08

13 4 0
                                    

COLLISION

MAGANDANG umaga ang bumungad sa akin dito sa ospital. Bored na bored na ako, pero for the first time sa eighteen years kong pamumuhay sa mundo, ngayon ko lang na-feel na kailangan kong mag-stay rito sa ospital kahit parang kulungan ang tingin ko sa lugar na 'to.

"Oh, kumusta? Mamamatay ka na ba?" agad na tanong ni Jiovanni nang makitang lumilinga-linga ako.

"Mukha ba akong mamamatay?" Napahiga na lang uli ako sa hospital bed at bumuntonghininga. "Sana pala sinabi mo na lang do'n sa lalaking 'yon na sinaksak ako sa dibdib," sabi ko na lang at saka ako napapikit nang biglang kumirot ang malaking sugat sa braso ko.

***

Jiovanni's POV

4 hours ago...

GINABI na kami sa biyahe pabalik sa Bulacan. Nandito kami sa Balagtas, Bulacan, at hindi ko maintindihan kung bakit napaka-traffic dito. Maayos naman kanina at hindi ganito na buhol-buhol ang mga sasakyan sa highway. Madalas talaga ay mga tarantadong motorista na sumisingit sa lane ang dahilan ng traffic, eh.

Nasa passenger seat ang natutulog na si Kielvinson. Parang sampung araw na walang tulog-naghihilik pa. Napalingon ako sa back seat at napangiti na lang nang makitang wala na ro'n si Railey. 'Di bale, magkikita pa naman kami sa susunod. Ako pa ang nagsabi niyan sa kanila kaya dapat panindigan ko 'yon.

Ilang minuto ang lumipas at nagising na si Kielvinson. Isinandal niya ang kaniyang ulo sa bintana ng kotse at saka nagkamot ng ulo. Bibiruin ko na sana siya dahil sa hitsura niya, pero natigilan ako nang matanaw sa gutter ang isang lalaki na nakaitim at isang dalaga na desperadong kumakawala mula sa pagkakahawak nito sa kaniya.

"Tingnan mo ang tarantadong ito." Tila nag-init ang buong katawan ko nang ihinto ko sa gilid ng daan ang sasakyan. Mabuti na lang at nasa gawing gilid kami ng highway kaya naiparada ko ito sa tapat ng isang sari-sari store.

"Sa'n ka pupunta?" naguguluhang tanong sa 'kin ni Kielvinson pero sumunod naman siya sa 'kin.

"May tarantado sa gawing 'yon." Itinuro ko ang lalaking nakaitim. "Tatarantaduhin din natin." Mas binilisan ko ang pagtakbo papunta r'on. Nananabik ang kamao ko na lumapat sa mukha ng gagong nasa harapan ko. "Tarantado ka, ah!" singhal ko nang bumagsak siya sa sahig dahil sa suntok ko.

Agad siyang tumayo at inilabas ang isang patalim. Sumugod siya sa 'kin, dahilan upang magtulakan kaming dalawa. Napasandal ako sa pader ng isang saradong tindahan kaya naman nagkaroon ng pagkakataon ang tarantadong ito na itutok sa leeg ko ang kutsilyo. Ramdam kong nakadikit na sa leeg ko ang dulo ng kutsilyo kaya buong lakas kong nilabanan ang puwersa niya dahil kung hindi, mapapatay niya ako.

Bigla siyang nawalan ng balanse at bumagsak sa sahig nang itulak siya ni Kielvinson. Nagpagulong-gulong sila hanggang sa pareho na silang napahiga. Ika nga nila, hindi agad namamatay ang masamang damo. Tumayo ulit ang lalaki at saka itinutok kay Kielvinson ang patalim na hawak niya at akmang sasaksakin ang kaibigan ko.

Napangisi ako nang biglang hampasin ng isang lalaki ang kamay niya gamit ang isang bakal kaya nabitawan niya ang kutsilyo at tumilapon sa harap namin ng dalagang biktima. Napatingin agad ako kay Kielvinson nang makita kong puno ng dugo ang kutsilyo ng lalaki. Sa galit ko ay tumakbo ako at sinugod ito.

"Tama na, brad. Darating na ang mga barangay tanod," awat sa 'kin ng lalaking tumulong sa amin nang suntukin ko ang gagong nakadapa na sa sahig. Napatango na lang ako dahil pinipigilan na niya ito at wala nang kawala pa.

"Ayos ka lang?" nag-aalala kong tanong habang inaalalayan si Kielvinson sa pagtayo. "May sugat ka," mahinahon kong sabi nang makita ko ang halos isang dangkal na hiwa sa kaniyang braso.

The Night We Met in IntramurosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon