KABANATA 29

43 3 0
                                    

KABANATA 29

“Excuse me po!” 

Ang hirap sumiksik sa dagat ng mga tao sa palengke. Kailangan pang pumasok ni Ryma sa isa niyang trabaho pero kailangan niya munang dumaan sa bahay. Kahit maliit ang sahod sa pagbabalot ng tinapay, pinatulan niya na kaysa wala. Binali niya kasi ang isang linggong sahod niya para makabayad sila ng kuryente. Naputulan na naman sila. Iaabot niya lang kay Andrius ang pera dahil ito na ang uutusan niyang magbayad. 

Hingal na hingal siya nang makarating sa bahay. Akala niya ay bubungad sa kaniya ang mga kapatid niyang may ngiti sa mga labi ngunit isang pagbasag ng basong binato sa pader ang nadatnan niya. Nasapo niya ang braso niya nang madaplisan iyon ng bubog na tumalsik.

“Wala ka nang ginawang matino! Puro ka selos! Tinamaan ka ng lintik! Idadamay mo pa ang nawalang kuryente. Hoy, nagpakasasa ka rin sa pera ng asawa ko!”

Napatingin si Ryma sa gawi ng mama niyang halos mapigtas na ang ugat sa leeg sa sobrang galit habang si Kuya Al naman ay tila walang pakialam. Sanay na siya sa mga ito. Sanay na rin siyang pag-usapan ng mga kapitbahay nila. Sanay na siyang makakita ng mga tinging gustong mangialam pagkatapos ay manghuhusga kahit hindi alam ang puno’t dahilan.

Tumanaw siya sa bintana sa taas at nakita niya sina Ashley, Ate Gielyn, Andy at Leah. Walang umiiyak sa mga ito hindi gaya noon kapag may mga senaryong katulad ngayon. Siguro ay sanay na ang mga ito pero alam niyang hindi pa rin naaalis ang takot sa mga itong baka kung anong mangyaring susunod kapag nagpatuloy pa iyon.

“Okay lang ba kayo riyan?” Tumango naman ang mga kapatid niya. Nakahinga siya nang maluwag nang malamang ayos lang ang mga ito. Wala pa siguro si Andrius kaya si Adrian na lang ang hinanap niya.

“Adrian!” tawag niya sa binatilyo nang makita niya ito sa junk shop. 

Agad naman itong tumayo at napangiti. “Kumusta?”

“Nag-aaway sina… Mama at Kuya Al.”

Bumalik ito sa pagkakalas ng sirang electric fan na parang walang narinig. Hindi niya tuloy maiwasang makaramdam ng takot. Takot na baka wala na itong pagmamahal sa kanilang ina. Kahit gaano kasama ang mama nila, ayaw niya namang magtanim ng galit ang mga kapatid niya.

“Adrian, narinig mo ba ang sinabi ko?”

“Hindi ako bingi, Ate Ryma. Hayaan mo silang magpatayan doon.”

Napasinghap siya sa sinabi nito. Iyon ang unang beses na narinig niyang nagsalita ito ng hindi maganda. Mabait, laging kalmado at responsable si Adrian at hindi niya akalaing may kinimkim na pala itong galit sa mama nila. 

“Naririnig mo ba ’yang sinasabi mo? Puwede tayong mainis sa ginagawa nila pero hindi tayo puwedeng magalit dahil—”

“Dahil anak lang tayo. Ate, paulit-ulit na ’yan. Laging ’yan ang rason niya at pinaniwalaan mo naman.”

Natahimik siya sa sinabi ng kapatid. Bakit kailangang maging ganoon ang pananaw ni Adrian? Hindi niya tuloy maiwasang mag-isip na baka ang iba niyang kapatid ay may hinanakit at galit na rin sa puso ng mga ito. Hindi iyon mabuti. Hindi iyon mabuti sa mga mura nilang pag-iisip at mga batang puso.

“Bakit hindi? Magulang natin sila at alam nila ang mabuti.”

“Mabuti? Bakit? May mga magulang bang nagdadala ng kahihiyan sa sariling anak?” Pinunasan nito ang mukha gamit ang daliri kaya nadagdagan na naman ang grasa roon. “May mga magulang bang matino pero sisirain ang sariling pamilya?”

Mabuti na lang ay nakatalikod ang binatilyo sa kaniya dahil kung hindi ay nakita nito ang pumatak na luha sa kaniyang pisngi. Bakit ganoon? Hindi para sa kaniya ang galit at hinanakit nito pero siya ang nasasaktan. Ayaw niyang maging matigas ang puso nito. Ayaw niyang mawala ang amor ng mga kapatid niya sa mga magulang nila. 

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon