KABANATA 42

46 2 0
                                    

KABANATA 42

Naalimpungatan si Ryma sa alarm ng cellphone niya. Kahit antok na antok pa ay pinilit niyang bumangon at maligo para pumasok sa eskuwelahan. Nag-usal siya ng maikling panalangin at hiniling niya na rin na sana ay hindi siya antukin sa klase. Napahikab pa siya habang naghuhubad ng damit pagkapasok ng banyo.

Iyon na yata ang pinakamalalang week niya sa pag-aaral. Madaling araw na siyang natulog dahil nagsabay-sabay ang mga outputs sa iba’t-ibang subject. Idagdag pang nag-review siya dahil malapit na ang final exam nila. 

Nang makaligo, medyo nagising na ang diwa niya kaya mabilis na siyang nagbihis ng uniform niya. Hindi na siya nakapag-almusal at dumampot na lang ng pandesal at humigop ng kaunting kape. Nasa bus na siya pero patuloy pa rin siya sa pag-review. Mahirap na at baka makalimutan niya pa. Natigil lang siya sa pag-review nang tumunog ang cellphone niya.

Pangga, good morning! Do you know what’s the day today? It’s my birthday!

Napasandal siya sa upuan niya nang makita ang message ni Jessie sa kaniya. Walang palya iyon. Araw-araw ay pinapadalhan siya nito ng message. Lagi nitong sinasabi ang mga nangyari rito sa bawat araw nito. Hindi ito kailanman tumawag. Hindi rin siya pinilit mag-reply.

Isang buwan na simula noong sinabi niyang dumistansiya ang binata. Sinunod naman iyon ni Jessie. Hindi ito nagpakita sa kaniya pwera na nga lang sa walang sawang message nito. Umaga, tanghali at gabi ito kung mag-message. Lagi nitong sinasabing abala ito sa trabaho pero may oras sa kaniya para mag-text na hindi nito ginagawa noon.

Miss niya na ang binata. Sinungaling siya kung itatanggi niya pa iyon. Parang ang tagal nilang hindi nagkita. Baka sa oras na makita niya ito nang hindi sinasadya, yakapin niya na lang ito nang mahigpit.

Bumuntong-hininga si Ryma. Kailangan nila iyon. Baka sakaling matuto sila sa mga pagkakamali nila. Hindi na kasi maganda kung puro away na lang sila.

Nawala siya sa malalim na pag-iisip nang tumunog muli ang cellphone niya. Agad niyang binasa ang mensahe ng binata.

I know that you won’t reply but I would like to ask if I can celebrate my birthday with you and with your family?

Matagal niyang tinitigan ang mensahe. Sapat na ba ang panahong nag-iwasan sila? Dapat na ba siyang makipag-ayos sa binata?

Nagtipa siya ng reply. Okay. Happy birthday! 

Papatayin niya na sana ang phone niya pero mabilis na nag-reply ang binata. Thank you. I love you so much, Ry.

Hindi na siya nag-reply at itinago na iyon sa bag. Agad siyang pumara nang nasa tapat na ng school niya ang bus. Dali-dali niyang isinarado ang librong hawak at bumaba.

Minsan, ang hirap maging estudyante. Kahit ang bata pa, mukhang matanda na kasi sobrang stress na sa pag-aaral. Kapag may bagsak na grade, sobrang nakadidismaya. Inaabot pa ng ilang taon ang pagsusunog ng kilay pero sa kabilang banda, ayos lang. Mas masarap kasing matamasa ang tagumpay kung maraming naging hirap mismong paglalakbay.


PAUWI na si Ryma sa bahay. Nag-message sa kaniya si Andy na naroon na raw si Jessie at nakahanda na ang pagkain. Siya na lang ang hinihintay. Pasakay na sana siya ng bus nang biglang tumunog ang cellphone niya. Tumawag si Jaydon sa kaniya.

“Hello?” bungad niya sa lalaki.

“Ryma, si… Alliah. Ang baby namin,” garalgal ang boses na imporma sa kaniya ni Jaydon.

“Anong nangyari?”

“Hindi ko sinasadya. Nag-aaway kami. Nabangga... sa puno ang sasakyan. Kasalanan ko!”

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon