KABANATA 24

53 3 0
                                    

KABANATA 24

“Pinapalayas na tayo sa bahay, iyang prom pa rin ang inaatupag mo!”

Hindi inasahan ni Ryma ang bumungad sa kaniya pagka-uwi niya pa lang ng bahay. “Bakit po? Bakit biglaan?”

Nagsindi ng sigarilyo ang kaniyang ina. “Atat ang may-ari ng bahay. Matagal na tayong hindi nakababayad ng upa.”

Hindi na siya nagtanong pa pero hindi rin siya makakilos. Kung kanina ay para siyang nakalutang dahil sa halik ni Jessie, nang mga oras na iyon naman ay parang binaon siya sa mga suliranin. Ang saya at kilig na naramdaman niya ay napalitan ng pangambang hindi na bago sa kaniya.

“Ano ba ga? Tumulong ka na sa pagbabalot. Sa Q.C. pa tayo lilipat!”

Nanlaki ang mga mata niya dahil sa gulat. Biglang dumaan sa kaniya ang lahat ng maiiwan niya sa Tondo. Maiiwan niya ang pag-aaral niya, ang mga kaklase niya at higit sa lahat, ang lalaking gustong-gusto niya.

“Ano? Ay, kilos na, ineng!”

“Opo… kikilos na.” Dali-dali siyang umakyat para tulungan ang mga kapatid niyang mag-impake.

Ala una na nang matapos silang maghakot ng mga gamit sa dyip. Sabi ng mama niya, sa Quezon City na raw sila lilipat. Doon din kasi nakatira ang mga tunay na kapatid nito. 

Alam niyang pinapalayas na sila ng may-ari ng bahay pero hindi niya naman inasahang ganoon kabilis. 

Gusto niyang itanong sa mama niya kung paano ang mga papeles niya at ng mga kapatid niya sa school pero nakita niyang marami itong iniisip na problema kaya isinantabi niya na lamang iyon. 

Sa susunod na buwan na ang moving up para sa Grade 10 students. Mabuti na lang ay nakapag-take na si Ryma ng fourth quarter examination. Kaya lang, hindi niya maiwasang madismaya dahil mukhang hindi na siya makamamartsa sa moving up.

Madaling araw na pero nakaranas pa rin sila ng traffic. Siksikan silang pamilya sa dyip kasama ang mga gamit. Malapit siya sa foam pero hindi niya magawang matulog. 

Hindi mawaglit sa isipan niya si Jessie. Hindi siya nakapagpaalam sa binata. Nang ihatid siya nito sa kanto ay hindi niya ito kinausap. Hindi niya kasi alam kung paano pakikitunguhan ang binata matapos ang halik na iyon. Kung alam niya lang na aalis na siya, sana man lang ay maayos siyang nakapagpaalam.

Wala naman siyang sariling cellphone. Ang alam ng papa niya ay mayroon silang magkakapatid pero ginastos lang ng mama niya sa bingo center. Kaya walang kasiguraduhang makakausap niya palagi si Jessie. Kung may pagkakataon man, baka minsan lang.

Siguradong hahanap-hanapin niya si Jessie pero mabuti na iyong malayo siya, hindi ba? Baka makalimutan niyang gusto niya ito. Baka mabaon niya sa limot ang damdamin niya para sa binata.

Bigla na lamang tumulo ang mga luha niya. Alam niya kasi sa sarili niyang ayaw niyang mangyari iyon. Kahit itanggi niya ang damdamin, mananatili pa rin.

Hiling niya na lang na sana ay kayanin ni Jessie kapag may problemang dumating dito. Sana ay lagi itong maging positibo. Sana ay hindi nito makalimutang tumawag sa Diyos. Sana ay turuan nito ang sariling maging malakas kagaya nang tinuro nito sa kaniya.

“Ate, may apoy na ba?” tanong ni Andy kay Ryma isang umaga. 

Kung dati’y may punto sila sa pagsasalita, sa paglipas ng panahon ay nawawala na.

Kailangan niya kasing magpa-apoy gamit ang uling dahil ibinenta ng mama niya ang kalan at gasul. Gusto niya sanang kahoy ang gamitin ngunit baka magalit ang mga kapitbahay nila kapag nagpa-usok siya. Wala kasi silang budget para sa pagkain. Idagdag pa ang bisyo ni Kuya Al. 

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon