KABANATA 8

73 4 4
                                    

KABANATA 8

Nakausli ang nguso ni Ryma dahil sa ginawa ni Jessie sa kaniya. Tawang-tawa pa sa hitsura niyang tanaw nito mula sa vanity mirror. Katulad nang sinabi nito, pinainitan nga siya nito sa loob ng kuwarto.

“Tama na nga iyan, Jise. Lasa ko’y nag-enjoy ka na, e!”

Pinatay ni Jessie ang blower at inabot ang brush na suklay para suklayin ang buhok niyang ginulo nito sa blower. Napatungo pa siya dahil sa rahas ng pagsuklay ng lalaki. Halata namang pinag-tripan lang siya kaya hinampas niya sa tagiliran. Muli itong tumawa at binagalan ang pagsuklay. Hinanap pa ang hati ng buhok niya sa tabi.

“Done,” usal nito at umupo sa tabi niya. Pareho na silang nakaharap sa vanity mirror.

“Patutuyuin mo lang pala ang buhok ko, kung ano-ano pang sinabi mong ulaga ka.” Siniko niya ito sa tiyan.

“Anong klaseng thank you iyon? Masakit,” natatawang reklamo nito.

Umirap si Ryma habang nakatingin sa salamin. Sinuklay niya ng daliri ang kulot na buhok. Pinagmasdan naman siya ni Jessie. Seryoso na ang mukha nito.

Tinigil niya ang pagsuklay sa buhok at tiningnan ang binata sa salamin. “Pahiram ng iyong cellphone. Kailangan kong sabihin kay Carmen at Angel na hindi ako makasasama sa kanila.”

Agad naman itong tumayo at kinuha ang cellphone nito. Umupo itong muli sa tabi niya. “Let’s... study together.”

Tumaas ang mga kilay niya. “Nag-aaral ka pa pala? Parang hindi, e.”

Hindi niya napigilang sermunan ang binata. Hindi niya pa nakalimutan ang naabutan niyang hitsura nito kanina. Sa halip na pumasok sa paaralan, sinira na naman ang buhay. Hindi man lang naisip ng binata na may nag-aalala rito.

Nag-iwan siya ng chat kay Carmen na agad naman nitong nakita. Nag-reply lang ito ng malaking like kaya nag-out na siya at ibinigay sa binata ang cellphone nito.

“Are you mad at me?” tanong nito. 

Nakatingin na sa kaniya si Jessie kaya bumaling siya rito. “Hindi ako galit sa iyo. Sa ginagawa mo ako galit.”

“Pareho rin ’yon!”

Nanlaki ang mga mata niya. “Bakit ikaw ay may pagsigaw pa? Lalamunin mo ga ako ng buhay?”

Pinaglapat nito ang mga labi at muling tumingin sa salamin.

“Ano, Jise?”

“Don’t you ever ignore me again kung ayaw mong gawin ko ulit iyon. Dapat nga, ako ang galit. Lagi mo akong iniiwasan. Kinausap kita. I confronted you but you continue avoiding me. Masaya ba, Ry? Para akong tanga. Lagi kitang hinihintay umuwi pero hindi mo ako sinasabay. Sa sobrang inis ko, dito ako umuwi.”

Tinulak niya ito nang biglang may naalala. Hindi nito inasahan ang ginawa niya kaya nahulog ito sa sahig. Sinamaan niya ito ng tingin.

“Anong problem mo, taga-bundok?”

Humalukipkip siya at tumayo. “Sabi sa akin nina Aaron at David, dine ka pala tumitira. Bakit doon ka malapit sa street namin umuuwi?”

Tumayo ito at kumuha ng isang pares ng tsinelas. Nabigla na lang siya nang lumuhod ito at isuot sa kaniya ang tsinelas. “Hindi ba obvious, Ry? Kasi malapit. Isa pa, para sabay tayo.”

Hindi naintindihan ni Ryma ang paliwanag ni Jessie dahil naagaw ng ginawa nito ang atensiyon niya. Nakatayo na ang binata pero nakatingin pa rin siya sa mga tsinelas sa mga paa niya. Hindi niya puwedeng balewalain ang pagkislot sa kaniyang puso. Ang simpleng gawain ng binata sa kaniyang punong-puno ng pag-aalala ay nilusaw ang puso niya sa saya. Bata pa siya at alam niya iyon pero ang damdamin niya, mas nauna pa yata ang pagtanda dahil sa mga naramdaman niyang dapat ay para lang sa mga taong nasa hustong gulang.

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon