KABANATA 14

72 4 0
                                    

Warning: Violence, self-harm

KABANATA 14

Naglalakbay ang isip ni Ryma sa ibang bagay habang kinakausap siya ni Jessie. Isang buwan na ang lumipas simula nang manirahan sa bahay nila ang bagong boyfriend ng mama niya. Sa mga panahong iyon, maraming isipin at mabigat na dalahin ang dinulot ng mga iyon sa kaniya. Kung dati ay kaya pa nila, ngayon ay hindi niya na matiis.

Ang bawat sahod na ipinadadala ng papa niya para sa kaniya at sa mga kapatid niya ay hindi na sapat sa kanila dahil mas lalong nalulong sa sugal ang mama niya. Naimpluwensiyahan pang uminom ng alak at manigarlyo ang kaniyang ina ng bagong nobyo. Mas malala pa iyon kaysa noon. Walang kapantay ang kasamaan ni Kuya Al. Kaunti na nga lang ang pagkain, tinatapon pa. Hindi man lang inisip na may mga estudyanteng uuwi at gutom na gutom. Sa halip na kakainin na niya at ng mga kapatid niya, sinasayang lang nito at pinapakain sa aso. Minsan, nag-ulam na lang sila ng toyo o kaya ay asin. Wala na rin silang baon kapag pumapasok at hindi niya kayang makitang ganoon ang mga kapatid.

Gumawa si Ryma ng paraan. Pinatulan niya ang paggawa ng projects, activities at assignments ng ilang estudyanteng tamad sa pag-aaral. Kailangan niya ng pera. Paano ang kakainin nila? Paano ang mga kailangan niya sa school at ng mga kapatid niya kung hindi siya kikilos? Ayos lang na mapuyat at mapagod. Kahapon nga lang ay nakiusap siya sa retail store sa tapat ng school. Kahit part-time-job lang pangtustos sa pangangailangan. Mabuti na lang ay pumayag ang boss doon at hinayaan siyang maging tindera.

Hindi niya alam kung saan kakapit. Hindi niya alam kung kaya pa niya. Wala na ang lola niyang nagpapalakas palagi ng loob niya. Ayaw niya namang banggitin sa kaibigan niya ang mga problema niya dahil alam niyang may sarili itong problema. Nagtaka lang ito kung bakit siya namasukan bilang tindera sa retail store pero hindi ito nagtanong ng iba pang dahilan.

“Pangga…”

Napasinghap si Ryma nang maramdaman ang kiliti sa kaniyang tainga dahil sa malambing na bulong ni Jessie. Napalingon tuloy siya rito. Nakapangulumbaba ito sa sa estante sa may gilid ng tindahan. Nasa labas  lang ito dahil hindi puwedeng pumasok ang hindi tindera. 

Dinilaan nito ang pang-ibabang labi at tumungo sa notebook na sinasagutan nito. “Ikaw rin pala ang magsasagot nito?”

Tumaas ang mga kilay niya at dinungaw ang notebook pero nasa front page naman iyon. “Alin ga?” 

“Pabili!” 

Tinapik niya ang notebook. Iniwan niya ang binata para asikasuhin ang customer. Last customer na niya iyon dahil mag-out na siya ng alas-singko. Pagkatapos niyang kuhanin ang sahod sa araw na iyon, agad nagligpit si Jessie ng gamit.

Ganoon na lang sa araw-araw. Lagi siyang hinihintay ni Jessie sa trabaho niya. Kapag may libreng oras, sabay na rin silang nagsasagot ng activities at assignments. Lagi rin itong tumutulong sa kaniya sa pagsasagot ng mga worksheets ng mga estudyanteng kinokontrata niya. Alam niyang bawal at masama pero wala na siyang ibang maisip na paraan. Ayaw niyang tumigil sa pag-aaral habang naghahanap ng solusyon sa problema ng pamilya niya.

“Ano nga ulit iyon?” tanong niya nang naglalakad na sila pauwi.

“Si… Cassie.”

Tumango siya. “Iyong may-ari ng notebook? Ano  ba gang mayroon sa babaeng iyon?”

“I just didn’t expect that my… ex-girlfriend did that thing.”

Bumagal ang paglalakad niya. Gusto niya sanang ngumiti dahil nag-effort itong liitan ang mga hakbang para sabay pa rin sila pero hindi niya magawa. Masyado siyang nabigla sa tinuran nito. 

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon