KABANATA 41

47 3 0
                                    

KABANATA 41

Ang pagtitig lang ang nagawa ni Ryma sa kaniyang bagong sneakers na binigay sa kaniya ni Jessie. Couple shoes daw iyon kaya nasabik na siyang makitang pareho nilang suot iyon. Nasa labas pa siya ng malaking arena kung saan gaganapin ang concert ng paborito niyang banda at hinihintay ang pagdating ng kasama. Ang nakatutuwa pa, VIP tickets ang binili ng kasintahan niya. Talagang bumawi ito sa kaniya.

Wala silang maayos na pag-uusap. Hindi na siya nagbukas ng usapin tungkol sa nangyari noong anibersaryo nila. Ayaw niyang palakihin ang isang maliit na bagay dahil alam niyang hindi iyon mabuti sa kaniya. 

Kanina pang napapangiti si Ryma habang hinihintay ang binata pero sa paglipas ng oras at pagkaunti ng mga tao sa labas, unti-unting nawala iyon sa kaniyang mga labi. Magsisimula na ang concert pero kahit anino ni Jessie, hindi niya nakita. Tinatawagan niya ito pero hindi naman nito sinasagot.

“Kulot?”

Bakas ang gulat sa kaniyang mukha nang makita si Noel kasama ang Kuya Nonoy nito. “Manonood din kayo?”

Nakangiting ngumisi si Noel at inakbayan ang kuya nito. “Syempre, paborito nating banda ang may concert.

Kahit nadismaya kay Jessie, nakuha niya pa rin tumawa. Bigla niyang naalala ang mga panahong masaya pa siya sa isla. Kaya nga pala sila naging magkaibigan ni Noel ay dahil pareho sila ng mga hilig at paborito.

“Bakit hindi ka pa pumapasok, Ryma?” tanong ni Kuya Nonoy.

“Hinihintay ko pa kasi si Jise.”

Nagpakawala ng maikling buntong-hininga si Noel. “Boyfriend mo? Bakit ka niya pinaghihintay? Magsisimula na ang concert. Sumama ka na lang sa amin. Ano bang ticket mo?”

“VIP ticket,” tugon ni Ryma.

Tinapik ni Kuya Nonoy ang balikat niya. “Sakto! VIP tickets din ang binili namin. Tara na?”

Napatingin siya sa kaniyang cellphone. Ayaw niyang iwanan si Jessie. Ito ang nagplano ng date nila pero wala ito. Tatawagan niya na sana ang binata pero biglang lumitaw ang message nito. Dali-dali niya iyong binuksan.

I’m sorry, Ry. I can’t go with you. Pinatawag ako ng mismong C.E.O. ng company. I think this will be my break. Ikaw na lang muna ang manood. Enjoy the concert. I love you.

Parang piniga ang puso niya sa mensaheng iyon. Pasimple niyang sinapo ang dibdib at ngumiti sa dalawang nasa harap niya. “Sige, pasok na tayo.”

Nauna ang dalawang lalaki sa paglalakad. Nagpahuli siya dahil baka bigla na lang tumulo ang mga luha niya. Hindi niya kasi maiwasang magdamdam.

Hindi dapat siya nakaramdam ng inis at tampo sa trabaho nito. Para iyon sa pangarap ng binata. Gusto nitong patunayang may maipagmamalaki ito sa lahat. Kailangan niyang suportahan ito pero bakit parang malayo na ito sa kaniya?

Idagdag pa sa kaniyang isipin ang kaalamang magkasama sina Jessie at Vanessa. Alam niyang trabaho lang ang koneksiyon ng dalawa pero nagseselos siya. Hindi niya mapigilan. Dapat siya ang nagpapatawa sa binata. Dapat siya ang palaging kasama ng lalaki.

Mabuti na lang ay maingay sa concert at madilim. Hindi niya ma-enjoy ang pinapanood dahil panay ang tulo ng mga luha niya. Dapat ay masaya siya para sa binata? Iyon dapat ang maramdaman niya.

“Ryma, are you crying?”

Napasinghap siya sa bulong na iyon ni Noel sa kaniyang tabi. “Naiyak… lang ako sa kanta.”

Napailing ang kaibigan niya at inabutan siya ng panyo. “Walang nakakaiyak sa kanta. Masaya… ka ba sa boyfriend mo?”

Pinahid niya ang mga luha at tumango.

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon