07

16 4 0
                                    

FAREWELL, MY FRIEND

"ALAM mo ba? Favorite nila si Jullian, at ako naman, parang hindi nila itinuturing na anak. Siyempre, panganay ako. Ako ang dapat mag-adjust. Pero hindi ko naman sila sinisisi kung bakit mahirap lang kami. Ang hirap lang kasi ng sitwasyon ko. Bakit kailangan ko pang maramdaman na parang hindi ako parte ng pamilya?" Napayuko si Railey habang hawak niya ang panyo ko.

"Hindi ako humingi ng kahit ano mula sa kanila, pero para sa kanila, ako ang dahilan kung bakit kami naghihirap ngayon. Noong limang taon pa lang ako, sa private school ako nag-aral. Tita ko ang nag-sponsor ng tuition fee ko at sagot niya lahat. Ang kailangan ko lang gawin ay mag-aral. Pero dahil sa katangahan ko, naitulak ko ang anak niya habang naghahabulan kami. Sa dinami-rami ng puwedeng mangyari, 'yon pa... 'tapos sa pinsan ko pa. Malas, 'di ba? Sobrang bait ng tita ko sa amin, kaya gano'n na lang ang hiya ng mga magulang ko sa kaniya dahil sa nangyari." Natawa siya.

"Hanggang ngayon, si Tita pa rin ang sumasagot sa lahat ng gastusin para sa pag-aaral ng gaga niyang pamangkin-ganiyan siya kabait. Lalagpas na yata siya sa langit sa sobrang buti niya. Nagkasundo sila dati ng mga magulang ko na kahit mayaman na si Tita at hindi siya nagde-demand tumanggap ng bayad kapalit ng kasalanan ko, pinilit pa rin nila. Kaya ayon, every month ay nagbibigay sila ng isang libo sa personal assistant ni Tita. Pangkain na lang namin, ibibigay pa nila. 'Yan siguro ang dahilan kung bakit galit sila sa 'kin, habambuhay naming utang kay Tita 'yon," tuloy-tuloy na pagkukuwento niya sa 'kin habang nakahiga siya sa kama, ako naman ay nakaupo sa sofa.

"Utang?" napatingin ako sa kaniya.

"Dahil sa nagawa ko sa anak niya," sagot niya, sabay punas ng luha niya.

Bakit naman? "Paano naman naging habambuhay na utang niyo 'yon sa Tita mo?" tanong ko dahil hindi ko mapigilan ang kyuryosidad ko.

"Namatay 'yong pinsan ko..." Nakatulala lang siya at nakatitig sa kisame habang patuloy sa pagluha. "Napatay ko siy-"

Pinigilan ko na siya sa kaniyang sasabihin. "No, you didn't. Aksidente naman 'yon, 'di ba?" Tumingin lang ako sa kaniya at hinintay ang kaniyang isasagot.

"Mauutusan ko pa ba ang sarili ko na isiping hindi ko naman talaga kasalanan 'yon? Siyempre, hindi. Sabihin na nating aksidente lang talaga 'yon, hindi sinasadya, pero ako pa rin ang nakatulak sa kaniya. Ako pa rin ang dahilan kung bakit nangyari sa kaniya 'yon.

"Ito namang karma, parang kay Jullian pa yata ibinigay, hindi sa 'kin. Pati ang sakit niya, isinisisi ng mga magulang ko sa 'kin dahil baka raw 'yon ang kapalit ng buhay ng pinsan ko. Kaya hindi ako nagalit sa 'yo no'ng sinabi mo na nakita mong... may mangyayaring masama kay Jullian. Sinubukan kong tumayo sa posisyon ni Tita no'ng naaksidente ang anak niya nang dahil sa 'kin. Na-realize ko na, 'Oo nga, 'no? Hindi ko sinadya 'yon.' At mas lalong hindi mo kasalanan kung nakita mong may maaaring mangyaring masama sa kapatid ko. Blessing in disguise pa nga 'yon, eh. At least, naalarma ako na may parating na problema, 'di ba? Kaya okay lang 'yan, 'wag mong isisi sa sarili mo ang dahilan kung bakit nasa ospital si Jullian ngayon, at kung bakit niyo ako kailangan ihatid doon mamaya. Alam ko kasi ang pakiramdam ng taong sinisisi dahil sa isang bagay na hindi sadya o hindi siya ang may kasalanan." Tumalikod siya sa 'kin at niyakap ang unan habang umiiyak.

Kumaripas ng takbo ang tatay ni Railey sa pasilyo ng ospital para humingi ng tulong. Napaupo naman si Jiovanni sa tabi ko at saka napayuko, nakasapo sa kaniyang noo. Lahat kami ay nagulat sa nangyari. Nakatayo kaming lahat habang hinihintay ang mga nurse at doktor. Wala rin naman kaming magagawa kun'di ang hintayin sila dahil sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon. Ang nanay ni Railey ay naririnig kong umiiyak mula sa loob ng kuwarto.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now