XVIII : ALEK

117 12 22
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Mapanganib.

Labis na mapangnib.

Anong uri ng enerhiya ang akin lamang naramdaman? Anong uri ng kakayahan ang akin lamang nasaksihan?

Habang akin siyang tinitingnan (kanyang mga bagsak at nanghihinang tuhod sa lupa) ay pinilit kong balutin ng pagkamangha ang aking mukha at mga mata. Subalit sa aking kaloob-looban, walang-hangganan ang aking pagkagulat at pagkasindak.

Ang babaeng ito ay muntik na akong mapatay.

Taimtim at kampante akong nagtatago sa likuran ng puno malayo sa kanya, nang mabilis na mabuo ang liwanag sa aking paligid. Mabilis itong pumalibot sa akin at biglang tumindi. Agad akong nakulong. Sinubukan kong kumawala subalit bigo ako. At sa aking bawat pagtangka, sa bawat pagdampi ng aking itim na usok sa nakapalibot na puting liwanag, matinding hapdi ang aking natatamo. Matalim na pagkapaso, brutal at walang habas.

Nang ang liwanag ay naglaho, bumulalas ang takot sa akin at hindi ko napigilang mapaatras. Malinaw: iyon ay akin nang ikalawang buhay.

Upang mabalanse ang aking sarili, kinailangan ko pang sumandig sa puno, at aking pinatindi ang itim na mahikang nakasaklob sa akin.

Ang mata ng nagliliwanag na babae ay muling nagsara, habang palihim akong humatak ng buntong hininga.

Sa pagitan ng mabibigat na paghinga siya'y nagsalita.

"Nanghihina ako."

Maging siya mismo ay hindi inasahan ang mga pangyayari.

"Ako'y narito lamang," paniniguro ko. "Kumapit ka sa natitirang lakas na mayroon ka."

Subalit siya'y tuluyang bumagsak sa lupa.

Bumigat ang aking mga paa sa pagkakatayo. Pinilit kong maging kalmado. Inusisa ko lamang ang kanyang paghinga; mabibigat at malalalim, subalit buhay.

Ngayo'y ang tangi ko lamang magagawa ay bantayan siya habang binabawi nya ang kanyang enerhiya.

Bumugso ang aking kagustuhan na tulungan siya, subalit paralisado ang aking mga paa. Napukaw lamang ang aking atensyon sa kanyang mahinang liwanag, at napaisip: Ano ang magagawa ng isang dilim sa ikabubuti ng liwanag?

Alam kong wala iyong kasagutan.

Bumulong sa aking tainga ang aking mga sinabi sa babae kanina. Sa aking mundo, mayroong dilim na lumalamon ng liwanag.

Pakiramdam ko'y nais ko iyong dagdagan. At sa mundong tinatawag na Earth, mayroong liwanag na pumupuksa sa kadiliman.

Tumungo ako sa isang puno at dumausdos sa pag-upo. Inalis ko ang Kayumpatang nakabalot sa akin at dinama ang manipis na lamig sa paligid.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon