14

15 5 0
                                    

TYPICAL TEENAGERS

KASABAY ng mahimbing kong pagtulog ay ang panibagong panaginip, at sigurado akong hindi uli ito imahinasyon. Bumalik ako sa lugar kung sa'n ko nakita ang dahilan kung bakit kami nandito ngayon, ang dalagang nakita ko sa aking imahinasyon-si Blythe.

Umaga ngayon sa aking panaginip at hindi kagaya noong huli kong nakita ang lugar na ito dahil gabi noon at ang liwanag ay bigay lamang ng mga ilaw, butuin, at ng buwan. Ngayon, sikat ng araw ang nagbibigay liwanag kaya ginamit ko ang aking hoodie para hindi masyadong ma-expose sa mainit na sikat ng araw ang balat ko.

Naglakad ako at naalala ko ang bahagi ng lugar na ito kung saan ko siya mismo nakita. Napatakbo ako at anong saya nang muli akong makatayo sa lugar kung saan kami nagkita, iba lang dahil wala siya. Hindi ko maitago ang ngiti sa aking mga labi habang inaalala ang mga panahong nakasama ko siya. Maaaring hindi ito ang oras upang makita ko siyang muli, pero tinatanaw-tanaw ko pa rin ang mga dalagang napapadaan sa aking harapan at umaasa na siya iyon. Natawa na lang ako sa 'king sarili. Nababaliw na yata ako, nagmumukhang tanga. Halos lahat ng dumadaan ay sinusundan ko ng tingin. Daig ko pa ang tutang naligaw at hinahanap ang kaniyang nanay o amo.

Hindi ko na nararamdaman ang napakainit na sikat ng araw nang muli akong makabalik sa eksaktong lokasyon na ito. Tila ba huminto ang mundo at tanging ako lamang ang naiwang gumagalaw. Napatingin ako sa mga taong nasa paligid. Hindi ako makapaniwala dahil parang nasa isang movie ako-lahat sila ay naka-slow motion. Hindi ko alam kung bakit, ngunit agad akong tumakbo at sumigaw. "Nasaan ka?! Nandito na ako, nandito na ulit ako! Bumalik ako para makita ka! Gusto na kitang makita!" sigaw ko habang tumatakbo at hinahanap siya.

Napahinto ako, tila may pumigil sa sa aking pagtakbo. Isang mala-anghel na boses ang bumulong sa akin. Napapikit ako habang pinakikinggan ang mga salitang binibigkas ng isang dalaga na alam kong boses niya. Nakangiti akong naluha nang marinig ang binigkas niya.

"Palagi lang akong nandito. Hindi mo man ako nakikita ngayon, ngunit maniwala ka, palagi mo akong kasama. Kung ako ang tatanungin, gugustuhin kong makita ka sa bawat segundong lilipas habang hawak ko ang iyong kamay. Hihintayin kita, aabangan ko ang panahon ng muli nating pagkikita," malumanay niyang wika sa akin na sinundan ng biglaang pagbalik ng paligid sa normal.

Bahagya akong nahilo nang mawala ang boses na bumulong sa akin. Nawawalan na ako ng balanse nang biglang may isang matandang babae na humawak sa aking mga kamay. "Hijo, ayos ka lang ba? Parang matutumba ka na, lumilim ka, mainit dito lalo na't wala kang dalang payong," nag-aalala niyang sabi sa akin habang tinutulungan akong pumunta sa malilim na bahagi ng tila isang parkeng lugar na ito.

"Salamat po. Hindi niyo naman na po ako kailangang akayin papunta rito," nahihiya kong sabi at saka napayuko nang bahagya.

"Nako, ano ka ba, hijo, ayos lang iyon. Basta kapag nagkaroon ka ng nobya, ingatan mo siya at mahalin mo nang higit pa sa sarili mo," biglang pag-iiba niya sa usapan sabay ngiti sa akin. Napangiti na lang din ako sa kaniya. "O, maiwan na kita, ha?" dagdag niya sabay haplos sa aking ulo.

Naisip kong bigyan ng biscuit si Lola bago siya umalis kaya binuksan ko ang aking bag. Pero pagharap ko sa kaniya, wala na siya. Nagtaka ako dahil dito kaya sinubukan kong tumakbo para hanapin siya, pero hindi ko na siya nakita. Hilong-hilo na ako dahil sa sobrang init ng sikat ng araw kaya tumakbo ako pabalik sa lilim. Nakakapagtaka dahil kanina naman ay hindi ko ramdam ang init. Mga ilang hakbang bago makarating sa lilim, tuluyan na akong bumagsak na kasabay naman ng paggising ko mula sa isang magulong panaginip.

"Pucha!" sigaw si Jiovanni nang bigla akong bumalikwas. "Ano ba'ng nangyayari sa 'yo? Kailan ka ba gigising nang payapa?" pagpapatuloy niya habang tinatapik ang kaniyang dibdib. Napaka-dramatic naman ng taong ito.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now