29

7 4 0
                                    

THE WANDERING WONDERER

"HIJO?"

Napapitlag ako sa gulat nang maramdaman kong may humawak sa aking kamay. Paglingon ko ay tumambad sa akin ang isang matandang babae na katabi ko rito sa upuan ng simbahan. Inilibot ko ang tingin ko at napagtanto kong narito ako sa Quiapo Church. Pero... nasa Intramuros ako, 'di ba?

"Kanina ka pa nakatulala riyan, hijo. Baka kung ano na ang nangyayari sa 'yo, kaya inistorbo na kita, ha?" sabi ng matanda sa akin, saka siya lumuhod at nagdasal.

Kunot-noo kong inilibot muli ang aking tingin dito sa loob ng simbahan. Umaga ngayon at hindi gabi. Ibig sabihin imahinasyon ko lang ang pagkikita naming iyon?

Napahawak ako sa magkabila kong sentido at saka inalala ang mga nangyari... sa imahinasyong iyon. Ang lugar sa imahinasyon na 'yon at ang lugar sa aking imahinasyon kung saan ko siya unang nakita ay parehong-pareho. Maging ang suot niya ay ganoon din. Hindi kaya senyales iyon na malapit na talaga kaming magkita? At ang imahinasyon na iyon ay ang pahiwatig kung nasaan siya at kung saan kami magkikita.

Noong unang beses ko siyang nakita sa imahinasyon ko, hindi ko maalala ang pangalan ng lugar, o kahit ang pangalan niya. Ang nag-iisang bagay na natandaan ko mula sa imahinasyon kong iyon ay historic ang lugar na 'yon. Pero ngayon, natatandaan ko na ang kaniyang pangalan. Nagpakilala siya. Blythe Gonzales. Pero iyon ang pangalang gawa-gawa ko para sa kaniya dahil hindi pa naman kami nagkikita. Pinaasa na naman ako ng mapaglaro kong isip.

Natawa na lang ako sa sarili ko habang napapailing. Pagkatapos ay lumingon ako sa likuran at nakita kong nasa dulong upuan pala kami. Binuksan ko agad ang bag ko at tiningnan kung naroon pa ba ang picture frame ng pamilya nina Levi at Allestair dahil sa pagkakatanda ko ay nanggaling ako sa bus terminal kasama si Levi at ibinigay ko iyon sa kaniya. Nang mahalungkat ko ang mga gamit sa loob ng bag, wala na ang picture frame sa loob nito. Ibig sabihin, dito ako dumeretso pagkagaling ko ng terminal saka ko binuo ang imahinasyong nagkita na kami ni Blythe.

Akma na akong tatayo nang makita kong natapos nang magdasal ang matanda. Nakangiti siya at kitang-kita ko kung gaano katibay ang pananampalataya niya sa Panginoon. Nahawa ako sa kaniya at napangiti na lang din.

"'La," pagtawag ko sa kaniya. "Gaano po ako katagal nakatulala kanina?" tanong ko.

Bahagyang itinagilid ng matanda ang kaniyang ulo, nag-iisip. "Siguro'y mga limang minuto, hijo," nakangiti niyang sagot.

Ngumiti akong muli at nagpaalam na sa kaniya. Nang makatayo ako, hinawakan niyang bigla ang aking kamay para pigilan ako. "Minsan sa buhay, kailangan mong labanan ang iniuutos ng iyong isip. Mas matimbang ang isinisigaw ng puso. Iyon ang sundin mo kung sakali mang maligaw ka ng landas at kung hindi mo na alam kung saan dapat ihakbang ang mga paang iyan." Nilingon niya ang mga paa ko at saka tinapik ang aking braso. "Mahahanap mo siya," pagpapatuloy niya bago ako nagpatuloy sa paglalakad. "Sundin mo lang ang itinitibok nito," pahabol niya kaya napalingon ako. Nakahawak siya sa kaniyang dibdib na katapat ng puso.

Bahagya kong iniyuko ang ulo ko saka ako ngumiti bilang tanda ng aking paggalang at pasasalamat sa kaniya. Nang maglakad na ako palabas ng simbahan ay tinanaw kong muli ang matanda, ngunit wala na siya ro'n sa puwesto namin kanina. Napangiti na lang ako. Nasanay na ako na makipag-usap sa mga taong bigla-bigla na lang naglalaho.

Nagpasya akong pumunta sa kainan. Nahihilo na ako nang bahagya, siguro ay dahil sa gutom. Kahit saan naman ako lumingon ay mayroon akong nakikitang kainan-mapa-restaurant o karinderya man. Pinili kong kumain sa isang karinderya dahil mas mabilis ang paghahanda ng pagkain doon. Hindi rin naman maiiba ang kabusugan ko kapag doon ako kumain dahil masarap naman ang mga putaheng pamimilian.

The Night We Met in IntramurosWhere stories live. Discover now