XXVI : ALEK

68 12 16
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


Akin nang nauunawaan ang lahat: Ang pangkat ng mga rebelde sa nagdaang Pagdilat lamang, ang aking sugat na hindi mapagaling ng itim na mahika, at ang pag-atake ng mga Shadow Nimrod. Sila ang mga maliliksi at mabibilis na uri ng Darkborne Shadow, ang uri ng Shadow na nais ko ring mapabilang pagkatapos ng aking misyon . . .

Noon . . .

Subalit hindi na ngayon.

Malinaw na sa akin na ang lahat ng iyon ay nagmula sa Dark Majesty.

Ang kasunduan ay ako mismo ang maghaharap sa kanya kay Amaris, na ako ang magdadala mismo sa Darkborne Castle. Ang usapan ay sa kahit anong paraan ko iyon isasagawa, sa aking paraan.

Subalit ano ang mga pag-atake na kanyang ibinato? At ngayon, ano ang kanyang sanhi sa pagsasara ng portal? Sa halip na galit ay sindak ang sumakop sa akin, sapagka't, paano kung tukoy na nya ang pag-aalangan ko sa misyon?

Nang sabihin kong kami na ay lilisan, magbabalik sa Earth, iyon ay tunay. Kung nais ko siyang makuha ng Dark Majesty, kanina pa lamang ay akin na sanang hinayaan ang mga Nimrod na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit ang aking damdamin at isipan ay nagtatalo, at ang boses ni Danil at kakaibang sensasyong aking nadarama (mula noong pagdating namin dito) ay nagbabago ng timpla sa aking sikmura, unti-unting tumitibag sa pader ng aking kasiguraduhan.

Hindi na lamang ngalan ko ang aking naririnig mula kay Danil, kundi mayroon pang ibang mga salita. Kung ano ang mga iyon ay hindi ko mapuna, nilalamon ng kawalan bago ko pa man matanggap nang buo at malinaw.

Subalit mayroong ihinahayag ang paghila ng sensasyon sa akin. O hindi sensasyon, kundi damdamin. Isang malungkot at nangungulilang damdamin, tiyak, ngunit mayroon itong kalakip na paghihirap, pagdurusa. Sa bawat pagkakataong ito'y aking nararamdaman, iyon din ang panahong naririnig ko ang hindi-maintindihang mga salita ni Danil, na higit malakas sa aking mga panaginip, subalit higit ring malayo.

At ngayon. Muli, akin siyang naririnig. Higit doon ay aking siyang nararamdaman. Ang lahat ng ito ay palihim na humahatak ng pagduruda sa mga ipinangako sa akin ng Dark Majesty sa mga panahong inilagi ko sa Darkborne Castle, na silay payapa, at hinihintay ang aking tagumpay.

"Baka . . . Baka hindi lang sapat ang iyong enerhiya."

Nanumbalik ako sa mungkahi ni Amaris. Kami ay nakatayo pa rin sa parehong lugar kung saan namin natuklasang nakasara ang lagusan.

"Sa tingin ko'y mayroon pang mas posibleng dahilan."

Nagtagpo ang kanyang kilay, habang aking hinubad sa aking likuran ang nakasakbong kong kayumpata. Isinuot ko ito sa kanya. Puminta sa kanyang mga mata ang pangamba. Maging ito'y bumagsak din sa akin, subalit hindi ko ipinahalata.

LUMINOUS (Fantasy Novel)Where stories live. Discover now