WAKAS

204 5 5
                                    

WAKAS

Bumagsak sa sahig si Jessie dahil sa malakas na suntok ng kaniyang ama. Ayaw niyang magpakita ng emosyon. Alam niyang imposible iyon pero sa araw-araw na buhay siya, puro sakit na lang ang naramdaman niya.

"Tumigil ka sa pag-aaral! Kahihiyan ka sa akin! Ipadadala kita sa isla nang magtanda ka!" sigaw ng galit na galit niyang ama.

Umalis siya sa bahay na iyon at pumunta sa bahay ng lolo at lola niya. Hindi na nagulat ang mga ito nang makita ang mukha niya. Hindi yata lilipas ang isang buwan na wala siyang sugat at pasa mula sa kaniyang ama.

"Lola, baka ma-miss ninyo ako ni Jennie," natatawang aniya.

Hinatid siya ng mga ito sa piyer at sa kabilang isla, sinundo naman siya ng trabahador ng kaniyang papa. Baka sakaling makahinga siya nang maluwag. Wala sa paligid ang kaniyang ama kaya kahit saglit lang, sana naman ay maging malaya siya.

"Ikaw ay sumama na sa amin. Masaya rine kapag may perya!" hikayat sa kaniya ni Lloyd na anak ng trabahador ng daddy niya.

Medyo naging matiwasay naman kahit paano ang buhay niya sa isla kahit hindi siya lumabas ng kuwarto. Maganda ang pakikitungo sa kaniya ng mga kasing-edad niya. Iyon nga lang, hindi niya maiwasang mainggit. Noong nakaraang pasukan ay pumasok na ang mga ito sa paaralan samantalang siya ay hindi na pinag-aral ng kaniyang ama.

Kanina pang nakapila si Jessie kaya naiyamot na siya nang walang tumabi sa babaeng nasa ferris wheel. "Ako na lang ang tatabi. Okay na ako here."

Wala siyang pakialam kay Ryma noon. Wala nga lang sa kaniya ang pagdantay ng kamay niya sa kamay nito. Hindi ito maganda. Walang katangian ang dalaga para mapalingon nang dalawang beses ang isang tao. Akala niya ay wala lang sa kaniya ang dalaga pero nagbago ang lahat nang minsan niya itong makitang nakaupo sa gutter. Pinagtiyagaan ang poste ng ilaw doon para lamang makapag-aral ng gabing iyon.

"Bakit siya roon nag-aaral, Lloyd?"

"Naku, naputulan sila ng kuryente. Balitang-balita nga sa nayon. Dating mayaman ang pamilya niya pero nang ibenta ang mga ari-arian, naghirap na," tugon sa kaniya ng binatilyo.

Simula noon, kay Ryma na ang buong atensiyon niya sa pamamalagi sa islang iyon. Isa siya sa mga taong dumadaan sa harap nito kapag gabi pero hindi siya magawang tunghayin. Hindi niya alam kung bakit siya nainis sa hindi nito pagpansin sa kaniya noon.

"Daddy, hindi ako gumamit ng droga! Maniwala kayo sa akin. Ang mga kabarkada ko lang 'yon! Kahit ipa-test ninyo pa ako!"

"Kaya kahit sa public school, ayaw kitang pag-aralin. Nakakahiya ang mga ginagawa mo!"

Nasabunutan niya na lang ang sarili nang patayin ng kaniyang ama ang tawag. Kahit ilang beses niyang patunayan ang sarili sa daddy niya, ganoon pa rin ang tingin nito sa kaniya. Pasaway siyang anak pero hindi aabot sa puntong gagamit siya ng droga para sirain ang buhay niya.

Aalis na sana siya sa gutter pero natigilan siya nang makita si Ryma na bumaba ng gutter habang umiiyak. Nakapantulog pa ito. Lumuhod ang dalaga sa buhangin at paulit-ulit na sumigaw.

"Ayaw ko na! Bakit ga nangyayari sa amin ito? Bakit kami ang naghirap ng mga kapatid ko?"

Mula sa liwanag ng buwan at ilaw sa mga poste, nakita niya kung paanong yumugyog ang mga balikat nito sa labis na pag-iyak. Sumabay sa tunog ng alon ng dagat ang mga hikbi nito.

Biglang sumikip ang dibdib niya at hindi niya inasahan ang sunod na nangyari. Tumulo ang mga luha niya. Iniyak niya ang lahat ng sama ng loob niya sa daddy niya. Kinuha niya ang pagkakataong iyon para makasalo ang dalaga sa sakit na nararamdaman nila na dulot ng kanilang mga pamilya.

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon