18

8 5 0
                                    

WOUNDED HEART

"ANO'NG sinabi mo, hijo?" agad na tanong ng tatay ni Allestair at hinawakan ang balikat ko. "Alam mo kung nasaan ang anak kong si Allestair?" pag-ulit pa niya sa tanong habang ramdam ko ang nanginginig niyang kamay nang ibaba naman niya ito sa aking braso.

Tumango ako. "Opo, kilala ko po siya, at alam ko kung nasaan siya ngayon."

Agad kong nabakas sa mukha niya ang labis na kasiyahan at pananabik na makita ang anak. "Kung gano'n, halika na't puntahan natin siya," nagmamadali niyang sabi sa akin habang hinihila ang aking kamay.

"Sandali lang po," pagpigil ko sa kaniya nang bigla mag-ring ang cell phone ko. Tumatawag si Jiovanni. "Hello?"

"Bumalik ka na rito sa ospital. Sa'n ka nagpunta?" malumanay niyang wika sa akin.

Nalaman na niya na umalis ako. "Sige, pabalik na rin kami," sagot ko.

"Kami? May kasama ka?" tanong niya.

Hindi na ako sumagot at pinutol na ang tawag. Sumakay kami sa tricycle papuntang ospital. Nagmamadali ang tatay ni Allestair na bumaba paghinto namin sa paradahan ng ospital. Halos makipagkarera na siya sa tricycle habang nasa daan kami.

"Bakit nandito si Allestair? May nangyari ba sa kaniya?" mausisa niyang tanong habang nagmamadali sa paglakad.

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya ang nangyari.

"Wala pong nangyari kay Allestair," maikli kong sagot sa tanong niya. Hindi naman na siya nagtanong ulit.

Ayon sa text message ni Jiovanni, nasa room 57 sila. Pagpasok namin sa kuwarto, napahinto pa ang tatay ni Allestair nang makita ang masama at mabuting balita.

"Ano'ng nangyari?" nagugulumihan niyang tanong at saka dinaluhan ang asawa.

Na-comatose ang nanay ni Allestair dahil ang ulo nito ang labis na naapektuhan sa pagkakahulog mula sa hagdan. Hindi naman kumikibo si Allestair kahit alam niyang nasa harapan na niya ang kaniyang tatay, na walang ibang ipinaramdam sa kaniya noon kundi sakit at hirap.

"Anak?" sambit ng kaniyang tatay habang nakatingin sa kaniya.

Ni paglingon sa kaniyang tatay ay hindi niya ginawa, pero kitang-kita ang luhang tumutulo mula sa mga mata niya.

"Anak?" muling sambit ng kaniyang tatay.

Napangisi si Allestair nang may pagkasarkastiko. "Bakit nandito ka? Ano'ng gagawin mo rito? Sasaktan na naman ako?" Galit niyang pinunasan ang kaniyang luha.

Lumapit sa kaniya ang tatay niya at lumuhod. "Anak, patawarin mo si Tatay," malungkot niyang sabi kay Allestair sabay hawak sa kamay ng anak, nagmamakaawa at humihingi ng tawad sa anak.

"Huwag mo nga akong hawakan!" sigaw ni Allestair habang humihikbi, saka binawi ang kaniyang mga kamay. "Nakalimutan mo na ba ang mga ginawa mo sa amin ni Kuya? Sobrang sakit ng ipinaranas mo sa amin. Pagmamahal lang naman ang gusto namin..." Napahinto siya dahil sa sobrang kalungkutan at pagluha. "Pero parusa ang ibinigay niyo!"

Tuluyan nang humagulhol si Allestair. Bumalik sa kaniya ang lahat ng bagay na nagdulot ng puot, galit, hinagpis, at sugat sa kaniyang puso. Halos hindi na siya makapagsalita nang maayos dahil sa kaniyang pag-iyak.

"Ilang taon akong nagtiis. Ilang taon akong naghirap. Ilang taon akong nakulong sa sakit at kalungkutan pero hindi niyo man lang naisip na mali ang saktan ang sarili niyong mga anak. Sana pinatay niyo na lang ako, para hindi ko na maramdaman ulit ang sakit na ipinaranas niyo sa akin noon. Sana hindi ko kayo naging pamilya. Sana hindi ko kayo naging magulang. Siguro kung nag-isip kayo at nalaman niyong mali kayo, baka kasama ko ngayon si Kuya." Sarkastiko siyang natawa nang bahagya.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now