24

7 3 0
                                    

TRUTH AND CONFUSION

GINULO ko ang aking buhok. Narito ako ngayon sa bayan at seryoso lang na binabaybay ang kahabaan nitong gilid ng kalsada. Kailangan kong makahanap ng ATM. Kung ano-ano na ang pumapasok sa isip ko at isa na 'yong nangyari kanina sa labas ng laundry shop. Hindi na ako babalik doon. Nalaglag ba naman ang brief ko!

"Sa'n ka, pogi!?" pasigaw na alok ng tricycle driver na napadaan.

Napalingon ako sa lakas ng boses niya. "Hindi po, malapit lang po ang pupuntahan ko," sabi ko na lang, kahit na ang totoo ay hindi ko talaga alam kung sa'n ako papunta.

Sa kalagitnaan ng paglalakad ko ay biglang may bumulong sa akin. Boses na naman ng babaeng naririnig ko.

'Nandito lang ako...'

***

BUMALIK na lang ako sa 7-Eleven kung saan ako unang tumambay nang dumating ako rito kahapon. Hindi na ako tumuloy na mag-withdraw ng pera. Sapat na ang mga nagamit ko. Ayaw ko nang umasa nang umasa sa pinaghirapan nina Mommy. Kahit palagi nilang sinasabi na lahat ng iyon ay para naman talaga sa akin, nahihiya pa rin ako sa kanila.

Kung sakali mang magkulang ang fifteen thousand na narito sa akin ngayon, na alam kong hindi ko naman mauubos agad, maghahanap na lang ako ng paraan para kumita-sa legal na paraan. Kaya lang naman kami gumastos nang malaki ay dahil palipat-lipat kami ng hotel at inn. Kung saan-saan kami napadpad nina Jiovanni kaya imposible namang hindi mapagastos.

Kasalukuyan akong nakaupo rito sa loob at nalalanghap ko ang aroma ng kape na binili ko. Mabuti na lang at mayro'ng hot coffee rito, saktong-sakto kung sakaling biglang umulan. Pansin kong madilim ngayon at makulimlim. Kanina nga lang ay umaambon, kaya mamasa-masa nang kaunti ang hoodie ko. Good choice din na bag ni Daddy ang gamitin ko dahil kung hindi, malamang ay mamasa-masa rin ang mga malinis kong damit.

Tinitingnan ko ang mga Facebook account nina Railey, Jiovanni, at Allestair, para naman kahit sa paraang ito ay magkaroon ako ng update sa kanila. Si Railey, may post na picture nilang dalawa ng boyfriend niya. Nasa hallway sila ng school at magkahawak ang kanilang mga kamay. Napaka-sweet. Mayroon ding picture ng kamay ni Jullian at may caption na 'Stay strong kapatid!'.

Si Jiovanni naman, may post na picture nilang dalawa ng kaniyang lola habang nasa isang fast-food restaurant. Kasalukuyan silang kumakain, at kitang-kita ko sa ngiti ng lola niya na masaya siya kasama ang kaniyang apo.

Huli kong nakita ang kay Allestair na picture naman niya, ng tatay niya, at ng kaniyang nanay. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang litratong iyon dahil hindi ko lubos akalain na ang dating sirang pamilya, ngayon ay nabubuo na. Masaya ako dahil kahit sa maliit na paraan at sa maikling panahon ay nakasama ko sila. Naging daan kami ni Jiovanni upang maayos ang kanilang problema.

Nalipat ang atensiyon ko sa itaas na bahagi ng screen ng cell phone ko nang biglang may notification akong natanggap galing sa Messenger. Nag-chat si Celeine.

From Celeine:

Hoy, lalaki! Nandito na ako sa Bataan, umuwi ako! Mabuti na lang at

pumayag ang mga kabanda ko, pati ang boss ko sa coffee shop. Sa'n ka ngayon? Salubungin mo 'ko sa terminal, pababa na ako ng bus.

Hindi ko na siya ni-reply-an dahil natanaw ko na sa labas ang bus na tinutukoy niya. Kararating lang nito at paparada pa lang.

From: Me

Nakasakay ka ba sa bus na kapaparada lang sa terminal?

From: Celeine

Oo, bakit ba? Nasa'n ka ba?

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now