KABANATA 6

70 4 1
                                    

KABANATA 6

Inagahan ni Ryma ang gising para makapasok nang maaga. Nagluto siya ng umagahan para sa mga kapatid niya at binilinan niya si Andrius na ito na lang ang maghatid kina Leah at Andy. Basa pa ang buhok niya nang lumabas ng bahay. Iba ang umagang iyon sa lahat ng umaga dahil hindi niya kasabay si Jessie sa pagpasok. Kailangan niya itong iwasan dahil hindi niya alam ang mukhang ihaharap sa binata.

Nang mapadaan sa kanto kung saan palaging naghihintay si Jessie, napahinto siya. Tiyak na hihintayin siya ng binata mamaya pero iyon ang tama. Ginawa niya iyon para maramdaman nitong gusto niyang umiwas at kailangan nitong lumayo.

Inayos niya ang gitara sa balikat niya at nagpatuloy sa paglalakad. May activity kasi ang music club pagkatapos ng klase para sa mga bagong member. Kaya baka hapon na siya makauwi. Isa siya sa mga marunong ng instrument kaya napili siya para magturo sa mga freshman o kaya sa mga member na gustong matuto. Mabuti na lang ay wala sa listahang binigay sa kaniya si Jessie. Ayaw niyang turuan ang binata dahil siguradong maiilang siya.

Nang makarating sa classroom, sarado pa iyon. Masyado pa kasing maaga at wala pang masyadong estudyante. Pumunta na lang siya sa library para gumawa ng mga assignment na hindi niya nagawa.

"You're early," puna ng librarian sa kaniya.

Bahagya siyang napayuko. "Good morning, ma'am."

Dumiretso siya sa dulong bahagi ng library malapit sa mga bintana. Gusto niya munang gawin ang mga bagay sa sarili niya nang mag-isa. Nagsimula na siyang gumawa ng assignment. Ilang sandali pa ay dumami na ang mga student. Karamihan ay mga senior high ang nakita niyang pumasok. Napatingin siya sa wall clock, malapit nang mag-ring ang bell kaya niligpit niya na ang mga gamit niya at pumunta sa classroom. Nandoon na halos ang lahat ng kaklase niya nang pumasok siya.

"Nasaan si Jessie, Ryma?" bungad na tanong sa kaniya ni Aaron pagkaupo niya.

Umiling siya. "Hindi kami... magkasabay."

"Ganoon ba? Baka ma-late iyon. Malapit nang tumunog ang bell." Umalis na ito sa harap niya at lumapit kay David.

Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Dapat ay masaya siya dahil wala ang binata sa room pero hindi niya maiwasang mag-alala. Iniwan niya ito nang walang pasabi.

Ilang sandali pa ay tumunog na ang bell. Pumasok na rin ang teacher nila. Wala pa rin si Jessie sa room at parang kinurot ang puso niya dahil doon.

"Ma'am, I'm late. I'm sorry."

Napatingin siya kay Jessie na nasa tapat ng pintuan at hingal na hingal. Pinapasok ito ng guro at sandaling nagtama ang mga mata nila. Agad siyang umiwas ng tingin dahil puno ng katanungan ang mga iyon. Puwede namang sa isang pinto sa likod ito dumaan dahil sa bandang likuran ang upuan nito. Hindi na sana ito pagtitinginan ng mga kaklase niya pero mas pinili nitong sa harap dumaan. Nanlamig ang tiyan niya nang maramdaman pa rin ang tingin nito.

Buong klase siyang hindi lumingon sa likod. Natakot siyang salubungin ang mga tanong nito. Nakatatawang isipin na singkit ang mga mata nito pero ang daling makitaan ng emosyon.

Natapos ang dalawa nilang klase. Bababa na sana siya sa hagdan para pumunta sa H.E. room nang biglang hinarangan siya ni Jessie.

Kunot na kunot ang noo nito. "Sabay tayo, right? Bakit hindi mo ako hinintay? Bakit nauna ka nang pumasok?"

"Maaga... akong nagising. Sige na, ikaw ay lumayas na sa harap ko. May klase pa ako, e."

Hindi siya tumingin sa lalaki at mabilis na nilampasan ito. Hindi niya na hinintay ang magiging reaksiyon nito. Nang makapunta sa H.E. room, nakalutang ang isip niya. May problema na nga sa bahay, may problema pa siya sa school. Gusto niya na lang matapos iyon.

Unlock to Love Again (Siblings Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon