KABANATA 27

45 2 0
                                    

KABANATA 27

Hindi mapakali si Ryma sa kaniyang upuan. Para kasing magugusot ang toga niyang kulay pula kapag masyado siyang kumilos. Pinag-ipunan niya pa naman ang perang pangbayad sa toga para sa pictorial at graduation day dahil ginastos ng mama niya ang pinadala ng kaniyang papa para sa okasyon. 

Natanggap niya na ang diploma niyang patunay sa pagtatapos niya sa senior high. Hinintay niya na lang matawag ang pangalan niya para sa mga paparangalan ng mga medalya dahil pumasok sa listahan ng mga with high honor ang pangalan niya.

“Oh my gosh! Sorry, Ryma.”

Bumaba ang tingin niya sa sapatos niyang gomang may alikabok na dahil natapakan iyon ng kaklase niyang si Jane. 

Tipid niya na lamang itong nginitian. “Ayos lang.”

Masama ang loob niya pero hindi niya naman maaaring kagalitan ang kaklase dahil alam niyang hindi nito naman sinasadya. Kahit pinahiran niya iyon ng mantika para kumintab ay hindi naman ganoong kasama ang ugali niya para magalit. 

Napatingin muli siya sa sapatos niya. Sa Divisoria niya lang nabili iyon noong nasa Tondo pa sila. Kabilang iyon sa rejected products sa mga pabrika kaya siguro bagsak-presyo. Hindi na siya nag-inarte dahil ang mahalaga naman sa kaniya ay ang may maisuot. Mahal kasi kapag balat na sapatos gaya ng gusto niya. Tatlong daan na ang pinakamura na nakita niya at hindi pa magandang klase.

“Take this.” Inabot ni Jane kay Ryma ang wipes na dala nito. 

Agad niya namang tinanggap iyon. “Salamat.”

“I’m really sorry.”

Tumango na lang si Ryma at inayos ang sapatos niya. Kahit naman kasi mag-sorry ito, nangyari na. Wala siyang panahon para palakihin ang simpleng problema.

Umayos siya ng upo at tumingin na lang sa stage. Maganda ang auditorium ng school nila kaya napili ng faculty members na sa lugar na iyon na lang ang graduation day. May aircon, malaking stage at mga komportableng upuan para sa mga estudyante.

Salamat sa voucher ng pamahalaan. Naka-graduate siya sa isang private school. Hindi naman masyadong kilala ang paaralan. Hindi katulad ng mga unibersidad sa bansa na aktibo lalo na sa mga paligsahan na may kinalaman sa talino at mga laro na napapanood niya sa telebisyon pero marami rin naman branches at mura lang ang tuition fee kaya nagkasya ang voucher niya para sa Grade 11 at Grade 12. Iyon nga lang, isang pribilehiyong makatapos sa isang maganda at kilalang unibersidad dahil mas madali ang kapit ng trabaho. Mas tinitingnan ang educational attaintment at lamang kung nakatapos sa ganoong klaseng paaralan.

Pangarap niyang makatapos sa isang kilalang unibersidad sa bansa pero alam niyang malabo. Hindi nga siya sigurado kung makakapag-aral pa siya ng kolehiyo sa hirap ng buhay at sa responsibilidad na kusang tumali sa kaniya. 

Alam niyang kaya niya. Wala lang sa kaniya ang hirap ng buhay. Deadma lang sa kaniya ang kahirapan at kaya niyang magpatuloy sa pag-aaral subalit ayaw niyang maging makasarili. Kailangan niya munang isipin ang mga kapatid niya bago ang sarili.

Iyong iba, problema lang ang mag-review para sa admission tests ng mga university at pag-apply ng scholarships habang siya, suliranin niya ang kakainin ng mga kapatid niya. Gusto niyang kabahan sa paghihintay ng results. Gusto niyang maipagmalaki ang sarili niya kapag nakapasa siya sa sikat na unibersidad. Gusto niyang makaramdam ng pressure sa pag-aaral. Gusto niya ang buhay ng isang kolehiyala pero hanggang gusto na lang siya. 

Hindi niya iyon kaya. Hindi niya kayang gawin ang lahat ng kaniyang gusto dahil kahit kaya niya at makabubuti sa kaniya, makaaapekto naman para sa mga mahal niya sa buhay. Kasabay ng kinamulatan niyang mundo, tumatak na sa kaniyang responsibilidad muna bago ang pangarap.

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon