04

36 6 0
                                    

WHERE TO GO?

KASABAY ng aming pagdating sa lugar na ito ang biglaang pagbuhos ng malakas na ulan-tila ba pagsimpatiya ng kalangitan sa aming kalungkutan.

Habang nakayakap sa aking braso, tulog-mantika pa rin si Railey kahit sobrang lamig sa loob ng bus dala ng malakas na ulan at ng aircon. Parang hindi siya giniginaw at nakararamdam ng lamig. Ilang sandali na lang ay nasa terminal na kami kaya pinilit ko na siyang gisingin.

"Nandito na tayo, gumising ka na," bulong ko sa kaniya. Walang epekto ang panggigising ko sa kaniya kaya pinitik ko na ang ilong niya. Effective naman.

"Aray, ano 'yon?!" tanong niya nang biglang magising, nakahawak sa kaniyang ilong.

"Ang ganda sa labas, oh, tingnan mo." Itinuro ko ang terminal.

Tumanaw naman siya at nauntog pa sa bintana. Pagkatapos n'on, pumarada na rin ang bus. Pagkababa namin ay mabilis kaming tumakbo dahil sobrang lakas ng ulan.

"Ano ba 'yan! Parang kahapon lang ang init-init 'tapos ngayon, sobrang lakas ng ulan. Paiba-iba, ha?" reklamo niya habang kasabay ko sa pagtakbo.

"Nagreklamo ka pa, ikaw na nga itong gumagamit ng payong ko, eh," sumbat ko.

"Ang ganda ng welcome sa atin ng Bulacan," sarkastiko niyang sabi nang makasilong kami.

Nakatayo lang ako sa waiting area dito sa terminal dahil giniginaw na ako. Nabasa kasi ang damit ko, pero ayaw ko namang maghubad dito dahil mas maginaw kung gagawin ko 'yon.

Kasalukuyan naming pinagmamasdan ang patuloy na pagbuhos ng ulan nang bigla akong nakaamoy ng kape. Napapikit ako at nilanghap pa ang aroma, pero napadilat nang bigla akong tapikin ni Railey sa balikat.

"May vendo machine do'n. 'Di ba, mahilig ka sa kape?" wika niya habang itinuturo ang machine gamit ang nguso.

"Ayoko muna, tinatamad akong magkape," tugon ko habang nakayakap sa aking sarili sa sobrang lamig. Stranded kami sa terminal at walang ibang magagawa kung hindi ang tumunganga at magkuwentuhan dahil hindi pa makabiyahe ang ibang sasakyan sa sobrang lakas ng ulan.

Umalis ako sa tabi ni Railey at naglakad-lakad sa paligid. Iniwan ko siyang nagce-cell phone at parang may ka-text. Mukhang may lovelife na. Maya-maya lang ay natanaw ko siya mula sa aking kinatatayuan habang may kausap na sa cell phone. Nag-earphones pa talaga siya para hindi ko marinig ang kausap niya kahit ang layo-layo ko naman sa kaniya. Sayang-saya siya at napapapalakpak pa habang tumatawa.

"Sa'n ka ba nanggaling?" tanong niya sa sa 'kin pagbalik ko. Itinuro ko naman ang aking pinanggalingan.

"Bakit amoy... kape?" tanong niya habang nakatingin sa akin nang masama dahil nakita niya'yong vendo machine sa direksiyon kung saan ako nanggaling. "Sabi mo hindi ka magkakape!?"

"'Eto na nga, binilhan na kita," wika ko habang iniaabot sa kaniya ang mainit na kape.

Agad naman niya itong tinanggap, tuwang-tuwa. "Sabi ko na nga ba't hindi mo ako matitiis," tugon niya habang inaamoy-amoy ang kape.

Napatingin ako sa kaniya nang masama dahil sa sinabi niya. "Anong hindi kita matitiis? Binilhan lang kita niyan kasi parang masyado kang busy sa pakikipag-usap sa boyfriend mo. Sayang-saya ka, gumaganito-ganito ka pa," tuloy-tuloy kong sabi sa kaniya habang ginagaya ang hand gestures niya kanina.

"Kielvinson! Nakakainis ka, para kang tanga!" maarte niyang sabi habang sitting pretty sa upuan. Malapit ko nang sipain ang paa ng monoblock na inuupuan mo, Railey.

"Hindi nga, seryoso na. Boyfriend mo?" seryoso kong tanong bago humigop ng kape.

Napakamot naman siya ng ulo. "Hmm..." Mukhang nag-iisip siya at bigla siyang napangiti.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now