XXXVII : AMARIS

171 16 15
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


Siya'y makisig sa kayumangging kasuotan at sa mga tansong disenyo nito. Ilang hibla ng kanyang itim na buhok ay magaang nakaharang sa sulok ng kanyang mukha. Ang pananabik sa kanyang mga itim na mata'y sunod nabalutan ng kalituhan, at pagkagulat.

Paano ko sasabihin sa kanya na ako'y hindi na espesyal na nilalang? Na isa na lamang akong normal na tao? Na ang pagdaloy ng matinding enerhiya sa aking katawan at tungo sa itim na mga orbe ng itim na portal ay lumusaw sa aking katatwang enerhiya? Ilang araw na ba simula noong natuklasan ko ang aking misteryo? Ilang Buwan? Ang enerhiya na aking naramdaman mula sa aking pagliwanag ay naglaho na sa aking katawan singbilis ng paglitaw nito.

"Isa na lamang akong normal na tao, at ang mundong ito ay hindi para sa isang tulad ko," rinig kong sambit ng aking bibig. "Kung mananatili pa ako sa mundong ito, iyon ay kahalintulad ng pagyakap sa maagang kamatayan. Ang enerhiya ng Zamarro ay para sa mga Zamarron—Moonfolk—lamang." Napalunok ako sa nanunuyo kong lalamunan, namimilipit habang pinipigilan ang bawat luha. "Hindi ito ang lugar na para sa akin."

Kung bakit umasa pa akong mayroong ibang lugar para sa akin? Ang mga salita ay nakulong lamang sa aking isipan. "Ang Earth ang aking lugar—at ang Earth lamang."

Tinitigan ko ang kanyang mga matang nakadungaw sa kawalan, ang pagbalot ng pagkagulantang sa kanyang itim na balintataw, ang pagkalagas ng makintab na ekspresyon sa kanyang mukha.

"Hindi." Ang kanyang mga mata ay tumutok sa akin. Sumakop ang kanyang mga kamay sa aking magkabilang balikat gaya ng kanyang mga nakasanayan. Hinayaan kong humagod ang kanyang init sa akin. "Hindi maaari. Makakahanap tayo ng paraan upang magawa mong manatili rito. Maaari kang manatili hanggang sa makahanap tayo ng paraan."

Inasahan ko na ang kanyang pagtutol. Maging ako'y hindi ito matanggap. Nais ko ring manatili. Ngunit siya'y binigyan ko ng pag-iling. "Kailangan kong makaalis dito bago tuluyang magsara ang portal mula sa Zamarro tungo sa Earth. Ang enerhiyang pinakawalan ng Dark Majesty ay nag-iwan ng mahinang linya sa Puwang kung saan nabibilang ang dalawang mundo. Sa bawat Pagdilat, iyon ay unti-unting bumabalik sa normal. Unti-unting nagsasara. Iyon na lamang ang paraan upang ako'y makabalik ng aking mundo."

"Ang mga Portal."

"Ang mga Portal . . . ay naglaho kasabay ng paglaho ng mga itim na enerhiya ng mga Darkborne. Ang Zamarro at Earth ay kapwa mahina pa sa naganap na pag-atake. Lahat ng enerhiyang naipon ng mga Darkborne mula sa mga Zamarron ay naubos sa pagwasak ng Zukos."

Siya'y tumingala, nagpakawala ng mahaba at mabigat na hininga. Ang kanyang mukha ay bumagsak. Sa mahabang oras, wala sa amin ang nagsalita. Hindi ko maalala kung kailan siya bumitaw sa akin, kung gaano kami katagal nanatiling nakatayo kaharap ang isa't isa.

"Wala na tayong magagawa," tuluyan kong pukol.

Umangat ang kanyang mga mata at tumapat sa akin. "Sa ngayon." Ang diin sa kanyang boses ay hindi nawala. "Hahanap ako ng paraan. Pangako."

Pangako. Ang kanyang salita ay umalingawngaw sa aking isipan. Hindi ko maipaliwanag, subalit sa kabila ng lahat ng mga nangyari, at ng kanyang ginawang pagsisinungaling, ay nais ko pa ring kumapit sa pangako nyang iyon. Siya'y nawasak lamang, at nawala sa karimlan . . . gaya ko. Nagsilay ako ng ngiti, isang tunay at pagkukubli sa parehong oras, isang uri ng ngiti na nagwawasak ng aking puso kasabay ng pagbuo nito. Ang galak sa paglisan ay makukuha sa mga maiiwan, at ganoon din ang kalungkutan.

"Hanggang kailan ka na lamang mamamalagi?" Tuwid ang kanyang mga salita. Pilit kong tinatagan ang aking sarili.

"Matapos ang araw—Pagsibol—na ito. Dadalhin ako ni Erdem pabalik sa Darkborne Castle, kung nasaan ang simula ng mahinang linya sa Puwang, kung saan nya bubuksan ang Portal."

Ang kanyang dungaw ay bumalik sa bintana sa aking likuran, at sa liwanag ng paligid. "Ang Pagsibol ay mayroong mahabang oras bago ang Paglubog." Bumalik ang kanyang tingin sa akin. "Masaya akong pinili mo akong makita."

"Higit pa roon," agad kong tugon. Ang kanyang ngiti ay aking tinumbasan. Gumaan ang aking dibdib at sumibol ito sa aking mga mata at buong katawan. "Nais kitang makasama, bago ang aking pag-alis."

Tuluyan akong natibag. Bumitak ang aking puso at kumawala ang mga pinipigilan kong emosyon.

Umiiyak ako, at tumatawa. Nalulungkot at nagagalak. At ganoon din siya. Ikinulong namin ang isa't isa sa aming mga yakap, at tumungo sa unang lugar na nais kong mapuntahan sa huling araw ko rito. At sa sumunod pang lugar. Ang mga munting portal ang sa ami'y nagdala—pinaghalong enerhiya mula kay erdem at mga enerhiyang nagmula sa aking liwanag, sa mga panahong ako'y mayroon pa nito. Nang magsara ang mga kamay ni Alek sa akin, hindi ko na nais bumitaw pa.


Menova, para sa kinahihimlayan ni Lorcan. Gamarea, para kay Sera, Bronemir, Gideon at iba pang mga Moonfolk na isinugal ang buhay sa paglaban sa mga Darkborne. Nabuhay sa aking alaala ang mga huling kaganapan sa harap ng Dark Majesty. Ang pag-ulan na iyon ay tiyak na mula kay Sera at Lorcan. Ang kanilang enerhiya ay nakaukit na sa aking balat—tila isang permanenteng tatu na puno ng masisiglang kulay—habambuhay mananatili sa alaala ng aking pandama.

Ang mga Zamarron ay bukas sa pagtanggap ng kanilang mga bagong pinuno, gaya ng pagtanggap nila sa liwanag na hatid ng mga ito. Sa magulong lupain ng Warros, si Licia at Jinx ang nangangasiwa. Sa Nhorgi—sa Darkborne Castle—si Corvus at ilan pang mga Moonfolk. Sa Earos ay ang mahal na Hari. Sa Szagi ay sina Erdem at Nessah. Silang lahat ay muli kong makakasama sa Nhorgi, bago ang aking paglisan.

At kami ay tumungo sa Szagi, ang lupaing kinalakihan ni Alek—at sa Southland, ang kanyang bayan. Ang kanilang tahanan ay puno ng pangungulila at kalungkutan, subalit unti-unti ay tiyak akong magbabalik din ang liwanag sa bawat sulok nito. Ang espasyo ay unti-unting mababalot ng mga masasayang alaala, ang lamig ay mapupunan ng init ng pagmamahal ng dalawang magkapatid sa isa't isa.

Nawala ako sa galak, ang oras ay nalusaw sa usok ng mga halakhak at luha. Ang liwanag ay naglayag mula sa silangan paakyat sa sentro ng maaaliwalas na kalangitan, hanggang sa tumungo ito sa kanluran, kung saan ito ngayo'y mabigat sa marahang paglubog, nagpipinta ng makikintab at gigintong kulay sa buong mundo ng Zamarro.

Buo sa aking alaala ang init mula sa mga yakap ni Alek, ang gaan sa kanyang mga magagaspang na kamay, ang tunog ng kanyang boses at halakhak. Hindi ko makakalimutan kung paano siya marahang bumitaw habang ang gigintong portal ay nagbukas sa aking harapan, sa taluktok ng himpapawid.

Hindi ko makakalimutan kung paanong sa sandali ay nabago ang aking buhay.

Kung panaginip lamang ang lahat ay hindi ko na nais pang magising. Hindi ko kailanman naramdaman ang bigat ng mga salitang iyon liban sa mga oras na ito, habang aking marahang ipinikit ang aking mga mata, habang hinayaan kong hatakin ako ng kakaibang enerhiya palayo sa isang mundo at tungo sa panibago.

Kung panaginip lamang ang lahat ay hindi ko na nais pang magising.


LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now