KABANATA 1

151 6 10
                                    

KABANATA 1

“Thank you, madam. Let's give our principal a big hand.”

Agad naman nagpalakpakan ang mga estudyante dahil sa sinabing iyon ng emcee. Katatapos lang magbigay ng speech ng principal sa stage. Ilang sandali pa ay nagsalita ang isang guro para sa rules and regulations ng paaralan.

Maalinsangan ang paligid. Panay ang pahid ni Ryma sa kaniyang pawis sa leeg. Hindi niya pa nadala ang ipit niya kaya nakalugay ang buhok niya. Hindi niya inasahan ang init na naramdaman niya sa unang araw pa lang niya sa Tondo.

Idagdag pa ang napakaraming estudyante sa loob ng covered court. Hindi siya sanay sa ganoon. Public school lang din naman ang pinasukan niya noon sa isla pero hindi ganoon karami ang estudyante at maliit lang ang school. Hindi katulad sa paaralan niya ngayon, kabi-kabila ang building at may malaking covered court pa. Hindi na siya nagtaka nang malamang half day ang mga klase sa dami ng estudyante. Mabuti na lang ay pang-umaga ang schedule niya dahil mas gumagana ang utak niya kapag mga ganoong oras. Napaisip pa nga siya kung may matutuhan kaya siya gayong hindi ten hours ang gugulin sa school. 

Unang tapak niya sa Tondo, halos magbunganga na siya sa iritasyon. Kahit saan siya magpunta, iba ang hanging nalalanghap niya. Ang ingay ng tambutso ng mga sasakyan. Nagkalat ang mga basura sa kalsada. Takot siya sa mga daga at ipis kaya nang bago pa lang siya sa lugar, lagi na lang siyang napapatalon at napapairit kapag may dumadaan sa harap niya. Napapatingin sa kaniya ang mga tao dahil sa reaksiyon niyang ganoon. Para naman kasing sanay na ang mga ito. Kaya sinanay niya na lang din ang sarili niya. Ilang buwan na siya sa Maynila kaya nawala na rin ang takot niya.

Totoo pala iyon? Face your fears.

Akala niya ay habang buhay na siya sa isla pero maraming nagbago sa buhay niya. Grade 9 na siya ngayon at hindi niya akalaing ganoong kabilis ang pagbabago. Sariwa pa sa kaniya ang kaniyang masayang pamilya at maginhawang buhay pero biglang nawala iyon sa kaniya. 

Umalis ang tatay niya para mangibang bansa pero kalaunan ay nagkaroon ng kabit. Nagsusustento pa rin naman ito. Sumunod naman ang kaniyang mama na nagkaroon ng boyfriend. Hindi alam ng papa niyang kasama sa bahay ang lalaking iyon dahil baka malamang palamunin nito ang kabit ng kaniyang ina. Sira man ang relasyon ng mga magulang niya, ayaw pa rin ng papa niyang may makihati pang iba sa sustento nito sa pamilya. Idagdag pa ang paghihirap ng pamilya niya. Nawala ang mga layaw niya at napilitan siyang magtiis. Masaya naman siya dati pero ang buhay niya, puno nang panloloko at kasinungalingan. Nakatanggap siya ng mga panghuhusga lalo na sa mga taong nakakikilala sa kaniya.

Kaya nang lumipat ang pamilya niya sa Maynila, umasa siyang magkaroon ng bagong simula. Walang nakaaalam kung anong mayroong pamilya mayroon siya kaya kukunin niya ang pagkakataong iyon. Kahit sa paaralan lang, gusto niyang maging masaya.

“Boys, cut your hair. Make it two by three kung ayaw ninyong may kutab ang mga ulo ninyo sa first day of school.”

Napalingon si Ryma sa likod niya nang marinig ang reklamo ng ilang mga lalaking estudyante. Tiyak na mga kasing-grade niya ang mga iyon dahil nakapila ang lahat ng mga mag-aaral base sa grade level. 

Nasa bandang unahan siya ng pila kahit matangkad siya dahil tinulak siya ng mga babaeng mapupula ang mga labi kanina. Gusto niya sanang magreklamo sa kagaspangan ng ugali ng mga iyon pero nang makitang sa linya ng Grade 7 pumila ang mga iyon, pinabayaan niya na lang. Masyadong bata ang mga iyon para patulan.

“Girls, ang mga palda ninyo. Lagpas tuhod dapat. Ang mga make-up ninyo, pakitanggal. Please lang. Mga estudyante kayo. Mas mukha pa kayong teacher kaysa amin.”

“Ma’am, baka kasi mas gusto nilang sila na lang ang magturo!” sigaw ng isang binata na nasa hanay ng Grade 10 students.

Nagtawanan ang mga estudyante lalo na ang mga lalaki. Napailing na lang siya. Simpleng rules and regulations, hindi sineryoso. Ayaw na ayaw niya talaga sa mga pasaway.

Tumingin ang teacher sa gawi ng lalaking sumigaw. “Sige, gusto mo, ikaw dito? Palit tayo.”

Umugong ang mga panunukso ng mga estudyante. Tiyak na napahiya ang lalaki pero parang balewala lang iyon dito. Kung kay Ryma nangyari iyon, isang buwan niyang damdamin ang pagkapahiya.

“Reminder pa! Lagi dapat naka-ponytail ang mga babae para malinis tingnan. Pakitanggal na rin ang mga kulay ninyo sa buhok.”

Walang ganoong patakaran sa school niya noon pero wala namang kaso kay Ryma kung laging ponytail dahil bukod sa kulot ang buhok niya, sagabal din iyon kapag nag-aaral. Sadyang nakalimutan niya lang ang ipit niya. Wala rin naman siyang kulay sa buhok.

Orientation pa lang naman kaya hindi pa siya naka-uniform. Next week pa required magsuot ng uniform at laking-pasalamat niya dahil pinaboran siya ng pagkakataon. Nagsuot na lang muna siya ng white shirt at black pants. Hindi pa kasi siya nakabibili ng bagong uniform dahil walang budget ang kaniyang mama.

“Pagkakatagal ga naman ng mga are?” naisatinig ni Ryma. 

Nasa gilid lang siya ng hallway at hinihintay na mabawasan ang mga estudyante sa harap ng bulletin board. Pagkatapos kasi ng orientation, inutusan ang mga estudyanteng hanapin ang section at pumunta sa kaniya-kaniyang mga room para makilala ang mga adviser.

“Ayan na!” Naglakad na siya papunta roon nang mabawasan ang mga tumingin. Nasa kalagitnaan siya ng paghahanap ng section at room nang biglang may sumagi sa kaniya. Napasubsob tuloy siya sa mga papel sa harap.

Uminit ang ulo niya nang marinig pa ang malulutong na tawa sa tabi niya. Pagkalingon niya, hindi niya alam kung bakit hindi niya maalis ang titig sa guwapong lalaki. Matangkad, maputi at chinito ang binatang nasa harap niya. Pamilyar sa kaniya ito pero hindi niya matandaan kung saan niya nakita ang binata. Pinilit niya na lang iwaglit sa isip iyon lalo na nang makita ang ngisi nito. Idagdag pa ang mga biloy na sobrang lalim. Parang sinadya ang nangyari.

“Kainaman na!”

“Parang mga gago! Natamaan ko tuloy si Ate,” bulyaw nito sa mga kasama. 

“Gago ka rin!”

Sumabay ito sa tawanan ng mga kasama nito at lumingon sa kaniya. “Sorry, ha?” 

“Ay, huwag kang mag-sorry. Hindi ka naman sincere, e. Ako ga’y niloloko mo?”

Mas lalong lumakas ang tawa nito. “What?”

“Anong what, payat?!”

Nanlaki ang mga mata nitong maliliit. “What? Payat? Mema ka, girl…”

Mema? Ano ga naman iyon? Payat naman talaga siya.

Inirapan niya ito nang dahan-dahan para makita nito iyon. “Ulaga…”

“Hoy, alam ko 'yang sinabi mo! Hindi ako ganoon. Hindi ako tanga, ha!”

Hindi niya na lang ito pinansin. Ganoon ba talaga ang mga taga-Maynila? Ang gaspang ng mga ugali. Lumipat siya sa kabilang papel. Tinalunton niya ng daliri iyon at huminto iyon nang makita niya ang pangalan niya.

Grade 9-1 Third floor. Jacinto Building… Saan iyon? Ang daming building.

“Ryma pala, ha?”

Napalingon si Ryma sa katabi niyang nakibasa rin. “Pakialam mo naman?”

Umayos ito ng tayo at ngumisi. “We’re classmates. Humanda ka sa aking taga-bundok ka.”

Inirapan niya ito at umalis sa harap ng bulletin board. Narinig niya pa ang pagsigaw nito ng taga-bundok. Wala siyang panahon para sa kalokohan ng lalaking iyon.

“Kainaman na!”

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon