KABANATA 36

49 4 0
                                    

KABANATA 36

“According to I John chapter 4 verse 8, the one who does not love does not know God, for God is love. Ang mga taong tumatanggi sa pag-ibig ay hindi alam ang isang bagay sa Panginoon. Ang Diyos ay pag-ibig kaya hindi mo Siya kilala kung ayaw mong umibig.”

Napapikit si Ryma nang namnamin niya ang leksiyon tungkol sa pag-ibig. Sa pagsamba siya nakahanap ng kapayapaan. Dati ay iniiyak niya ang lahat sa Panginoon at pinapakiusap ang lahat pero nang mga oras na iyon, naguluhan siya sa dapat niyang hilingin.

Simula nang sabihin sa kaniya ni Jessie na liligawan siya nito, hindi na siya natahimik. Aminin niya man o hindi sa sarili, alam niyang mahal niya pa rin ang binata. Sadyang natatakot lang siya sa maaaring kahinatnan kapag sinubukan niya.

“Human love is limited and failed,” usal niya sa sarili.

Manghang-mangha siya sa pag-ibig ng Diyos. Hindi makasarili iyon at walang hinihintay na kapalit. Kahit siya ay napatunayan iyon, perpekto ang pagmamahal at sobrang makapangyarihan.

Gusto niya ang pagmamahal pero ang pagmamahal sa kapwa ay iba para kay Ryma. Tumatagal lang iyon sa maikling panahon. Limitado ang klase ng pag-ibig na kayang ibigay ng mga tao dahil may pagkakataong mapapagod o hindi kaya ay susuko na lang. Lagi rin umaasa ng kapalit. Kapag mahal, dapat ibalik iyon.

Sa sitwasyon nila ni Jessie, hindi naman siya kailangan pilitin. Matagal niya na itong mahal. Duda pa nga siya kung nawala iyon. Takot lang talaga siya sa maraming posibilidad. Ayaw niya lang masaktan.

Huminga siya nang malalim. “Baka naman puwedeng… bigyan ninyo ako ng sign.”

Sana bigyan siya ng senyales. Ayaw niyang sumugal. Baka hindi niya kayanin kung masasaktan siya. Mahirap pa dahil matalik niyang kaibigan ang binata. Kung dumating ang panahong mawala ang pag-ibig sa kanilang dalawa, damay ang pagkakaibigan nila.

Nang matapos ang pagsamba, gumaan ang loob niya. Ang lahat ng problema niya sa linggong iyon ay parang biglang nawala. Tila ang daling huminga mula sa masikip na mga araw.

Nag-abang siya nang dyip para makauwi nang bigla na lang kumulog. Napatingin tuloy siya sa kalangitan. Makulimlim kahit alas diyes pa lang ng umaga. Agad siyang napaatras nang biglang bumuhos ang ulan. Nasa waiting shed naman siya pero nabasa ang laylayan ng floral dress niya pati na rin ang flats niyang suot dahil sa ampiyas. Isa pa, may dumaloy na tubig sa direksiyon niya kaya hindi niya naiwasan iyon.

“Kainaman na! Bakit ba hindi ko naalalang magdala ng payong?” tanong niya sa sarili habang pinupunasan ng panyo ang mga brasong nabasa na ng ulan.

Mabuti na lang ay may dyip na. Tatakbuhin niya na lang iyon para makasakay. Susuong na sana siya sa ulan nang biglang may humila sa kaniya para payungan siya.

“Jise!”

Ang lawak ng ngiti ni Jessie. Nakasuot ito ng green short-sleeves polo at trousers. Ang aliwalas ng mukha nito. Hindi katulad ng mga nakaraang araw na halata ang pagod.

Napailing ito at mas mas tinapat sa kaniya ang payong. “Huwag kang magpaulan. Baka magkalagnat ka.”

Napalunok siya. Hindi na siya nabasa pero ang binata naman ang basa nang mga oras na iyon. Inurong niya ang payong para hindi mabasa ang balikat nito. Nabigla naman ito sa ginawa niya.

“Nababasa ka,” aniya.

Umalis na ang dyip kaya napilitan siyang maghintay muli. Kung wala lang ang binata, kanina niya pang sinapo ang dibdib niya. Kailangan yata ng alalay dahil parang tatalon na ang puso niya.

“I’m glad that… you’re into Him.”

Nanlaki ang mga mata niya at lumingon sa lalaki. “Nandoon ka?”

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon