17

14 6 0
                                    

THE PURPOSIVE WALK AWAY

LUMINGON ako pabalik sa kuwarto pero ni anino ng kahit sino ay wala akong nakita. Pumasok pa ako sa loob pero wala talagang kahit sino roon kaya naman dumeretso na ako sa pagbaba. Kasalukuyan akong nasa hagdan nang biglang mag-ring ang cell phone ko.

"Oh, nasaan kayo?" tanong ni Jiovanni.

"Teka lang, pabalik na kami." Nagmadali ako at hinabol ang tila nakikipaghabulang si Allestair.

"Saan kayo nanggaling?" tanong ni Jiovanni nang matanaw na ako.

Nakarating na sa kinatatayuan nina Jiovanni si Allestair habang ako naman ay kalalabas lang ng pintuan. Nakita ko kaagad ang ale na yakap-yakap si Allestair. Umiiyak siya at halos hindi na makapagsalita habang niyayakap si Allestair. Deretso lang akong naglakad palapit sa kanila, at sa puntong iyon ko na-realize na baka siya... ang nanay ni Allestair.

Binigyan namin ng oras ang mag-ina. Hindi na namin sila pinanood na mag-usap. Lumapit sa akin si Jiovanni at pumasok na lang kami sa kotse.

Humahagulhol ang ina ni Allestair samantalang si Allestair naman ay nanatiling malamig at nakatayo lamang habang niyayakap siya ng kaniyang ina. Hindi niya ito niyakap pabalik pero kitang-kita sa mga mata niya ang luhang patuloy lang sa pagbuhos.

"Nahanap na niya ang pamilya niya," malungkot na sabi ni Jiovanni habang nagpupunas ng luha.

"Bakit umiiyak ka?" tanong ko.

"Mawawalan na naman tayo ng kasama, ng kaibigan."

"Bakit? Namatay ba si Railey no'ng umalis tayo? Mamamatay ba si Allestair?" tatawa-tawang balik ko habang pinanonood siya.

Hindi nagtagal, sumakay rin ng sasakyan si Allestair. Tahimik lang siya at walang kibo. Nakita ko ang naiwan niyang ina sa labas kaya lumapit ako rito.

"Babalik na lang po kami sa mga susunod na araw. Tatanungin na lang po namin siya kung kailan po niya gustong makipagkita sa inyo, pati na rin po sa tatay niya," malumanay kong sabi rito.

Tumango naman ang ale sa akin at iniabot ang isang pendant ng kuwintas na bitak. Hindi ko lubos mawari kung ano iyon pero hugis L kung pagmamasdang mabuti.

"Hanapin niyo ang kakambal niya, siya lang ang gusto niyang makasama. Tatanggapin namin kung ayaw na niya sa amin. Naging masama kaming magulang at alam naming hindi madali ang patawarin kami," bilin ng nanay ni Allestair.

Inihatid ko siya sa kanilang bahay hanggang sa kuwarto nina Allestair sa ikalawang palapag. Aayusin na raw niya ang kuwarto nina Allestair dahil naniniwala siya na balang-araw ay babalik sila sa dati. Dumeretso agad ang ale sa mga cabinet na nasa kabilang kuwarto. Kinuha niya ang mga punda ng unan at mga kumot na kaniyang lalabhan.

"Tulungan ko na po kayo," nag-alok ako ng tulong.

"Hindi na, hijo, ako na. Baka may lakad pa kayong magkakaibigan, unahin niyo na 'yon," pagtanggi niya sabay pigil sa mga kamay ko sa pagkuha ng mga kumot. "Saka may sugat ka pa, oh. Baka mabinat pa iyan."

Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin ako. Nang makalabas ng kanilang bahay, biglang may kumalabog at bumagsak mula sa ikalawang palapag ng bahay. Inakala ko na bumagsak ang mga kahon na buhat-buhat ng nanay ni Allestair. Tama nga ang aking hinala, ang mga kahon nga ang bumagsak pero kasama ang nanay ni Allestair. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang nakahandusay na katawan nito. Napatingin ako kina Jiovanni saka tumakbo pabalik sa loob ng bahay. Paglapit ko sa kaniya, bumungad sa akin ang maraming dugo mula sa kaniyang ulo.

Agad namang dumating sina Jiovanni at Allestair. Lumapit pang lalo si Allestair at nakita niya ang duguan niyang ina. Napatingin siya sa akin at nasilayan ko ang lumuluha niyang mga mata. Hindi siya nagdalawang-isip na buhatin ang kaniyang ina. Kumuha naman ako ng isang punda ng unan at itinakip ito sa dumudugong bahagi ng kaniyang ulo. Dali-dali kaming sumakay ng kotse upang isugod sa ospital ang nanay ni Allestair.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now