KABANATA 17

75 2 3
                                    

KABANATA 17

Bakas ang gulat sa mukha ni Ryma nang madatnan si Robin sa kanto. Doon ang tagpuan nila ni Jessie tuwing pumapasok sa eskuwelahan pero sa halip na ang kaibigan ang masumpungan, ang binata ang kaniyang nakita. 

Lumingon siya sa paligid. Wala pa rin si Jessie. Medyo tanghali na siyang nagising kaya kung magtatagal pa siya ay baka ma-late na siya sa unang pasukan. 

“Good morning, Ryma!” masiglang bati ni Robin sa kaniya.

Good… morning?”

Inayos nito ang salamin sa mga mata at nahiyang ngumiti. “May… dinaan lang ako sa malapit kaya… naisipan kong daanan ka para sabay na tayo.”

Napatitig siya kay Robin. Simula’t sapol, hindi na sila malapit sa isa’t-isa. Kung may interaksiyon man sila noon, iyon ay ang pagiging partner nila sa social dance at paminsan-minsang pagiging magka-groupmate.

“Ha? Ano… may hinihintay pa kasi ako. Kasabay ko si Jise.”

Umayos ito ng tayo. “Sure ka?” Tumingin ito sa wristwatch nito. ”Baka ma-late ka. Baka naman umuna na siya sa school. Hindi na naman kayo magkaklase kaya bakit ka pa niya hihintayin?”

Nagpanting ang tainga ni Ryma sa narinig. Mabait si Robin pero may mga ilang salitang lumabas sa bibig nitong ayaw niya. Alam niyang hindi ganoon kababaw si Jessie para basta na lang siyang iwan pero hindi niya rin maiwasang magduda. May tampo sa kaniya kahapon ang binata kaya posibleng iniwan siya nito. Hindi naman kasi ito na-late ng gising kailanman. Lagi itong maaga at hindi siya hinahayaang maghintay.

“Ano? Tara na?”

Napakurap siya at tumango na lamang. Malawak na ngumiti naman ang lalaki at sinabayan siya sa paglalakad. Pagkarating sa school, saktong nag-alarm ang bell kaya lakad-takbo silang pumunta sa building nila. Nasagi pa siya ng isang estudyanteng nakipag-unahan sa pag-akyat. Napasinghap siya nang lumapat ang braso ni Robin sa likod niya hanggang balikat. Nang nilingon niya ito, agad namang inalis nito iyon.

“Sorry…kasi natatamaan ka.”

Tumango na lang siya at nagpatuloy sa pag-akyat. Nang makarating sa room, nandoon na ang lahat ng mga kaklase niya kaya umupo na lang siya sa likod dahil doon pa may bakante. Sa malapit sa bintana siya umupo. Napalingon ulit siya sa binata nang umupo ito sa katabing upuan. Matamis itong ngumiti sa kaniya kaya ginantihan niya na lang ng tipid na ngiti. 

Wala pa ang teacher kaya tinanaw niya ang tanawin mula sa labas ng bintana. Halos wala na siyang makitang puno. Kung mayroon man, kaunti lang. Mas lamang ang mga building at ilang kabahayang dikit-dikit. Napaayos pa siya ng upo nang makita ang itim na usok sa kalangitan. Siguradong may nasunugan na naman dahil umalingawngaw ang sirena ng mga bumbero. 

“May sunog na naman. Saan kaya ’yan?” tanong ng isa niyang kaklase na sinundan ng iba’t-ibang opinyon ng iba pa niyang kaklase.

Sa tagal niya sa siyudad, nasanay na rin siya sa ingay at kaguluhan. Mayroon pa ngang isang pagkakataong may nagbarilan sa harap ng school. Oras ng klase noon at bigla na lang may umalingawngaw na putok ng baril. Agad silang pinayuko sa ilalim ng armchair bilang pag-iingat. Maaari kasing maging ligaw na bala iyon at makasakit ng iba. Puno ng karahasan at panganib ang mundo. Mahirap pigilan kapag talamak na kaya dapat mas doble ang pag-iingat at samahan ng pananalig.

Pagkaraan ng ilang sandali, dumating na rin ang bagong adviser. Naging matiwasay naman ang tatlong naunang klase dahil nagbilin lang naman ng requirements ang mga guro. Sumapit ang break time kaya inilabas niya ang lunch box niya. Nilagang itlog lang ang nailuto niya dahil nagmamadali siya. Hiniling niya na lang na sana ay kumain si Jessie ng ganoon. Pagkatayo niya, tumayo rin si Robin at may tangan din itong malaking lunch box. Muli nitong inayos ang salamin. Tumingin sa kaniya at tila nag-aalangan pa sa sasabihin.

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon