XXII : ALEK

72 12 9
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


Earth. Sa kabila ng bangis nito, patuloy pa ring namamayani sa aking isipan ang angkin nitong kagandahan.

Ang mundong nabubuhay sa liwanag.

Bumigat ang aking dibdib. Paano ko siya magagawang ilayo sa magandang mundong ito, tungo sa karimlan ng aking mundo?

Sa loob ng mahabang sandaling ginugol ko sa pagsasalaysay, sinabihan ko siya patungkol sa mga Darkborne Tower, at sa mga malalayong lupain na hindi ko pa napupuntahan subalit laman na ng mga kuwento.

Tinapos ko ang aking pagsasalaysay sa isang kasiguraduhan.

"Ang buhay ng Zamarro ay nagmumula sa dilim, at dilim lamang. Ang dilim ay walang katapusan."

May kakaibang karimlan sa aking damdamin. Noon, ang Zamarro ay isang kaaya-ayang mundo para sa akin. Iyon ang aking mundo.

Ngunit nang mawala sina Inay at Danil, unti-unti ko ring napuna ang dilim. At hindi ko na magawang makabalik pa sa dati ngayong natuklasan kong mayroong mundo kung saan malayang naghahari ang liwanag.

Namalagi ang napakahabang katahimikan, at amin lamang pinagmasdan ang kalangitan. Dinama ang taimtim na paligid. Hanggang sa wakas ay kanya itong tuldukan.

"Marahil doon ako nababagay." Nabaling ang aking tingin kay Amaris at nagulat sa kanyang tinuran.

Siya'y nakadungaw sa kailaliman ng gubat. At sa nagliliwanag nyang mga gintong mata ay nasilayan ko ang malalim na pag-iisip, gayun din ang bigat sa kanyang loob.

"Paumanhin?" paglilinaw ko.

"Hindi ko ramdam kung nararapat ba ako rito. Sa mundo ng Earth." May lungkot sa kanyang boses na agad nagpahawa sa akin. "Mag-isa lang ako sa mundong ito. Walang mga magulang, at wala na rin ang nag-iisang tao na nagbibigay liwanag sa buhay ko."

Tila ba narinig ko ang sarili kong kuwento. At iyon ay nagbaon ng malalim na patalim sa aking dibdib.

Napuna ko ang unti-unting pagnipis ng kanyang liwanag, at sa kanyang mukha ay lumitaw ang ilang mga pulang kulay.

Mga pasa.

Nanlaki ang aking ma mata at bugsong napatayo, ngunit naalala ko ang aming sitwasyon at pinigilan ko ang aking sarili.

"Naiwan ako sa kamay ng aking Tita, na naniniwalang ako ang may kagagawan sa pagkamatay ni 'Nay Felisha, ang kanyang Ina na kumupkop at nagpalaki sa akin. Mula noon, ang buhay ko'y naging miserable. Ang mga pangmamaltrato at pagmamalupit ay naging parte na ng aking bawat araw." Kumislap ang munting linya pababa sa kanyang pisngi, at doon ko napagtantong ang mga ito ay luha. "Gusto kong maglaho rito. Umalis. Gusto kong makawala sa pasakit na ito dahil hindi ko alam kung kakayanin ko pa."

Ngayon, ganap ko nang nakikita ang akig sarili sa kanya. At bago pa ako makapag-isip ng ibang bagay, nagulantang ako sa kanyang mga pinakawalang salita.

"Gusto kong makapunta sa iyong mundo."

Napatitig lamang ako sa kanya, hinahagilap sa kanyang mukha ang senyales ng pagbibiro. Subalit siya ay seryoso.

Ang pag-alis ko sa Zamarro ay nanumbalik sa akin. At ang Dark Majesty. Ang aking misyon.

Tumungo ako ng Earth upang mabuo kong muli ang aking sarili.

Ngunit hindi ganoon ang mangyayari kay Amaris. Ang kanyang pagpunta ng Zamarro ay magbibigay daan sa kawalang-kasiguraduhan.

Subalit iyon ang aking kailangan.

Pumayag ako sa bagong misyon, sa harapan ng Dark Majesty. Kailangan ko iyong maisagawa kung nais kong magbunga ang lahat ng aking sakripisyo.

Nais kong sabihin sa kanya na payag ako, na ako'y nananabik. Subalit iba ang aking binigkas. "Amaris." Dumiin ang aking tingin. "Hindi ko nais na madala ka ng bugso ng iyong damdamin."

"Kasama kita 'di ba?"

Sa loob ko, agad akong gumuho. Buo ang kanyang mga salita. Tiyak ang kanyang pagtitiwala.

At naalala ko ang Dark Majesty, at ang mapanganib na plano sa aking isipan. Sa isang iglap ay wari'y napupunit ang aking utak.

"Makakaasa ka." Iyon ang tugon na kinaya kong sambitin.

"Magiging maayos ang lahat."

Ang kanyang malambot na boses ay talim sa aking isipan. Ang kapayapaan sa kanyang damdamin ay isang bayolenteng pagyanig sa akin. Subalit akin itong ininda.

"Kailan?"

Ipinikit nya ang kanyang mga mata. Banayad na hangin ang sumipol sa paligid at ang kanyang buhok ay marahang humawi. Ang bahagyang lamig ay nagdulot ng ginhawa sa aking tensyonadong isipan.

Naglaho ako sa realidad at nalunod sa kanyang katangi-tanging anyo. Hanggang sa buksan nyang muli ang kanyang mga mata, at ibinigay ang kanyang pasya.


LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now