05

21 6 0
                                    

WHAT TO DO?

NAGISING na lang ako habang pinagpapawisan nang sobra. Alam kong gising na si Jiovanni dahil wala na siya sa kama at tanaw ko rin na nakasindi ang ilaw sa banyo. Bago ako bumangon ay kinuha ko muna ang cell phone ko na nalaglag sa sahig. Tiningnan ko ang oras, mukhang hindi pa sumisikat ang araw. Hindi na muna ako bumangon, humilata pa ako sa sofa.

Maganda naman itong hotel room na nakuha ko-hindi masyadong malaki, hindi rin gaanong maliit. Sakto lang sa 'ming dalawa ni Jiovanni. Sa tabi ng sofa na hinihigaan ko ay mayro'ng hourglass na nakalagay sa maliit na lamesa.

Makalipas ang ilang nakababagot na minuto, bumangon na ako at nagtungo sa banyo pagkatapos ni Jiovanni. Napailing na lang ako nang i-flush ko ang ihi niya sa bowl. Dugyot.

Pagkatapos kong magsipilyo ay naghilamos naman ako. May tumubo pimple sa gawing ilong ko. Ang sakit, nasagi ko. Sigurado akong papansinin ito ni Railey mamaya.

Pagkatapos kong mag-toothbrush at maghilamos, umupo ulit ako sa sofa at nag-ayos ng mga gamit ko na nakalagay sa bag. Kailangan kong mag-ayos ng mga damit ko, hindi na magkakasya kapag ganito kagulo. Kailangan ko ring magpa-laundry sa susunod na araw. Bilin ni Mommy na huwag kong isusuot ang mga bagong damit hangga't hindi pa nalalabhan, mangangati raw ang katawan ko. Is that even true?

"Mauubusan ka ba ng damit? 'Dami niyan," bati ni Jiovanni sa mga damit ko na nakalapag sa sahig. Ibinato ko naman sa kaniya ang dalawang sando na binili ko para sa kaniya. "Naks, galante," aniya nang masalo ang mga damit. "Bugok, bakit naman mukha pa ng unggoy ang napili mong design?!"

Bagay lang naman, ah?

Wala siyang nagawa kung hindi tanggapin ang damit. Pabiro siyang umamba ng sipa pero tumama ang mga daliri ng paa niya sa paa ng lamesita. Agad siyang natumba dahil sa sakit. Namimilipit siya habang hawak ang namumulang mga daliri sa paa.

"Wheelchair?" tatawa-tawang alok ko habang pinanonood siyang namimilipit.

Nang maka-recover, humilata siya sa kama at inilaylay ang kaniyang mga paa. Nang maitupi ko ang ikatlong damit ay narinig ko na ang boses ni Railey. Kahit nasa hallway ay nagagawa pa rin niyang mag-ingay. Hindi kaya ireklamo kami ng mga tao rito?

"Wala na, nandiyan na 'yong maingay," dismayadong sabi agad ni Jiovanni.

"What's the meaning of this? Bakit may packing na nagaganap dito? Saan kayo pupunta? Lalayas kayo? Sige, umalis na kayo! Charot, ano'ng ganap? Bakit nag-eempake ka?" sunod-sunod niyang tanong pagkapasok na pagkapasok sa kuwarto.

Pag-upo ni Railey sa tabi ko, agad kong napansin na medyo malaki ang eyebags niya at medyo nangingitim pa, mukhang nakagat ng insekto. Napigilan ko naman ang sarili ko na matawa pero alam kong nahalata niya. Umirap siya saka lumingon kay Jiovanni, dahilan para tumawa nang malakas itong isang mapang-asar din.

"Ba't ganiyan ang mata mo?" tanong ni Jiovanni habang nakaturo sa mata ni Railey, tumatawa. "Parang nakikagat lahat ng insekto," dugtong pa niya at saka humalakhak.

"Talaga ba?" sagot naman nitong isa saka tumalon at dinaganan si Jiovanni.

"Mukha kang napuyat na panda," reklamo ni Jiovanni, patuloy lang sa pagtawa kahit hinahampas siya ni Railey.

Wala akong balak pigilan sila. Kahit mag-wrestling o magsuntukan pa sila, hindi ako makikialam. Trip nila 'yan. Pero nagtaka na lang ako nang bigla silang tumigil. "Oh, ba't tumigil agad kayo?" Tumingin ako sa kanilang dalawa nang seryoso.

"Hoy!" Ito na nga ba ang sinasabi ko kanina, nakita na niya. Kumaripas agad ng takbo si Railey palapit sa akin. Halos hindi na nga siya tumingin sa sahig habang pababa ng kama. "Sa'n mo nakuha 'yan?" Hindi ko alam kung nagtatanong ba siya o nang-iinsulto na.

The Night We Met in IntramurosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon