KABANATA 5

65 4 6
                                    

KABANATA 5

Hindi alam ni Ryma kung ilang oras na siyang nakatitig sa kabaong ng lola niya. Gusto niyang kumain pero wala siyang gana. Wala pa siyang tulog. Sinubukan niya naman pero hindi siya mahimbing. Hindi na nga rin siya pumasok para gugulin ang huling sandaling kasama niya ang yumaong matanda. Nagdala na lang ang kapatid niyang si Andrius sa school ng excuse letters para sa kanilang dalawa. Pati ang mga maliliit niyang mga kapatid ay ganoon din.

Hindi natupad ang hiling ng lola niya na makabalik sa isla. Napakatahimik ng libing. Ang tanging bisita lamang ay mga kapitbahay nila. Walang sinumang pumuntang kaibigan galing sa isla. May tumawag para ipaabot ang pakikiramay ngunit hanggang doon na lang iyon. Ang kabaong, mga bulaklak at ang funeral service ay tinipid. Ang tent pa nga na ginamit ay mula pa sa barangay. Sa bawat gabing nagbabantay siya nang mag-isa, hindi niya maiwasang lumuha. Mayaman ang kaniyang lola. Hindi dapat ganoon. Hindi man lang nabigyan nang maayos na libing gamit ang perang pinaghirapan nito noong nabubuhay pa.

Alam niyang malungkot din ang kaniyang ina sa pagkawala ng matanda pero hindi niya maintindihan kung bakit parang hindi ito nagluksa. Inasikaso nga nito ang libing subalit lagi namang wala kasama si Tito Theo. Kung nasa bahay naman, parang normal lang na kumakain at natutulog. 

Tahimik lang siya. Hindi niya na alam kung paano pa tatanggalin ang galit na umusbong sa puso niya. Hindi niya na iyon mapigilan.

“Ryma…”

Umangat ang tingin niya sa pintuan nang marinig ang boses ni Carmen. Parang hinaplos ang puso niya nang makita ang mga kakalase niya. Agad siyang tumayo mula sa sofa at sinalubong siya ng yakap ni Angel at Carmen. Ilang sandali pa ay pinapasok niya ang ilang mga kaklase niya. Pumunta sina Dan, Sean, Angel, Carmen, Robin, Aaron, David at Jessie para makiramay sa kaniya.

“Saglit lang. Ako'y magtitimpla ng kape para sa inyo.” 

Agad na pumunta si Ryma sa kusina. Naabutan niya ang dalawa niyang kapatid na si Andy at Leah na tahimik na naglalaro sa dining table. Kahit mga bata pa, may muwang na ang mga itong kailangang maging tahimik dahil sa pagluluksa ng pamilya.

Kumuha siya ng plato at binigay sa dalawa. “Lagyan ninyo nga are ng mga biscuit at saka mani.”

Binitiwan naman ng mga ito ang laruan at kinuha ang malaking timba na may lamang biscuit at isang plastic na may lamang mani.

Kumuha siya ng mga tasa at nagsimulang magtakal ng kape at asukal. Kukunin niya na sana ang thermos pero may kamay na kumuha roon. Umangat ang tingin niya kay Jessie na nasa tabi niya na pala. Naka-uniform pa ito gaya ng iba niyang bisita.

“Ako na,” presinta nito. 

Hinayaan niya itong magsalin ng mainit na tubig sa mga tasa. “Jise…”

“Oh?” Kunot na kunot ang noo nito sa paghahalo. Para bang nakasalalay doon ang buhay at kamatayan.

“Bakit hindi ka muna umuwi sa bahay ninyo? Malapit lang naman, e.”

“Ayos lang. Babalik rin naman ako ulit sa house mo kapag nag-aya silang umuwi.”

“Bakit…?”

Nagkibit-balikat ang binata. “Kailangan… kasi ikaw ’yan. Friend kita, Ry.”

“Kaibigan?”

Iyon ang unang beses na narinig niya mula sa lalaki na tinuturing siya nitong kaibigan. Kahit palaasar ito, marunong namang humingi ng tawad. Ang sarap ng ideyang iyon sa pakiramdam. Sandaling gumaan ang kalooban niya sa gitna ng mga problema niya.

“Why? Ayaw mo?”

Umiling siya at tipid na ngumiti. “Salamat, Jise.”

May umalpas na mahinang tawa sa bibig nito. “Mabuti na lang ay kaibigan kita. Pangit pa naman sa ears ng Jise.”

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon