KABANATA 43

48 2 0
                                    

KABANATA 43

Iminulat ni Ryma ang mga mata nang maramdaman niya ang liwanag mula sa sinag ng araw. Naiwang bukas ang kurtina ng kaniyang silid. Nagkusot siya ng mga mata nang biglang maalala ang nangyari kagabi.

“Jise…” Agad siyang bumangon nang mapagtantong nasa kama na siya.

Ang huling natandaan niya ay magkatabi silang natulog ni Jessie sa malaking sofa nila sa baba. Malamang ay binuhat siya nito papunta sa kaniyang silid. Nasaan na ang binata?

Pumasok siya sa banyo para maligo at mag-toothbrush. Napailing na lang siya sa sarili. Nakatulog siyang uniform pa ang kaniyang suot. Nang matapos ayusin ang sarili, agad siyang bumaba. Napairap siya nang makita ang papa niyang nakasubsob pa sa lamesa ang ulo habang sina Andrius at Adrian at tulala sa kawalan.

“Inom pa,” sarkastikong saad niya sa mga ito. “Nasaan na si Jise?”

Inginuso sa kaniya ni Andy ang sofa kaya dali-dali siyang pumunta roon. Nadatnan niya si Jessie. Walang pang-itaas na damit kaya kitang-kita ang magandang katawan nito. Nasa sahig na rin ang isang paa nito at mahinang humihilik. 

Napakagat-labi siya. Bakit ang guwapo pa rin kahit sobrang gulo ng buhok? Bakit kaakit-akit pa rin itong tingnan kahit bahagyang nakaawang ang bibig?

“Bakit hubad ’yan?” Nanlaki ang mga mata niya.

Tumabi sa kaniya si Ashley at inakbayan siya. “Ikaw nga ang dapat naming tanungin. Ate, ikaw ang huling kasama niya kagabi. Hinalay mo, ’no?”

Agad niyang binatukan ito. “Tigilan mo ako.”

“Anak, gisingin mo na si Jessie. Mag-almusal na tayo,” utos sa kaniya ng ama.

Humarap siya kay Ashley at bahagyang tinulak ang kapatid. “Umakyat ka sa taas. Ikuha mo ng damit si Jessie sa drawer nina Andrius at Adrian.”

Tumawa nang malakas ang kapatid niya. “Aysus, hinalay mo nga? May pakagat-labi ka pa kanina. Alam ko namang guwapo si Kuya Jessie pero… hindi ko akalaing pagnanasaan mo na.”

Kukunin niya na sana ang tsinelas na suot pero agad itong nakatakbo paakyat ng hagdan. Mabuti na lang ay lutang pa ang mga tao sa kusina kaya hindi narinig ang pinagtalunan nila ni Ashley. Siguradong kapag nalaman ng kaniyang amang may pagnanasa siya kay Jessie, baka habulin siya ng taga.

Teka! Sino bang may sabing may pagnanasa ako sa boyfriend ko?

Bumaling siya kay Jessie. Umupo siya sa gilid ng sofa at mahinang tinapik ang mukha nito. “Jise, gising na ikaw.”

Umungot lang ito at gumalaw paharap sa kaniya. Inilagay nito ang dalawang braso sa tiyan at likod niya. Tumaas ang isang kilay niya. Tiyak na gising na ang binata.

“Bumangon ka na riyan.”

Dahan-dahan nitong iminulat ang mga mata. “Nahihiya ako… kay papa.”

“‘Tapos sa akin, hindi ka nahiya?” Bahagya niyang sinabunutan ang buhok nito bago tumayo.

Natatawang bumangon si Jessie habang hawak ang ulo. “May hangover na nga, sinabunutan mo pa.”

Pinameywangan niya ito. “Sinabi ko bang uminom kayo?”

Parang tangang nakatitig lang ito sa kaniya. Hindi matanggal sa mga labi nito ang nakaguhit na ngiti. “Na-miss ko ang mga sermon mo.”

Napairap na naman siya. “Na-miss ko rin ang pagiging sutil mo.”

Umalpas ang mahinang tawa kay Jessie. “We’re okay now, right?”

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon