XVII : AMARIS

109 11 16
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Sinagip nya 'kong muli.

Iyan ang sinambit ng aking isipan sa pagprotekta nya sa akin sa pagbagsak ng malawak na sanga—kahit pa alam kong siya rin ang nagdulot nito.

Ngunit gayunpaman ay naramdaman ko pa rin ang ginhawa sa kabila ng aking pagkabigla. At nang siya'y maglaho, hindi ko inaasahang mananatili pa rin ang aking kaalwaan.

Kahit siya'y naglaho, tiwala akong hindi siya lalayo.

Alam kong ako'y ligtas.

At ang dilim sa aking harapan ay unti-unting lumitaw—ang kanyang imahe sa manipis na anino.

Napangiti ako sa malalim na bahagi ng aking isipan, bago ako magyelo nang mapagtantong nagkulong ang tingin namin sa isa't isa.

Isa. Tatlong segundo. Pito.

Makaraan ang ika-sampo ay naglaho na ang pagbibilang sa aking isipan at hindi ko na natukoy pa kung gaano kami nanatili sa ganoong tagpo.

Hanggang sa maputol ang kanyang tingin, at muli ay naglaho sa manipis na hangin. Nang siya'y muling lumitaw, ilang metro na ang layo nya sa akin.

"Napakatindi ng iyong liwanag, hindi ko na kaya pang manatili," saad nya. Ang dilaw na liwanag sa kanyang mga kamay ay gumapang pabalik sa kanyang mga bisig bago ganap na maglaho. "Ngayo'y nais kong makita kung ano ang magagawa niyan." Ang kanyang tingin ay direkta sa aking nagliliwanag na balat.

Binigyan nya ako ng magaang pagtango, at nabatid ko ang kanyang ihinahayag.

"Ngayon, Binibini sa puting liwanag, ikaw naman ang magpamalas ng sariling kakayahan."

Tapos na siya, ngayo'y ako naman ang susubok. Iyon ang aming napag-usapan.

Sa isang mabilis na kurap ay binura ko ang aking pagkataranta, at kalmadong tiningnan ang aking mga palad. Sa unang pagkakataon, ang liwanag sa mga ito ay kaibig-ibig sa aking paningin, na ito'y hindi lamang naging isang misteryo.

Ibinalik ko ang aking atensyon sa lalaki. "Tuwing hinahawakan ko ang pulso ng ibang tao habang ako'y nagliliwanag, para bang nahyeyelo sila."

"Mainam iyong depensa," matipid na tugon nya, na para bang iyon ay hindi na bago sa kanya. "Subalit batid mong hindi mo iyon maaaring ipamalas sa akin."

Binawi ko ang aking tingin at ibinalik ito sa aking mga nagliliwanag na palad. At, marahan, tumungo ako sa pinakamalapit na dahon—hugis puso, sa ibaba ng matabang puno.

Bahagya akong lumuhod—ilan sa aking nagliliwanag na puting buhok ay kumaha sa aking mukha—at inilapat ang nagliliwanag kong daliri sa makintab na berdeng dahon.

Iyon lamang, pumatak ang nagliliwanag na puting film sa balat nito, at marahang lumaganap sa kabuuan ng dahon. Dahan-dahan nitong sinakop ang hugis-pusong berde, hanggang sa ang paglaganap ay huminto at ito'y nabigyan ng malamlam na sariling liwanag, ang uri na hindi nagmumula sa aking sinag.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon