XXIII : AMARIS

90 15 33
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


Pinanood ko ang paglitaw ng pulang bola ng liwanag palabas sa bisig ni Alek. Ang lahat ng tunog sa paligid ay naglaho sa aking pandinig at akin lang itong pinagmasdan sa pagpuwesto nito sa tapat ng aming ulo.

Unti-unti, pulang ring ang nabuo mula sa bola ng liwanag. Lumawak ng nasa tatlong metro, at iniwan ang napakadilim na espasyo sa gitna. Ang mga itim na usok ay agresibong pumapalibot.

Bukas na ang portal. Bumilis ang aking paghinga at dumiin ang mga paa ko sa lupa. Ang portal ay nagdudulot ng pagtaginting sa aking buong katawan—kakaibang sensasyon ng hindi-makamundong enerhiya. Ang hangin sa aming paligid ay unti-unting nagkaroon ng buhay, naipon sa aming kinatatayuan, at nanatili tangay ang mga tuyong dahon.

Humawi sa akin ang munting pagaalangan, ngunit binalewala ko ito.

Ito ang aking nais, paalala ko sa aking sarili. Simula pa lamang ay ito na ang aking hiling, ang takasan ang aking Tita at kanyang pamilya, ang makawala sa kadenang ako'y nakagapos, ang makaalis sa paghihirap at pagiisa.

Hinarap ko ang bukas na portal at tinanggap ang sensasyong nagmumula rito. Hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin sa pagbalik kong muli rito, ngunit hindi ko iyon kailangan isipin kung wala nang dahilan upang ako'y manatili pa. At kung patuloy akong mag-aalala, hindi ko magagawang umusad.

Kung wala ang aking misteryo . . . kung wala si Alek at ang Zamarro, marahil hahayaan kong ako'y mamaltrato at mananatili ako sa kamay ni Tita hanggang sa ako'y tumuntong sa ika-labing walo. Ngunit maraming nagbago, at ngayo'y mayroon pang nakaabang na ibang mundo. Ngayong maari nang magkatotoo ang aking mga magagandang panaginip, hindi ko hahayaang manatili pa sa isang bangungot.

Lalayo ako, muli kong pasya sa aking sarili. Tatakas ako.

Maglalaho.

Magaan at mababang boses ang yumakap sa akin at hinatak ako nito pabalik sa kaganapan. "Ikaw ba'y handa na?"

Humarap ako at bahagyang tumingala kay Alek. Ngayong ako'y hindi na nagliliwanag, napakalapit na namin sa isa't isa. Ramdam ko ang init na nagmumula sa kanyang kayumpata, habang ito'y marahang humahawi sa akin sa bawat mahinang paghampas ng hangin.

Wala na rin ang mga aninong nakasalakbong sa kanya dahilan upang malaya kong masilayan ang kanyang mukha. Mayroong makintab na pag-asa sa kanyang mga mata, ngunit mayroon ding anino ng pangamba at tatag ng proteksyon.

Alam kong ako'y hindi mapapahamak.

Ikinandado ko ang aking tingin sa kanya at nagbigay ng buong pagtango. Hindi na nya kailangan pa ng ibang salita pagka't lahat ng paliwanag at mga kasagutan ay akin nang ibinigay. Para sa kanya, ito na lamang ang aking pag-asa. At ito nga. Ano ba ang aking maiiwan sa mundong ito bukod sa pasakit at pagiisa?

Sa marahan at banayad na paraan ay naramdaman ko ang pagdampi ng daliri sa aking kamay. Ang init mula rito ay ganap nang pamilyar—bagay na aking ikinabigla—at hinayaan ko itong dumaloy sa aking palad. Sa pagdaloy nito, napagtanto kong buong kamay na nya ang nakayapos sa akin. Ito'y humigpit. Ako'y kumapit.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now