kaniyang ama na abala sa pagmamaneho. "Gusto mo ba 'yon?"

Walang kamuwang-muwang ang bata sa kanilang biyahe pauwi sa kanilang pamilya sa Nueva Ecija. Ang alam lamang nito, masaya siya at sabik na masulit ang bakasyon kasama ang kaniyang mga magulang. Ngunit hindi nito batid na kasunod ng trahedyang magaganap ang malaking sugat na mag-iiwan ng malaking marka sa kaniyang buhay.

"Thank you... mommy, dad—"

"Yakapin mo si Kiel!"

Hindi na natapos ng batang si Kielvinson ang kaniyang sinasabi dahil biglang sumalpok sa kasalubong na bus ang kanilang sasakyan. Malalang aksidente ang kanilang nasalubong sa kanilang pag-uwi. Tumilapon ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalsada.

Matinding sakit, maitim na usok, kaguluhan, takot—ilan lamang ang mga iyan sa kaniyang naramdaman at naunawaan sa oras na imulat niya ang kaniyang mga mata habang nasa loob ng yuping sasakyan, na halos wala nang daan upang makalabas.

"Anak..." Napagtanto niyang nababalot siya ng yakap ng kaniyang ina, nanghihina ito at mayroong dugong tumutulo mula sa kaniyang ulo maging sa kaniyang mga braso.

"Mommy..." Napaiyak na lamang siya sa takot dahil sa nakitang dugong umaagos pababa sa ulo ng kaniyang ina. "Daddy..."

"Kiel, stay where you are, anak. Help's on the way, okay?" Boses ng kaniyang ama ang narinig niya.

Napatango na lang siya at mahigpit na niyakap ang kaniyang ina. "I'm scared..." wika niya, saka tiningnan ang kaniyang palad na puno na ng dugo, kaya mas lalo itong natakot at napaiyak.

"May mga naipit!" sigaw ng isang lalaki mula sa labas. "May bata!"

Nagkaroon ng pag-asa ang paslit nang marinig ang boses na iyon. Batid niyang kahit sa pinakamahirap at mukhang imposibleng pagsubok at sitwasyon, mayroong nag-aabang na liwanag at pag-asa para sa kanila. Sa mura niyang edad, humarap siya sa laban na hindi niya lubos akalaing makakaya niya.

"Anak, just ask for help when there's someone near us, okay?" paalala ng kaniyang ina sa abot ng makakaya nito.

Pumikit siya at pahikbi-hikbing pinakiramdaman ang kaganapan sa labas ng kanilang yuping sasakyan. Maraming nagsisigawan, maraming mga sasakyan. Labis na kaguluhan ang nagaganap base sa kaniyang naririnig. "Nandito po kami!" umiiyak na sigaw ng bata at muling napayakap sa kaniyang ina na nanghihina. "Mommy, they're coming..."

"That's right, Kiel. Just wait for them, okay?."

Hindi nagtagal, naramdaman niyang mayroong humawak sa kaniyang braso, at sobrang lamig nito na tila nagyeyelo ang mga kamay ng kung sinong humawak sa kaniya. "Kiel, come with me... I'm going to save you." Boses ng hindi niya kakilala ang rumehistro sa kaniyang pandinig. "Hold my hand."

"No. You're a ghost, hindi ako sasama sa 'yo," pagtanggi niya.

"Trust me, kid. Kumapit ka sa kamay ko, ililigtas ko kayo."

Matapos makipagmatigasan sa kaniyang kausap, nawalan ng malay ang batang si Kielvinson. Nang muli niyang imulat ang kaniyang mga mata, nakahiga na siya sa malambot na kama, sa loob ng isang puting silid.

"Mom... Dad?" Luminga-linga siya sa paligid ng kuwarto ngunit walang tao sa loob nito bukod sa kaniya.

Nang tumingin siya sa kaniyang kanan, nakita niya ang imahen ng isang tao, kaya agad siyang natakot at napaatras kahit wala siyang ibang mapupuntahan o matatakbuhan. "Stay away..." natatakot niyang sabi at nagtakip ng mga mata habang naiipon ang kaniyang luha. "I don't like you. Stay away from me. I'm scared. Please don't hurt me."

Naramdaman niya ang isang malamig na haplos sa kaniyang pisngi, dahilan upang biglaan siyang dapuan ng matinding antok, kaya napapikit na lamang siya nang hindi niya namamalayan.

"I will never hurt you, kid. Time will come, and you'll understand everything. But for now, just take some rest."

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now